Ayon sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bandang alas-5:00 ng madaling araw ng Biyernes, ay tumaas pa ulit sa 418 ang mga nasawi sa bagyong Pablo sa walong rehiyon.
Pinakamarami ang mga nabiktima sa Region XI partikular sa Davao Oriental at Compostela Valley kung saan 383 na ang patay.
Sumunod naman ang Surigao del Norte at Agusan Del Sur sa Caraga; at Misamis Occidental, Misamis Oriental at Bukidnon sa Region X na kapwa may naitatalang 11 casualty.
May pito naiulat na nasawi sa Siquijor, Cebu at Negros Oriental sa Region VII, habang dalawa naman sa bawat Region IV-B at Region VIII at tig-isa sa Region VI at Region IX.
Tanging 73 bangkay pa lamang ang nakikilala sa kabuuang 418.
Bukod sa mga nasawi, may kabuuang 445 pa ang sugatan at mas inaalala ng mga awtoridad ang 383 pang nawawala.