in

Ang Benepisyo ng Sapat na Pagtulog at Mga Tips Para sa Mahimbing na Tulog

Ang mga benepisyo ng tamang pagtulog ay may epekto sa iba’t-ibang aspeto ng buhay ng bawat tao sa pang araw-araw. Bagama’t walang naging debate na importante nga ang pagtulog ng sapat, maraming tao ang hindi alam kung ilang oras ng tulog ang kailangan nila at kung bakit ito ay mahalaga.

Ayon sa Division of Sleep Medicine ng Harvard University, ang ating katawan ay nangangailangan ng pagtulog tulad din ng pangangailangan nito ng pagkain, paginom at paghinga. Marami nang ginawang pananaliksik na tinalakay ang importansya ng pagtulog at ang mga ito ay nagpakita ng resulta na importante ang pagtulog para sa pag-promote ng pisikal na kalusugan, pagpapahaba ng buhay at emosyonal na kagalingan. Ito rin ang dahilan kung bakit pagkatapos ng mahimbing na tulog sa magdamag ay mas maganda ang iyong pakiramdam, ang pagiisip mo ay mas malinaw at hindi ka masyadong emosyonal. Kapag kulang sa tulog, ang pagdedesisyon, mood at kakayahang matuto at magimbak ng panibagong impormasyon ay mahina. Ang pagtamo ng maayos na tulog ay nagsisimula sa pagkakaroon ng schedule at pagkakaroon ng maayos at matiwasay na kuwarto na nakakapangrelax.

Ilang oras ng tulog nga ba ang kailangan ng isang tao?  Iba-iba ang pangangailangan ng tao base sa edad, lebel ng kalusugan at lifestyle. Wala pang research ang makapagkumpirma kung ilang oras talaga kailangan ng isang tao. Ngunit ayon sa National Sleep Foundation, ang mga eksperto ay sumasangayon sa sumusunod: kapapanganak na sanggol hanggang 2 buwan – 12-18 oras na tulog; 3-11 buwan – 14-15 oras na tulog; 1-3 taon – 12-14 oras na tulog; 3-5 taon11-13 oras ng tulog; 5-10 taon – 10-11 oras na tulog; 10-17 taon – 8.5-9.25 oras na tulog; 18-pataas – 7-9 oras na tulog.

Ayon sa mga eksperto, ang mga sumusunod ay ilan sa mga dahilan kung bakit ang pagtulog ng sapat ay nakabubuti.

Una, ang pagtulog ng sapat ay tumutulong na mag-repair ng ating mga katawan sa pamamagitan ng pagbuo ng ekstrang body molecules habang tayo’y namamahinga na siya namang tumutulong palakasin ang kapasidad nating lumaban sa impeksyon at manatiling malusog. Pinapalakas nito ang depensa ng katawan kapag tayo ay labis na pagod o kung tuwing tayo ay nadadapuan ng masamang elemento ng polusyon o nakakahawang bacteria.

Pangalawa, ang sapat na tulog ay tumutulong panatilihing malusog ang  ating mga puso na madalas na under pressure. Ang pagtulog ng wasto ay tumutulong bawasan ang lebel ng stress at pamamaga sa katawan na konektado sa sakit ng puso at stroke. Nakakatulong din ang pagtulog sa pagkamit ng mainam na lebel ng blood pressure at cholesterol.

Pangatlong benepisyo ng wastong pagtulog ay ang pagtulong nito sa pag-improve ng memorya. Marahil lahat tayo ay nakaranas na ng pagpalya ng ating mga memorya kung tayo ay kulang sa tulog. Kaakibat nito ang nararanasang hirap sa pagalala ng mga impormasyon, petsa, o mga napag-usapan. Ito ay maiiwasan kapag tayo ay natulog ng maayos sapagkat sa pamamagitan nito nabibigyan natin ng pagkakataon ang utak na magproseso ng mga bagong karanasan at  impormasyon hango sa ating pakikisalamuha, pagbabasa o panonood at pag-obserba sa araw-araw.

Pang-apat na dahilan ay ang kainaman ng tamang pamamahinga sa pagkamit ng tamang timbang, sapagka’t ang pagtulog daw ay nagreregulate ng mga hormones na nakakaapekto at nagkokontrol ng appetite. Naipakita ng pananaliksik na pag kulang ang tulog, ang balanse ng hormones sa katawan ay apektado kaya’t tumataas ang paghangad na kumain ng isang tao. Ang kasamaan nito ay ang paghangad na kumain ay hindi para sa masustansyang pagkain tulad ng gulay at prutas kundi sa mga pagkaing mataas sa calories, fats at carbohydrates.

Panglima ay ang korelasyon ng kulang sa tulog at pagkakaroon ng type 2 diabetes. Ayon sa pananaliksik ng Harvard Medical School, pinahihina ng katawan ang pagproseso ng glucose kapag kulang sa tulog na siyang magpapataas ng tsansang magkaroon ng type 2 diabetes.

Pang-anim ay ang benepisyo ng tulog sa pagpigil sa pagiging bugnutin o moody. Napagalaman na ang kulang sa tulog ay nagreresulta sa pagiging bugnutin, mainitin ang ulo o pabago-bago ng mood kinabukasan. Naipakita rin na kung ang kakulangan sa pagtulog ay nagiging chronic o pangmatagalang problema, ito ay maaring maging sanhi ng depression o anxiety (pagkabalisa).

Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga epekto ng kulang sa pagtulog at nagpapakita ng importansya ng sapat na pagtulog sa kalidad ng pamumuhay at kalusugan.

At dahil lahat naman ng tao ay nakakaranas ng hirap sa pagkamit ng sapat na pagtulog, ang sumusunod naman ay ilang tips upang makatulog ng mahimbing: pagbawas sa paginom ng inuming mataas sa caffeine tulad ng kape at soda;

  • iwasang paggamit ng alcohol o paginom nito bilang sleeping aid;
  • pagrerelax ng katawan bago matulog tulad ng pagligo, pagbabasa, meditation o aromatherapy at light stretching;
  • sapat na pageehersisyo sa umaga;
  • pagpapanatiling tahimik, madilim at komportableng kuwarto o tulugan;
  • pagkain ng tama at pagiwas ng pagtulog nang gutom (nakakatulong raw sa pagtulog ang tuna, saging, patatas, avocado, atbp.);
  • pagiwas sa paninigarilyo;
  • pagiwas sa pag-siesta ng matagal
  • iwasan ang pag-iinternet ng labis;
  • pagiwas na katabi ang mga hayop; at,
  • pag-iwas sa panood ng TV habang nakahiga, pagkain habang nasa kama o kaya ang paguusap ng mga maselan o emosyonal na bagay bago matulog.

ni: Loralaine R. FNA – Rome 

References:

http://www.helpguide.org/life/sleep_tips.htm – http://whyissleepimportant.com/

 

Ang aming inilalathala ay sadyang gabay lamang. Importante pa rin ang pagsadya sa doktor o espesyalista na maaari pang magbigay ng iba pang mga tagubilin ayon sa mga pangangailangan ng bawat pasyente. Sila pa rin ang makakapagbigay – linaw kung mayroon pa kayong mga katanungan o pag-aalala tungkol sa inyong kalusugan.

 

Click to rate this post!
[Total: 8 Average: 3.4]

Filipino Community aktibong nakiisa sa paglilinis ng Giardino di Fortezza

Nakatanggap ng notification na rejected ang renewal ng permit to stay, ano ang dapat gawin?