Ang Iscrizione Anagrafica o pagpapatala sa Ufficio anagrafe ng isang dayuhan ay nagpapahintulot sa pagkakaroon ng ‘residenza’. Narito ang mga dokumentasyong kinakailangan.
Ang iscrizione anagrafica ay ang pagpapatala ng isang mamamayan sa Ufficio anagrafe ng isang munisipyo o Comune sa Italya. Ang anagrafe ay naglalaman ng lahat ng mga impormasyon ng mga mamamayan – indibidwal, pamilya at mga kasama sa bahay – na nagtalaga bilang residente sa Comune. Ang pagpapatala ng isang dayuhan sa anagrafe ay nangangahulugan ng pagre-request na maging bahagi ng listahan ng anagrafe. Ito ay nagpapahintulot sa karapatang maging residente o ang pagkakaroon ng ‘residenza’. Tandaan na ang ‘residenza’ ay nauugnay sa pagkakaroon ng isang permanenteng tirahan o address. Sa katunayan, ang iscrizione anagrafica ay mahalaga sa pagkakaroon ng carta identità o national ID ng Italya at magkaroon ng mga mahahalagang certificates na kinakailangan sa paninirahan sa Italya. Bukod dito, ito din ay susi sa maraming karapatang sibil at pampulitika, at nagbibigay access sa pagtanggap ng maraming social benefits.
Iscrizione Anagrafica – Mga dokumentasyong kinakailangan
- Pasaporte – Sa pagpapatala ng isang Pilipino sa anagrafe ng Comune kung saan nakatira ay kinakailangang balido ang pasaporte, maliban na lamang kung mayroong international protection status.
- Permesso di soggiorno – Kakailanganin ding ilakip ang kopya ng balidong permesso di soggiorno sa iscrizione anagrafica o pagpapatala. Samantala kung nasa renewal ang permesso di soggiorno, ay maaaring ilakip ang kopya ng expired na permesso di soggiorno at ang patunay ng request ng renewal o ang resibo mula sa poste italiane. At kung naghihintay naman ng first issuance ng permesso di soggiorno, ay maaaring ilakip ang kopya ng aplikasyon ng first request nito. Samakatwid, ay maaaring gawin ang iscrizione anagrafica kahit naghihintay ng releasing ng permesso di soggiorno.
- Patunay ng tirahan – Kailangang ilakip ang kopya ng kontrata ng apartment, kung umuupa. Maaari ring ilakip ang patunay ng libreng pagpapatira (comodato d’uso) o ang hospitality declaration. Sa ganitong mga kaso ang may-ari ng bahay ay kailangang pirmahan ang awtorisasyon kung saan nasasaad na ang dayuhan ay may pahintulot maging residente sa bahay at address na ito, lakip ang kopya ng kanyang dokumento. Kung ang may-ari ng bahay ay residente rin sa tahanang iyon, bukod sa pahintulot ay kailangang tukuyin ang relasyon ng may-ari ng bahay sa dayuhan at kung bahagi ito ng kanyang family composition (o stato di famiglia) halimbawa kung asawa at anak o kung bukod na nucleo familiare kung hindi kaano-ano o walang anumang relasyon dito. Sa kasong ang aplikante ay ang owner ng bahay ay kailangang ilakip ang ‘atto di proprietà’.