in

Ang Pagpapakasal sa Italya

Ang dayuhan, kahit hindi residente sa Italya, ay maaaring magpakasal at magkaroon ng marriage contract sa Italya. Ang ikakasal ay maaaring pumili kung alinsunod sa batas ng kanyang country of origin sa harap ng diplomats o alinsunod sa batas ng Italya sa harap ng opisyal ng Stato Civile para sa civil wedding at sa harap ng pari o ministro para sa church wedding (kung nakakatugon sa regulasyon ng rito concordatario o church wedding with civil recognition).  

Gayunpaman, kung pipiliin ang selebrasyon alinsunod sa batas ng Italya ay napapailalim sa ilang kundisyong nasasaad sa batas at hindi dapat magkaroon ng anumang hadlang: kawalan ng kakayahang magdesisyon, relasyon sa dugo, krimen, pagbabawal sa bagong kasal (art. 116 talata 2 ng civil code), at pagkakaroon ng tamang edad (18 anyos o 16 anyos na may pahintulot) 

Ang mga Pilipino na nais magpakasal sa Italya ay dapat mag-request sa Konsulado/Embahada ng Certificato di Nulla Osta o Certificate of No Objection. Ito ay isang pahayag na nagpapatunay na walang hadlang sa pag-aasawa. 

Bilang pangunahing requirement ng Certificato di Nulla Osta, ang aplikante ay dapat magtungo ng personal sa Konsulado/Embahada at matugunan ang iba pang requirements ng nabanggit na tanggapan tulad ng:

  • Affidavit of Legal Capacity to Contract Marriage 
  • Passport 
  • Birth Certificate 
  • Certificate of Non-Availability of Record of Marriage (CENOMAR). Ang validity ng CENOMAR ay anim na buwan lamang matapos itong iisyu. 

Sa sandaling makuha ang Certificato di Nulla Osta, ay dapat na magtungo sa Prefettura para sa legalisasyon. Ito ay upang i-authenticate ang mga lagda ng diplomats.

Kung ang Pilipina/o ay isang regular na naninirahan at residente sa Italya, ay dapat ding kumuha ng isang kopya ng ‘Certificato di stato libero‘ at ‘Certificato di Residenza’.

Kung nais magpakasal sa simbahang Katoliko, o ayon sa iba pang relihiyong pinapayagan ng gobyerno ng Italya, ay kailangang gumawa ng request sa Kura-paroko o Ministro.

Samantala, kung nais magpakasal sa Comune (Sibil), ang Pilipino/a ay dapat magtungo, kasama ang kanyang mapapangasawa, sa Ufficio Matrimonio ng Comune kung saan residente at isumite ang ilang dokumentasyon tulad ng:

  • balidong dokumento ng 2 magpapakasal;
  • Birth certificate;
  • Certificato di Nulla Osta mula sa Konsulado o Embassy;
  • Certificato di Stato libero at Certificato di residenza;
  • Self-certification ng Residenza at Stato libero ng ikakasal na Italyano/a
  • Request na ibinigay sa Pari o Ministro na magkakasal.

Ang Officer ng Stato civile pagkatapos ay gagawin ang publication nito sa City hall (Albo pretorio) kung saan makikita ang mga pangalan ng mga ikakasal at ang lugar kung saan sila ikakasal. Pagkatapos ng 8 araw magmula sa araw ng publikasyon ay i-isyu ang  sertipiko ng Wedding publication.Ang dokumentong ito ay dapat na isumite sa loob ng 180 araw, sa opisyal ng Stato civile ng Munisipyo upang i-schedule ang araw ng kasal. 

Kasal sa Embahada ng Pilipinas/Konsulado

Ang Embahada ng Pilipinas/Konsulado ay nagkakasal sa mga mamamayang Pilipino lamang, regular man o hindi. 

Ang tamang edad ay 18 taong gulang. Gayunpaman, kinakailangan ang Consent ng magulang sa mga ikakasal na may edad na 18 hanggang 21. Samantalang, Parental Advice naman sa mga ikakasal na may edad na 21 hanggang 25. 

Paalala: Ang KASAL sa pagitan ng dalawang Pilipinong parehong hindi regular sa Italya ay hindi kinikilala ng batas ng Italya (dahil sa kawalan ng permit to stay) at sa Embahada ng Pilipinas o Konsulado lamang maaaring magpakasal.

Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang website ng Philippine Embassy Rome at Philippine Consulate General Milan at ang website ng Comune kung saan residente. (PGA)

Click to rate this post!
[Total: 4 Average: 4.8]

Ako Ay Pilipino

Ano ang Rimpatrio Volontario Assistito o Assisted Voluntary Return and Reintegration?

Paano magkaroon ng Green pass ang mga gumaling sa Covid19?