Ang “immune system” ay ang depensa ng ating katawan laban sa sakit, impeksyon at virus tulad ng coronavirus. Ito din ay tumutulong sa mabilis na muling paggaling mula sa karamdaman. Umaatake ito sa mga virus, bacteria, fungi at ibang “pathogens” o mga organismong nagsasanhi ng sakit. Ang mga taong mababa ang immune system, kagaya ng sa mga may kaso ng malnutrisyon, ay mas madaling kapitan ng sakit at magkaroon ng mga komplikasyon. Isa sa mga sintomas ng pagkakaroon ng mahinang immune system ay ang madaling pagkakaroon ng impeksiyon gaya ng bronchitis, pneumonia at ang napapanahong covid-19.
Ang pagkain ng balanseng diet ay isa sa mga paraan upang palakasin ang ating immune system.
Anu-ano nga ba ang mga pagkaing kailangan nating piliin?
- Pagkaing mayaman sa protina – Ang protina ay kailangan sa paggawa ng antibodies ng katawan na siya namang lumalaban sa mga pathogens. Kailangan din ito sa pag-repair ng mga cells at tissues na maaring nasira ng sakit. Piliin ang mga pagkaing may mataas na uri ng protina pero mababa sa “fats” gaya ng chicken breast (petto di pollo), turkey (tacchino), at egg white; mga seafoods gaya ng tuna (gaya ng yellow fin tuna o pinna gialla) at pugita/squid (polipo); mga karneng salume Italiano gaya ng Bresaola at Prosciutto crudo (tandaang mataas ang mga ito sa sodium at dapat kainin ng moderasyon ng mga taong umiiwas sa pagkain ng maalat kagaya ng mga may sakit sa puso).
- Pagkaing mayaman sa vitamins at minerals – Ugaling kumain ng prutas at gulay araw-araw. Nirerekomenda ng mga eksperto na ang kalahati ng ating plato ay dapat ilaan sa gulay (higit na malaking parte kaysa sa hiwa ng karne at kanin o tinapay). Ang mga prutas at gulay na mayaman sa antioxidants, bukod sa vitamins at minerals, na makakatulong sa immune system ay: broccoli, bellpepper, bawang, luya, spinach, kiwi, citrus fruits (orange, mandarines), at berries. Ang nuts gaya ng sunflower seeds (semi di girasole), almonds (mandorle), at hazelnuts (nocciole) ay mataas din sa Vitamin E na nakakatulong labanan ang trangkaso (flu) at iba pang upper respiratory infections.
- Paginom ng sapat na tubig sa bawat araw – ang tubig ay tumutulong upang ilabas ang mga toxins sa katawan. Maaring haluan ito ng lemon upang madagdagan ng Vitamin C. Ang pag-inom ng green tea ay may mga benebisyo ding pang detoxification. Ang karaniwang rekomendasyon ay ang pag-inom ng 8 baso (8oz na baso) ng tubig bawat araw.
Bukod sa pagkain ng maayos at sapat ang ilan pang hakbang maari nating gawin upang mapangalagaan at palakasin ang ating immune system ay ang pananatili ng good hygiene (paghuhugas ng kamay), exercise, sapat na tulog, pag-iwas sa paninigarilyo at pag-inom ng sobrang alak, at pananatili ng tamang timbang. Hindi natin maiiwasan na makasagap ng mga organismong nasa paligid natin, pero maari nating tulungan ang ating katawan na maging malakas upang kalabanin ito at sa ganung paraan matigil ang pagkalat din nito sa iba pang tao. (ni: Elisha Gay C. Hidalgo, Registered Nutritionist and Dietitian – www.facebook.com/dxnutritiondiet)
Basahin din: Mga Dapat Malaman ukol sa Covid-19