in

Integration agreement at point system ng mga permit to stay, sisimulan na!

Simula Marso 10, ang mga bagong papasok ng bansa ay pipirma at mangangakong magsusumikap makamit ang ilang layunin, tulad ng kaalaman sa wikang Italyano at sa mga institusyon. Ang integration ay susukatin batay sa mga puntos, na nag-iiba ayon sa pag-uugali ng dayuhan. Kung ito ay mababa ay maaaring patalsikin sa bansang Italya.

altRome, 28 Pebrero 2012 – Kung hindi ipagpapaliban ng pamahalaan, isang rebolusyon ang magsisimula para sa lahat ng mga bagong darating na imigrante sa bansa. Mula Marso 10, ang sinumang darating sa Italya, na may edad na labing-anim pataas at humihiling ng permit to stay na mayroong validity na kahit na isang taon lamang, ay dapat na pirmahan ang kasunduan sa Sportello Unico per l’immigrazione o sa Questura.

Sa kasunduan, ay nangangakong sa loob ng dalawang taon ay matututunan ang base ng wikang Italyano, level A2, sapat na kaalaman ukol sa mga pangunahing prinsipyo ng Saligang Batas, sa institusyon at ang pamumuhay ng sibil sa Italya, partikular ang tema ukol sa kalusugan, edukasyon, welfare, labor at pagbabayad ng buwis. Nangangako rin na pag-aaralin ang mga anak sa obligatory school at maghahayag ng  paglahok sa “Carta dei valori della cittadinanza e dell’integrazione” ng Ministry of Interior.

Tatlong buwan matapos pirmahan ang kasunduan ay nararapat na pumasok sa maigsing kurso ng “Pag-aaral ng Sibika at pamumuhay sibil” na maaaring tumagal mula lima hanggang sampung oras, sa sariling wika o, kung hindi man ay maaaring sa wikang Ingles, Pranses, Espanyol, Arabic, Tsino, Albanian, Russian at Filipino. Sa ganitong pagkakataon ay maaari ring matanggap ang mga impormasyon ukol sa “Mga tulong sa proseso ng integrasyon” o sostegno del processo di integrazione (tulad ng mga libreng kurso ng Italyano) na aktibo sa lalawigan.

Ang integrasyon ay nasusukat sa pamamagitan ng mga puntos (o credits), labing-anim na puntos ang awtomatikong itinatalaga sa pagpirma ng kasunduan. Ang mga puntos ay nauugnay sa kaalaman sa wika, ang mga kursong kinuha at mga kwalipikasyon, pati na rin ilang mga tamang pag-uugali, tulad ng pagpili ng doktor, ang registration ng lease o upa sa apartment, ang entrepreneurship o ang kawanggawa. Ang mga puntos, gayunpaman, ay nababawasan sa kaso ng mga pending criminal case, seguridad at paglabag sa batas at hindi pagbabayad ng buwis.

Dalawang taon pagkatapos pirmahan ang kasunduan, ang Sportello unico per l’immigrazione ay susuriin ang mga papeles na isinumite ng mga dayuhan (sertipiko sa mga kurso, mga kwalipikasyon, atbp.) O, kung wala ang mga ito ay sasailalim sa isang pagsubok o test. Sa parehong mga kaso, ang pagsusuri ay matatapos sa pagbibigay ng puntos: mula tatlumpung puntos pataas, ang kasunduan ay itinuturing na pasado, mula isa hanggang dalawampu ay itinuturing na ‘repeater’ at mangangako na magsusumikap para sa tatlumpung puntos sa susunod na taon ngunit kung ang puntos ay zero o negative ay tatanggalan ng karapatang manatili sa Italya at maaaring mapatalsik sa bansa.

Ang Interior Ministry ay magiging responsable para sa isang talaan ng mga signatories ng kasunduan kung saan itatala ang lahat ng mga puntos at anumang pagbabago na ipahahatid sa mga kinauukulan. Ang mga signatories ay maaaring sangguniin ang talaan upang alamin ang kanilang mga posisyon. (larawan ni: Boyet Abucay)

 

 

 

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Huling panawagan sa pagbabalik ng mga Istat questionnaire

Matatag ang paninindigan ng gobyernong Aquino sa mga adhikain ng Edsa Revolution