Inaprubahan ng Comune di Livorno ang reddito di cittadinanza locale. Ito ay ang tulong pinansyal ng € 500 kada buwan, sa loob ng anim na buwan, sa mga walang trabaho, Italyano man o dayuhan.
Roma, Disyembre 28, 2015 – € 500 kada buwan, sa loob ng anim na buwan, sa mga walang trabaho. Gayunpaman, bilang kapalit ay kailangan ang magsagawa ng social services o ang lumahok sa mga community projects at siguraduhin, kung mayroong anak, ang pagpasok ng mga ito sa paaralan.
Ito ang tinatawag na “reddito di cittadinanza locale”, na inaprubahan ng Comune di Livorno “habang hinihintay na ang gobyerno at parliyamento ay kumilos”, paliwanag ni Ina Dhimgjini, ang social welfare Assessor ni Mayor Filippo Nogarin ng M5S. Sa pamamagitan ngisang deliberasyon ang Comune di Livorno ay “naglalaan ng tulong-pinansyal sa mga pansamantalang nasa kundisyong hindi matutugunan ang pansarili at pampamilyang pangangailangan; ito ay sumasaklaw bilang integrazione al reddito at prevenzione sociale”.
Ang public notice (bando) ay inilathala sa website ng Comune di Livorno (mga aplikasyon hanggang Jan 15, 2016) ay bukas sa mga mamamayang Italyano, Europeans at non-Europeans. Ngunit ang huling nabanggit ay kailangang nagtataglay ng carta di soggiorno at hindi isang simpleng permesso di soggiorno per lavoro tulad ng hinihingi ng Batas ng Europa sa pantay na pagtanggap ng social benefits.
Bukod dito ay kailangan din ang limang (5) taong pagiging residente sa Livorno at may edad mula 35 taong gulang hanggang pensionable age.
Ang iba pang mga requirements ay nakalaan upang patunayan naman ang pangangailangang pinansyal. Mula unemployment, sa pamamagitan ng registration sa centro per l’impiego, hanggang ISEE na hindi lalampas sa 6530 euros.
Bukod dito ay hindi maaaring mayroong ikalawang bahay o malalaking sasakyan o ang paninirahan sa isang luxury residence.
Maaaring makatanggap ng reddito di cittadinanza ang isang miyembro lamang ng bawat pamilya.