Niregaluhan ni German Chancellor Angela Merkel, ang kanyang panauhing pandangal, si Chinese President Xi Jinping ng isang historical map.
Abril 22, 2014 – Sa Berlin, bago matapos ang buwan ng Marsoay niregaluhan ni German Chancellor Angela Merkel, ang kanyang panauhing pandangal na si Chinese President Xi Jinping, ng isang historical map ng taong 1735 na ginawa ng French cartographer na si Jean-Baptiste Bourguignon d' Anville at isang German publishing house naman ang nag-imprenta.
Dito ay matutunghayan ang kasaysayan at ang pagiging salungat ng pang-aangkin ng China sa ilang teritoryo na naghatid ng pagkalito sa mga netizens.
Ang historical map ay mayroong Latin caption na isinalin bilang “China Proper” na nagpapakita ng isang pagkakaiba mula sa modernong China territorial map o ng kanilang pag-angkin bilang kanilang pag-aari.
Ang d' Anville map ay nagpakita ng 'China proper' bilang isang lupaing ganap na nakahiwalay mula sa Xinjiang, Tibet, Mongolia at Manchuria, mga lugar o teritoryo na palaging inaangkin ng China ang soberanya o administrasyon sa loob ng ilang siglo.
Ngunit marahil mas kapansin-pansin na ang Hainan na mayroong ibang kulay ang border, tulad ng Taiwan. Ang naunang binanggit ay bahagi ng modern China ngunit ang ikalawa naman ay mainit na pinagtatalunan.
Ayon sa isang antique map expert, ang d' Anville map ay iginuhit batay sa ginawang geographical surveys ng mga misyunaryong Heswita sa ancient China at dapat na kumatawan sa "summation of European knowledge on China in the 18th-century.”
Ang regalo ni Merkel, tulad ng inaasahan, ay nakatawag pansin sa mga sensitibong Instik kung saan itinuro ng kasaysayan na kanila ang mga lugar na ito, kabilang ang pinagtatalunang Diaoyu Islands (Senkaku sa Japanese) na "hindi maikakait na bahagi ng Tsina mula pa noong sinauna."
Samantala, ang mga Chinese netizens sa pamamagitan ng social media ay nagpahayag ng kanilang pagkalito at nagpahayag ng iba't ibang interpretations ng nasabing mapa.
Ayon sa isang nagkomento: “We always say some regions are inalienable parts of China since ancient times, but Merkel told us that even in 18th century those regions still did not belong to China.”
“How is this possible? Where is Tibet, Xinjiang, the Northeast? How did Xi react?” – ang iba pang mga katanungan.
Isang ganap na naiibang bersyon ng mapa ay kumalat rin online ang higit na naging sanhi ng pagkalito at marahil ay nagtatangkang palitan kung ano ang orihinal na inilarawan sa nauan. Isang Tibetan blogger, si Tsering Woeser, ang nakapansin ng pagkakaiba at nagreklamo ukol sa panlilinlang.
Gamit ang isang Chinese idiom ay kanyang sinabi: “To steal the beams and pillars and replace them with rotten timber,” na maaaring isalin sa ‘sila ay magaling sa pagpapanatili ng panlilinlang’.