in

Mukha at kahulugan ng PASKO

SA kabila ng krisis sa kabuhayan at ng sinapit na trahedya ng ating mga kababayan, ang lindol sa Bohol at ang bagyo sa Samar at Leyte, ang Pasko’y sasapit at ipagdiriwang pa rin nating mga Pilipino at lahat ng mga Kristiyanong Katolikong Pilipino sa buong daigdig.

Iba’t ibang paraan ang pagdiriwang at paggunita sa pagsilang ng Dakilang Mananakop. Ang tuwa at kasiyahan ay ayon sa kalagayan sa buhay. Sa mga marangya, simple at mahirap na pagdiriwang.

Magsisimba ang bawat pamilya. Masagana ang mga hapag, puno ng mamahaling prutas at mga matamis ang mga hapag-kainan. Masayang pagsasaluhan ng pamilya sa Noche Buena.

Marami ring mga regalo at aguinaldo para sa mga mahal sa buhay at mga inaanak.

Sa kabila nito, marami tayong mga kababayang nangungulila sa mga mahal sa buhay, puno ng mga pagsubok at mga problema sa buhay. Maaaring hikahos, naghihirap at puno at alalahaning pinansyal ngunit sa anumang pagdaralita, ang mga Pilipino na makiki-isa pa rin sa pagdiriwang ng Pasko.

May nagsasabing ang Pasko’y isang panahon at pagkakataon na ang mga Pilipino ay nagpapahayag at nagpapakita ng kanilang Christian values tulad ng pagkakawanggawa, pagbibigayan o pagbabahagi ng mga biyaya sa kapwa laluna sa mga mahihirap, kapus-palad at mga biktima ng kalamidad.

Sa mga nawalan ng mahal sa buhay, ang Pasko’y maghahatid ng kahungkagan at pangungulila. Maaaring may ngiti sa labi ngunit sa puso at damdamin, naroon ang nakatagong pait at kalungkutan. Isang panahon ng pagsasaya ang Pasko subalit hindi mapipigil na pagluha sa mga nawalan ng mga mahal sa buhay.

Anuman ang mukha at kahulugan ng Pasko sa bawat isa, ang diwa nito na naghahatid ng Pag-ibig, Pag-asa at Kapayapaan ay hindi nagbabago. Laging nasa puso ng bawat taong marunong magmahal sa kapwa at may pananalig sa Dakilang Mananakop.

Maligayang Pasko po sa inyong lahat!

Pia Gonzalez

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

Philippines participates in L’Artigiano Crafts Fair in Milan

Filipino Youtube singers from across the globe got together as one