in

Paalam Kabayan! Paalam Corie!

Roma, Mayo 28, 2015 – Mapait ang sinapit ng ating kababayang si Corazon Abordo. Masakit ang kanyang naging paglisan. Nagluluksa ang mga naulila. Nagluluksa ang buong komunidad.

Mabilis na kumalat ang balita ukol sa aksidente kahapon ng gabi, ngunit kaninang umaga lamang tunay na nalaman ang bawat detalye ng bawat segundong lumipas kahapon bandang alas 8 ng gabi: na si Corie ang nahagip at kinaladkad ng humaharurot na kotse at pagkatapos ay walang awang sinagasaan ang marahil wala nang buhay nyang katawan, dahilan upang literal na ‘masira’ ang kanyang buong katawan mula ulo hanggang talampakan.. Bukod sa kanya, isa pang biktima ang kinaladkad ng kotseng ito at nakahawak sa bubungan ng kotse ang malala ang kalagayan. Dalawa pang Pilipina (Lourdes Cudiamat at Thelma Eguia) ang malubhang sugatan at anim na iba pa.

Lungkot, awa, galit, poot, takot at marahil ay paghihiganti ang nararamdaman ng marami, Pilipino man o hindi. Sa katunayan, ang magkakahalong damdaming ito ang naging dahilan ng dalawang mahahalagang pagtitipong naganap sa Roma ngayong hapon: una ay isang prayer vigil bandang alas 7:30 ng gabi sa parocchia di Gesù Divino Maestro na pinangunahan ng local government at ikalawa ay ang ginanap sa Via Battistini, kung saan mismo naganap ang insidente kahapon. Ito ay pinangunahan naman ng mga politiko ng Centre-right coalition, na dinaluhan ng mga religious, mga kamag-anak ng biktima, naulila ng biktima at mga nagmamalasakit at nakikiramay.

Ngunit higit pa dito, KATARUNGAN ang sigaw ng lahat! Ang hulihin at pagbayarin sa harap ng batas ang mga salarin, anuman ang kulay ng kanilang balat, anuman ang kanilang nasyunalidad. Dahil ang kanilang tinanggal ay buhay ng  isang 44 anyos at kinabukasan ng isang pamilya at ng dalawang menor de edad nitong anak.

Kumakatok tayong lahat sa mga kinauukulan para gawin ang nararapat na aksyon ukol sa mga naganap. Bawat isa sa atin ay may responsabilidad bilang isang tao sa harap ng ganitong pangyayari. Ang magpikit mata sa panawagang ito ay isang hindi makataong damdamin. Kahit isang taimtim na panalangin para sa kalulwa ng ating pumanaw na kababayan ay malaki ang maitutulong para sa kanyang katahimikan, para sa hustisya. Ang ating pagkakaisa, ang ating pagtulong at magkakasamang boses sa pagsaliksik sa katarungan bilang isang komunidad ay tanda ng nabibigkis na pag-asa para sa iisang hangarin, HUSTISYA!

Inaanyayahan ang lahat bukas alas 6 ng gabi sa Piazza del Campidoglio upang minsan pa ay patunayan ang pagkakaisa ng mga Pilipino. Sama-sama tayong kakatok para sa isang tamang batas na magbibigay katarungan sa mga biktima ng tinatawag na ‘pirati della strada’ na sa kasamaang palad, hanggang sa kasalukuyan, ay wala sa Italya.

Kabayan, inaasahan ko ang iyong pagdalo!

PGA

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Pinay, patay matapos masagasaan ng tumatakas na kotse

Vice Mayor ng Roma, bumisita sa mga naulila ng Pinay