Sa Pre-school, 8 sa bawat 10 mag-aaral ay ipinanganak sa Italya. Mga mag-aaral na Pilipino, makabuluhan ang pagdami sa First at Second degree HS.
Milan, Marso 25, 2013 – Tinatayang 415 ang mga paaralan kung saan ang presensya ng mga mag-aaral na dayuhan ay umabot o nalampasan ang 50% at kung isasaalang-alang ang mga Preschool, 8 dayuhang bata sa bawat 10 ang ipinanganak sa Italya.
Ito ang ulat buhat sa "Alunni con cittadinanza non italiana. Approfondimenti e analisi. A.s. 2011/2012", inihanda ng Ministry of Education, University and Research (Miur) at ng Ismu Foundation.
Sa school year 2011/2012, ang mga banyagang mag-aaral na ipinanganak sa Italya ay tinatayang aabot sa 334,284, at kumakatawan sa 44.2% ang kabuuang bilang ng mga non-Italian students. Limang taon ang nakakalipas, ay umabot sa halos 200,000 o ang 34.7%.
Sa mga Pre-school o scuola d’infanzia, ang mga kabataang dayuhan na ipinanganak sa Italya ay tinatayang 80.4% o halos higit sa 8:10, at sa ilang rehiyon ang porsyento ay tinatayang mas mataas pa at higit sa 87% sa Veneto, 85% sa Marche, 84% sa Lombardy at 83% naman sa Emilia Romagna. Samantala, hindi naman naabot ang 50% sa Molise at bahagyang nalampasan naman ang 50% sa mga rehiyon ng Calabria, Campania at Basilicata. Sa huling limang taon, ang mga mag-aaral na ipinanganak sa Italya ay tumaas ng 60% sa mga Preschool (kung saan umabot ng 126,000, mula sa 79,000 noong school year 2007-2008), sa grade school naman ay 145,000, samantala 46,000 naman sa First degree HS at 17,000 sa Second degree HS.
Ayon pa sa ulat ng Miur at ng Ismu Foundation, ang kabuuang bilang ng mga paaralan kung saan ang presensya ng mga banyagang mag-aaral ay mas mataas kaysa sa mga Italians ay 415 (o ang 0.7% ng mga paaralan), higit ng 10 kumpara sa nakaraang school year. Two-thirds ng mga Provincie o lalawigan sa Italya ay mayroong hindi bababa sa isang paaralan na may 50% na banyagang mag-aaral. Ang mga Preschool naman na mayroong hindi bababa sa 50% na bilang ng mga banyagang mag-aaral ay 233. Ang lalawigan na may pinakamataas na bilang ng mga paaralan na may hindi bababa sa 50% ang mga banyagang mag-aaral ay ang Milan (55), Turin (34), Brescia (32). Samakatwid, ang mga mag-aaral na mayroong foreign citizenship ay kumakatawan sa isang realidad na ngayon ay bumubuo sa bansang Italya.
Sa katunayan, mula sa 196,414 mag-aaral noong nakaraang school year 2001/2002 (na sumasaklaw ng 2% ng kabuuang populasyon sa paaralan) ay tumaas sa 755,939 sa school year 2011/12 (8.4% ng kabuuan). Sa mga nakaraang taon, ay nagkaroon ng isang mabagal na paglago sa bilang, ngunit sa huling 12 buwan ay nagkaroon naman ng isang pagbawi: mula sa 44,000 na itinaas noong school year 2010/2011 kumpara sa taong 2009/2010, ay tumaas ng 36,000 ng sumunod na school year at higit ng 46,000 ng huling taon.
Ang pinaka makabuluhang pagtaas, ayon pa sa ulat ng Miur at Ismu, ay kumakatawan sa Second degree HS: Sa school year 2001/2002 ay 14% lamang ang mga mag-aaral na mayroong foreign citizenship, habang ang school year 2011/2012 ay umabot sa 21.8%. Sa huling sampung taon, ay nabawasan naman ang sa grade school mula sa 42.8% sa 35.5%. Maging sa school year 2011/2012 ay kumpirmado ang pagpasok ng mga mag-aaral na dayuhan sa Istruzione Professionale – 39.4% ng kabuuang bilang ng mga mag-aaral na dayuhan– technical school 38,3% – samantal ang Licei o Artistica naman ay 22,3%.
Nangunguna ang mga mag-aaral na Romanian para sa ika-anim na magkakasunod na taon, (141,050), na sinundan ng mga Albanians (102,719) at Moroccans (95,912). Kabilang sa mga mayroong makabuluhang taunang paglago ang mga mag-aaral na Moldovan (+ 12.3%) sa iba't ibang antas, at ang mga Ukrainian (+ 11.7%) sa grade school at ang mga Pilipino naman sa First degree HS (+8.5%) at Second degree HS (+11.2%).
Ang rehiyon na mayroong pinaka maraming mag-aaral na dayuhan ay ang Lombardy, 184.592 ang bilang ng mga mag-aaral na mayroong foreign citizenship. Sumunod ang Veneto(89.367), ang Emilia Romagna con (86.944), ang Lazio (72.632) at ang Piedmont (72.053).
Samantala, ang mga mag-aaral na gypsies ay nabawasan naman. Ang 11,899 sa school year 2011/2012, ay ang pinakamababa sa huling limang taon, isang pagbaba ng 3.9% kumpara noong 2010/2011.