Ang stress o minsa’y tinatawag na tensiyon sa Pilipino ay isang sitwasyon na kung saan ay dumadaan sa pakiramdam na ikaw ay nahihirapan, nababahala, labis na kapaguran at tila nawawalan ng pag-asa.
Ang stress ay bahagi na ng pang araw-araw na buhay para sa maraming tao. May antas ng stress na hindi naman nakakapanira. Ang katamtamang lebel nito ay nakakatulong sa katawan at isipan na harapin ang mga hamon ng mahihirap na suliranin at tuwing oras ng krisis.
Ang mga ilang sanhi ng stress o tensiyon ay maaring magmula sa isa o kombinasyon ng mga sumusunod: problemang pinansiyal, di pagkakasundo sa pamilya o sa trabaho, kawalan ng balanse sa pangangailangan ng oras at atensyon ng pamilya at trabaho, pagkaroon ng mababang sahod o ang kawalan ng tahanan, pagkawala o pagkamatay ng isang mahal sa buhay o kaibigan, away sa pamilya o labas ng tahanan, pagkasakit, aksidente, pagiging biktima ng karahasan o iba pang trauma, pag-aabuso ng alak o droga, o di sapat na nutrisyon. Nakakadulot rin ng stress ang culture shock na nararanasan ng mga migranteng manggagawa na baguhang naninirahan sa ibang bansa na iba ang kultura ng mga amo at katrabaho kumpara sa nakasanayan. Kabilang na rito ang pagharap sa isyu ng rasismo (racism) o iba pang uri ng diskriminasyon na maaaring nararanasan sa kadahilanang orientasyong sekswal, edad, relihiyon, lahi, kultura, atbp.
Ang pangmatagalang stress ay lubhang makakaapekto sa isang tao sa kanyang pampisikal at sa pagisip. Ito ay maaring humantong sa sakit na lubhang depresyon o pagkalungkot, atake sa puso, matinding pagsakit ng ulo, atbp.
Ang tuloy-tuloy na stress ay nakakaapekto sa pangaraw-araw na gawain, nagpapababa ng pagpapahalaga sa sarili, nakakapanira ng magandang relasyon sa tahanan at kaibigan, pagbabawas sa gana at pagiging produktibo sa trabaho at humahantong sa matinding pagsisi sa sarili.
Bagkus ito ay parte na ng modernong pamumuhay, may mga ilang hakbang na maaring makatulong upang mabawasan ang masamang epekto nito. Ang ilan sa mga simpleng hakbang ay ang sumusunod:
Manatiling positibo:Magpokus sa mga magagandang bagay tungkol sa sarili at kapaligiran. Ugaliing maging positibo sa pagiisip sa mga hinahaharap at isiping malulutas rin ang mga problema. Turuan ang sarili na matanggap na may mga bagay na sadyang di mo kayang baguhin.
Pahintulutan ang sariling malungkot paminsan-minsan: Hindi lubusang masama ang pagpapahintulot sa sarili na maging malungkot. Bigyan ang sarili ng sapat na panahon na magdamlamhati sa kawalan at unti-unting mag-adjust para malampasan ito.
Dumalaw sa isang matalik na kaibigan o kamag-anak:Ang isang mabuting kamag-anak o kaibigan ay makakatulong lalo pa’t kung ito ay isang taong magaling makinig, puwede mong paghingaan ng iyong saloobin nang walang pag-aatubili, at makapagbibigay ng magandang payo.
Magmuni-muni o meditation:Ang yoga, arte at pagtugtog ng musika ay nakakapang-relax. Ang mga diskarteng ito ay dapat na makasanayan sa pagdaan ng panahon upang epektibong magamit pagdating ng panahong may hinaharap.
Tumawa nang madalas at libangin ang sarili: Ika nga nila, “laughter is the best medicine.” Maari itong makamit sa simpleng pakikipagbiruan, panonood ng pelikulang nakakatawa o nakakaaliw o pagbabasa ng mga librong nakakapagbigay halakhak o inspirasyon. Ito ay napatunayan nang nakapagbibigay ng dagliang pakiramdam ng paggaan tulad ng pagpawi sa matinding kirot dala ngmuscle spasms. Sa pangmatagalan, nakatutulong ito na mapaganda ang immune system at sa paglalabas ng neuropeptides na nakabubuti sa pangangatawan.
Umawit ka!: Ayon sa pananaliksik, ito ay mabisang pangontra sa stress, nagpapababa ng presyon, nakapag release ng mga mood enhancers na oxytocin at nakapagpapakalma ng sympathetic nervous system. Maeehersisyo din ang daluyan ng paghinga na makakatulong sa pagkamit ng mahimbing na tulog.
Matutong humindi o umayaw:Alamin ang sariling limitasyon. Mapasapersonal o propesyonal na buhay, matutong umiwas sa dagdag na responsibilidad pag kulang ang iyong oras na magampanan ito.
Ayusin ang sariling iskedyul:Huwag pahirapan ang sarili na mapilitang magawa ang maraming bagay sa iisang araw. Matutong iklasipika ang mga gawain sa “gustong gawin” at “kailangang gawin”. Sa ganitong paraan, may pagpapahalaga sa mas importanteng gawain (want to-do versus must-do).
Iwasan ang mga taong negatibo: Maaari mong bawasan ang mga oras na kasama ang mga negatibong tao o di kaya’y lubos mo nang iwasan kung hindi magbago ito. Iwasan ding makipagdebate sa mga tao lalo na sa mga isyung kaugnay sa relihiyon o politika. Mas masarap at magaang kasama ang mga masayahin at positibong tao.
Matutong magpatawad:Tayo ay naninirahan sa isang imperpektong mundo at sadyang nagkakamali ang bawat tao. Palampasin ang galit na nararamdaman at ibasura na rin ang pakiramdam ng pagsisisi. Sa pagpapatawad ng ibang tao at ng sarili, mababawasan ang iyong negative energy.
Kontrolin ang kapaligiran na nagdudulot ng stress: Kung sadyang malungkot o kahindik-hindik ang balita sa telebisyon, patayin ito. Kung ang trapik ay nakakasira ng mood mo, planuhin ang oras ng pagbiyahe at gumamit ng mas mainam na transportasyon o ruta. Kung hindi mo gusto ang mga balita sa diyaryo, magbasa na lamang na novels o comics.
Maging mapagdasal: Ayon sa mga pananaliksik, ang mga taong spiritual at madasalin ay mas mabilis na gumaling galing sa sakit at mas magaling mangasiwa ng stress.
Mag-ehersisyo: Ang pisikal na pag-eehersisyo at paglanghap ng sariwang hangin (deep, slow breathing) ay nagbibigay ginhawa sa nervous system, nagpapanatili ng magandang pangangatawan, nagpapabuo ng kumpiyansa at tumutulong sa pagpapahalaga ng sarili. Mag-ehersisyo at magsaya kasama ng kaibigan, isang bata o mga alagang hayop.
Kumain ng tama at umiwas sa bisyo:Pinapababa ng stress ang immune system ng tao na siyang magbibigay daan sa sakit sa puso at ulcers. Ang mga taong nakakaranas ng stress ay nagpapakita ng sintomas ng di pagkain ng tama — minsa’y labis at minsa’y kulang. Nakakapagpalala din ang paninigarilyo, paginom ng alak, kape at soda na sa kalabisan ay di maganda sa pangangatawan.
Have a stress-free life!
Ang GABAY KALUSUGAN ay hatid ng FNA – Rome
ni: Loralaine R.