in

Ang Influenza at ang mga sintomas nito

Ang influenza o trangkaso ay isang nakakahawang sakit. Ito ay isang pangkaraniwang impeksiyon mula sa virus na tinatawag na influenza. Narito ang mga dapat malaman ukol sa sakit na ito.

GABAY KALUSUGAN HANDOG NG FNA-ROME

Ang influenza o trangkaso ay isang nakakahawang sakit. Ito ay isang pangkaraniwang impeksiyon mula sa virus na tinatawag na influenza. Naaapektuhan ng sakit na ito ang respiratory system at kabilang rito ang ilong, lalamunan at baga. Nakakahawa ang sakit na ito sa pamamagitan ng paglanghap ng hangin na may influenza virus, o kaya mula sa pakikisalamuhan sa taong may trangkaso. Pana-panahon ang pag-atake ng sakit na ito, kung saan mas madalas tuwing taglamig.

Kusang gumagaling ang trangkaso matapos ang ilang araw, ngunit ito ay maaaring maging sanhi ng malubhang karamdaman at kung minsan ay humahantong din sa kamatayan. Mayroong mga tao na mas malaking panganib na magkaroon ng seryosong komplikasyon sa trangkaso. Kabilang dito ang mga matatanda, bata at mga nagdadalantao, at ang mga taong may partikular na kondisyon sa kalusugan gaya ng sakit sa puso, baga at bato o huminang immune system.

Sintomas

Kabilang sa mga sintomas ng influenza o trangkaso ang lagnat na karaniwang mataas pa sa 38°C; pagkaginaw, panginginig at pagpapawis; pananakit ng ulo; matinding pagkahapo o panghihina ng katawan; tuyong pag-ubo at masakit na lalamunan; tumutulo o nagbabarang ilong; at pananakit ng kalamnan at kasu-kasuhan. Ang mga sintomas na gastro-intestinal tulad ng alibadbad, pagsusuka at pagtatae ay karaniwan naman sa mga bata. Ilan sa mga kumplikasyon na sanhi ng trangkaso ay ang mikrobyong pulmonya, pagkatuyo at paglala ng hindi gumagaling na mga kondisyong medikal tulad ng hika at diyabetes. Ang mga bata ay maaaring magkaroon ng mga problema sa sinus at mga impeksiyon ng tainga.

Ilan sa mga sintomas ng influenza o trangkaso ang lagnat na karaniwang mataas pa sa 38°C; pagkaginaw, panginginig at pagpapawis

 

Influenza virus

Ang influenza virus na sanhi ng trangkaso ay madaling kumalat sa hangin sa pamamagitan ng droplets kapag ang isang tao na may trangkaso ay umubo, umatsing o nagsalita sa malapitang pakikipag-ugnayan. Karaniwan ngayon ito sa taglamig dahil madalas na nasa loob ng pamamahay ang mga mag-anak at naghahawaan ng virus na ito. Ito ay karaniwang naipapasa ng tao sa ibang tao, bagaman kung minsan ang isang tao ay maaaring maimpeksiyon sa pamamagitan ng paghipo sa isang bagay na may virus tulad sa mga doorknobs, telepono o keyboard, at saka hihipuin ang kanilang bibig o ilong. Sino man ay maaaring makahawa ng ibang tao mula sa unang araw bago magkaroon ng mga sintomas at hanggang 7 araw pagkaraang magkasakit. Nangangahulugan na maaari kang manghawa ng ibang tao bago mo pa malaman na ikaw ay may sakit.

May iba’t ibang uri ng influenza virus dahil patuloy na gumagawa ito ng bagong strain. Matapos magkaroon ng trangkaso, gumagawa ang katawan ng antibodies para labanan ang particular na strain ng virus na iyon. Kapag nakuha muli ang dating strain ng influenza, mayroon nang kakayahan ang katawan na labanan ang trangkaso o kaya maiwasan mismo ang pagkakasakit. Hindi kaya ng antibodies na protektahan ang katawan mula sa bagong strain ng influenza na maaaring makuha.

Ikalawang Bahagi: Iwasan ang influenza, narito kung paano

 

ni: Loralaine R. (FNA-ROME)

Sources: www.sanit.org, www.kalusugan.ph,

www.health.wikipilipinas.org, www.buhayofw.com

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Maltempo, patuloy. Narito ang mga Rehiyong magsasara ang mga paaralan bukas, Oct 30

Iwasan ang influenza o trangkaso, narito kung paano