Hanggang katapusan na lamang ng 2015 pwedeng gastusin ang salaping NDS at ganap na itong papalitan ng salaping NGC.
Manila, Disyembre 30, 2014 – Nagpahayag ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magsisimula na ang "demonetization" o pagpasawalang bisa ng halaga ng mga lumang salaping papel na "New Design Series " (NDS) na naayon sa Section 57 , Republic Act No. 7653 o ang New Central Bank Act.
Ang BSP ay pinagkalooban ng nasabing batas ng kapangyarihan na palitan ang mga salaping papel na nasa sirkulasyon ng may humigit kumulang 5 taon. Ang sirkulasyon ng ating NDS ay umaabot na sa halos 3 dekada.
Mahalagang paunawa ang ipinaa-abot sa mga Pilipino maging sa mga Overseas Filipinos ng BSP. Ito ay ang mga sumusunod:
1. Maaaring gamitin ang mga salaping papel na NDS hanggang 31 Disyembre 2015.
2. Simula 1 Enero 2015 hanggang 31 Disyembre 2016, ang salaping NDS ay maaari nang palitan ng salaping New Generation Currency (NGC) sa mga bangko o sa iba't-ibang sangay ng BSP.
3. Ang mga "Overseas Filipinos" (OFs) na may NDS na hindi mapapalitan sa takdang panahon ay maaaring magpatala online sa BSP website mula 1 Oktubre 2015 hanggang 31 Disyembre 2015, upang mabigyan sila ng pagkakataong mapalitan sa BSP ang mga hawak nilang NDS. Ang pagpapalit ng NDS ay pinahihintulutan sa loob ng isang taon mula sa araw ng pagpapatala sa BSP website.
4. Ang mga sangay ng pamahalaan na may mga hawak ng NDS na hindi maipalit sa loob ng takdang panahon, tulad ng mga salaping gamit bilang ebidensya sa korte, ay dapat makipag-ugnayan sa BSP bago lumipas ang araw ng palitan upang maitakda ang panahon ng pagpapalit.
5. Simula 1 Enero 2017, ang NDS ay wala nang halaga at ito ay "demonetized" na.
Ang pagpawalang halaga at pag-aalis ng NDS sa sirkulasyon ay nagbibigay daan sa pagpapanatili ng iisang serye ng salaping papel sa bansa. Ang NGC na inilunsad noong 16 December 2010 ay may nakapaloob na makabago at pinahusay na seguridad upang mapangalagaan ang kapakanan ng mamamayan laban sa paglaganap ng huwad na salapi at madaling pagkakakilanlan nito.
Source: Central Bank of the Philippines