Mayroong iba’t ibang uri ng pagsusuri o tests na ginagawa sa Italya upang malaman ang presensya ng virus ng SARSCoV-2 sa katawan ng tao. Ito ay ang mga sumusunod:
- test molecolari;
- test antigenici o kilala sa tawag na test rapidi;
- test sierologici
Ano ang tinatawag na tamponi molecolari?
Ang tamponi molecolari o tinatawag din na swab test ay sa kasalukuyang itinuturing na pinakamabisang paraan ng pagsusuri para malaman kung ang tao ay may presensya sa katawan ng bagong coronavirus (SARS COV 2). Ito ay isang uri ng viral test, kung saan ang sample ng sputum mula sa ilong at lalamunan ng tao (nasopharyngeal) ay susuriin kung may presensya ng genes tulad sa bagong coronavirus. Ang sputum ay sinusuri ng isang specialized laboratory at umaabot ng isa hanggang ilang araw bago lumabas ang resulta.
Gayunpaman, may iilang pagkakataong lalabas na negative ang test result kahit na may impeksyon ang tao dahil maaring ang impeksyon ay wala sa lugar (ilong at lalamunan) kung saan kinuha ang sample na tinest ayon sa isang pag-aaral (https://www.sciline.org/media-briefings-blog/covid-infection-spread-testing ). Kaya mas mainam na manatili sa bahay at mag self-quarantine ng 14 na araw kung may sintomas ka ng sakit dulot ng covid 19.
Ang test molecolare ay ang nangungunang reference test para sa diagnosis ng SARS-CoV-2.
Ano ang tamponi antigenici o rapidi?
Ang tamponi antigenici o rapidi ay isang uri din ng antigen test kung saan naman sinusuri ang presensya ng mga protina na matatagpuan sa coronavirus. Ang sample ay kinukuha din mula sa isang throat swab test. Dahil hindi sinusuri ang sample sa isang specialized laboratory kundi gamit lamang ang isang diagnostic kit, ito ay mas mabilis gawin at mas mura ang presyo. Karaniwan malalaman ang resulta matapos ang 15 minuto. Sinasabing ito ay mas “less sensitive” sa presensya ng covid 19 virus na uri ng test kaysa sa tamponi moleculari kaya may mga pagkakaton na kinakailangan ulitin ang test o kaya kung may sintomas ng sakit ang pasyente kailangan pa itong sumailalim sa tamponi moleculari. Pero dahil sa bilis ng pagsusuri, ito ay mainam na test sa mga lugar gaya ng daungan o airport o kaya ay sa mga lugar ng trabaho kung saan marami ang kailangan suriin at kailangan ng mabilisang resulta. Samakatwid, ito ay isang mahalagang test upang ma-screen ang mas maraming tao at malaking populasyon.
Ano naman ang test sierologici?
Ang test sierologici ay isang uri ng antibody test o isang pagsusuri kung ang tao ay nagkaroon na ng contact sa bagong coronavirus. Ang katawan na lumalaban sa impeksyon gaya ng coronavirus ay gumagawa ng tinatawag na “antibodies” na lumalaban sa nasabing impeksyon. Ang antibody na ito ang maaring magbigay sa isang tao ng immunity laban sa specific na virus na kinalaban nito sa susunod. Sa kaso ng covid 19, tinatayang ang katawan ay gumagawa ng antibodies laban dito sa loob ng 1 hanggang 3 linggo. Kung kaya ang test sierologico ay isang test na nagsasabi kung ikaw ay nagkaroon ng past infection dulot ng COVID 19 at hindi isang test para masabi kung ikaw ay kasalukuyang may impeksyon. (Elisha Gay Cundangan Hidalgo – Registered Nutritionist Dietitian)