Patuloy na tayong nilisan ng taong 2012 at ang naiwan ay pawang mga alaala na lamang ng lumipas na taon, kabilang ang mga mapapait na pinagdaanan ng ating lahi. Mga kaganapang kahit kailan ay di pa maubos-maisip ng marami sa atin. Kung ating matatandaan ang tinatawag na ‘baby gang’, mga kabataang nagpangkang gahasain ang isang dalagitang Italyana sa Pinetta Sacchetti , ang mga kabataang lasing na nambugbog sa isang Italyano noong Agosto; ang lumalalang isyu ng ‘shaboo’, ang Batangas operation, ang 13 na Pinoy na inaresto sa Roma; ang pagkakahatol sa pagpaslang ni Winston Reyes sa kondesa na si Alberica makalipas ang higit sa 20 taon, ang pagpaslang ng ating kababayan sa kanyang kasama sa apartment sa Roma, ang pagpaslang sa 34 anyos na si Anthony Edison Topacio, ang nagnakaw sa amo at nag-post sa facebook ng litrato na naging dahilan ng pagkakabuking nito sa Treviso. Hindi rin makakalimutan ang ating mga kababayan na naging biktima at nangangailangan ng katotohanan at katarungan hanggang sa kasalukuyan; si Nanay Doring na natagpuang bangka ilang linggo matapos mapabalita ang pagkawala, si Marcus na biktima ng mal sanità ng San Giovanni hospital, ang dalagang Pinay na tumalon ng bintana matapos ikulong ng amo at pagbintangang ng pagnanakaw. Ang ating mga kababayan na biktima ng kapwa Pilipino dahil sa flussi o sanatoria o ang nagsarang remettance center dala ang malaking halaga buhat sa ating mga kababayan at napakarami pang ibang kaganapan na tunay namang nakakadurog ng puso.
Isang tila mahiwagang katanungan ang iniwan sa atin ng taong lumipas: “Pinoy, saan ka patungo?”.
Kilala ang ating komunidad sa Italya bilang pinakamahal na komunidad ng mga Italyano dahil mapagkakatiwalaan, masisipag at tapat sa trabaho kahit ano pa man ang relihiyon at paniniwala. Pala-simba, matibay ang paniniwala at malaki ang takot sa Diyos. Ngunit naging ‘bida’ tayo sa mga pahayagan ng nakaraang taon.
Hindi pa huli ang lahat.. ang Bagong Taon ay may dalang bagong pag-asa. Huwag nating ipikit ang ating mga mata sa ating mga kapamilya, sa asawa’t anak o magulang, sa kasama sa apartment o sa community, sa grupo o asosasyon. Marahil, ay matutulungan natin sila sa simpleng paraan upang tahakin ang tamang landas, ang tamang patutunguhan.
Harapin natin ang 2013 ng may paniniwalang magiging instrumento tayong lahat upang maibalik ang tatak ng tunay na lahing Pinoy dito sa Italya; matiyaga, may pagmamahal sa kapwa at may takot sa Diyos.
Muli, buhat po sa bumubuo ng Ako Ay Pilipino at www.akoaypilipino.eu, isang buong pusong pasasalamat sa inyong patuloy na pagtitiwala at pagsubaybay sa ating pahayagan at website.
Mangyaring makipag-ugnayan lamang po sa akoaypilipino@stranieriinitalia.it para sa mahahalagang impormasyon at mga katanungan.