Manila – “Filipino time,” ito ang tatak ng mga Pilipno sa pagiging late sa appointment. Ito ay tinapatan ng isang kampanyang inilunsad ng Department of Science and Technology (DOST), na tinawag na “Juan Time,” upang matanggal ang nakaugaliang pagiging atrasado sa mga lakad.
Mahigpit na ipatutupad diumano ng DOST ang Philippine Standard Time (PST), ang timing system na pinamamahalaan ng PAGASA.
Ang DOST-PAGASA ang itinalagang official timekeeper sa Pilipinas mula pa noong 1978 batay sa Section 6 ng Batas Pambansa Blg. 8.
“PST, the country’s official time, sets only one common time in the archipelago’s more than 7,100 islands,” ayon kay DOST Sec. Mario Montejo. “Juan Time reminds Filipinos that keeping to the PST avoids the difficulties of having confusing, unsynchronized time.”
“Ang oras ay kinukuha sa Global Positioning System kung saan kinokontrol ang rubidium clock na isang atomic clock”, ayon kay Mario Raymundo, chief Time Service Section ng PAGASA
Maraming standard time ang ikakalat sa Metro Manila at isusunod ang iba pang lalawigan upang masunod ang oras na nagmumula sa PAGASA. Maaari ring i-set ang oras ng mga electronic gadgets na may internet connection at i-set ang time sa URL na ntp.pagasa.gov.ph.
Inaasahan ni Montejo na ang naturang kampanya ang magbabago sa imahe ng tinatawag na “Filipino time,” at tuluyan itong maging “on time” sa halip na late.
Ang “Juan Time” ay inilunsad noong nakaraang September 30 sa Music Hall ng SM Mall of Asia sa Pasay.