in

Ang gamot sa Pananakit ng Ulo

Ang pananakit ng ulo (headache o migraine) ay isang uri ng sakit na may iba’t ibang sanhi. Anumang uri ng pananakit ng ulo ay nangangailangan ng kaukulang paggamot.

Pamamaraang medical

Kapag nakakaranas ng paulit-ulit na pagsakit ng ulo, mahalagang suriin kung ano ang sanhi nito. Makatutulong ito upang malaman kung ano ang mga bagay na nagpapasimula ng sumpong ng pagsakit ng ulo – pagkain, labis na paninigarilyo o pag-inom ng alak, masyadong marami o kaunting tulog, kakulangan sa ehersisyo, pagbabago ng panahon, stress sa trabaho, pamilya o stress personal,  o kaya’y paninibago sa gamot na iniinom gaya ng birth control pills o hormone replacement therapy. Sa paraang ito ay malalaman kung paano makokontrol ang pagsakit.

Makipagtulungan sa iyong doktor upang malaman kung ano ang pinakamabuti para sa inyo. Maaaring magrekomenda ang inyong doktor ng decongestant upang mabawasan ang pamamaga kung baradong sinus ang dahilan ng pagsakit ng ulo. Maaari din kayong bigyan ng antibiyotiko kung may impeksiyon; o kaya ay pampakalma ng kalamnan para sa tension; antihistamines para sa allergies; at tranquilizers o anti-depressants para sa pananakit ng ulo na may kinalaman sa psychiatric disorders.

Ang alternatibong paggamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang uri ng sakit sa ulo. Ang acupuncture o acupressure ay maaring makapagpaginhawa sa katawan at makapagpaluwag ng daloy ng dugo at enerhiya sa katawan. Makakatulong ito upang mapasigla ang ilang bahagi sa ulo, leeg, kamay at mga paa. Ipinapayo ng mga propesyunal na maglagay ng diin sa pagitan ng hinlalaki at hintuturo.

Sinasabing ang holistikong paggamot ay kapaki-pakinabang upang mapawi ang pananakit ng ulo sanhi ng tensiyon dala ng maling pag-aalaga ng kalusugan. Makakatulong ang mga sumusunod upang mailabas ang mga tensiyon sa katawan: uminom ng tsaa mula sa halamang gamot o kapsulang mula sa halamang-gamot gaya ng mint tea at rosemary tea; magpahilot ng may aromatherapy o paggamit ng mga langis na mabango; mag-aral ng mga ehersisyo sa yoga; magpamasahe sa eksperto shiatsu o reflexology, o kaya’y masahihin ang sarili; at sumailalim sa hydrotherapy.

Narito ang ilan sa mga simpleng paraan upang maibsan ang pananakit ng ulo:

i) mahiga ng komportable sa isang tahimik, madilim na silid. Isara ang mga kurtina, isara ang telebisyon at tanggalin ang pagkakabit ng telepono o i-off ang cellphone. Irelaks ang panga hangga’t maari. Lumanghap at bumuga ng hangin nang malalim habang ipinapahinga ang mga masel.

ii) iminumungkahi ang positibong pag-iisip – halimbawa, ang isang magandang tanawin ay makapagpapagaan ng isip at ang katawan.

iii) mag-hot shower at hayaan ang lagaslas ng tubig na dumaloy sa tensiyonadong masel na nagdudulotng sakit ng ulo.

iv) magpamasahe ng leeg at batok.

v) sikaping matulog ng mahimbing.

vi) makinig ng banayad na musika.

vii) iwasang kumain ng tsokolate, sausages, deli meats, pate at tapang karne; delatang isda o sardinas, tahong, talaba at karne ng mga ilahas na hayop; binurong keso; butter at whole cream; oliba, pikels, at iba pang binurong gulay; lentis; sibuyas, repolyo at chick peas.

viii) iwasan ding uminom ng alak, lalo na ang serbesa, kape, tsaa, cola drinks at tsokolateng may gatas.

 

Mga Dapat Malaman Ukol Sa Pananakit ng Ulo – Unang Bahagi

 

Ang Gabay Kalusugan Handog ng FNA  ay sadyang gabay lamang. Importante pa rin ang pagsadya sa doktor o espesyalista na maaaring magbigay ng iba pang mga tagubilin ayon sa mga pangangailangan ng bawat pasyente. Sila rin ang makakapagbigay-linaw kung mayroon pa kayong mga katanungan o pag-aalala tungkol sa inyong kalusugan.

 

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

MGA DAPAT MALAMAN TUNGKOL SA PANANAKIT NG ULO

MABINI, ANG BAYAN KO