in

Ano ang MENINGITIS?

Ano ang meningitis? Ito ay ang pamamaga ng membrana (meninges) na nagsisilbing covering at proteksiyon sa utak at spinal cord. Ang pamamaga ay maaaring sanhi ng virus, bakterya at fungi. Ito ay nagdudulot ng tatlong tatak na sintomas: pananakit ng ulo, lagnat at stiff neck.

 

Tinututukan ng Ministero della Salute ang pagkalat ng sakit na meningitis. Dahil dito, isinusulong ang libreng bakuna laban sa bakterya na sanhi ng meningitis para sa anumang edad (hanggang 45 taong gulang).

Ang meningitis na sanhi ng bakterya ang pinakamadalas na uri na may 80%. Ang pinakamadalas na bakterya na nagdudulot ng meningitis ay ang Haemophilus influenza, Streptococcus pneumonia, at Neisseria meningitis. Ang impeksiyon na ito ay magdudulot ng pamamaga sa balot at paligid ng utak na maaaring maging dahilan ng pagkaparalisa o kamatayan ng taong madapuan ng sakit na ito kapag hindi nabigyan ng agarang lunas. Ang sakit na ito ay maaaring biglaan o mabilis ang paglala. Sa ibang pagkakataon, maaari din itong mabagal na bumibilang ng buwan ang tagal.

Ang bacterial meningitis ay maaaring makuha sa kahit anong edad ngunit karamihan nito ay mga kasong mula sa edad 5 at pababa na mga kabataan. Ang mga lalaking bata ay mas nagkakaroon nito kumpara sa mga babae. Maaari ring makuha ito ng mga taong may madalas na impeksiyon sa ilong o tenga; mga pasyenteng may pulmonya o impeksiyon sa baga; pasyenteng may sakit sa puso, asthma, HIV, at ang pagbubuntis (kapag nagkaroon ng listeriosis ay mas mapabilis ang pagkahawa sa meningitis).

Ang mga bakterya ay kadalasang matatagpuan sa ating kapaligiran, pampublikong lugar, eskuwelahan, at ito ay naipapasa sa pamamagitan ng paglanghap ng respiratory secretions mula sa mga tao na nagdadala ng mikrobyo. Ang ibang tao ay hindi nila alam na dala-dala nila ito.

Ang biglaang pagkakaroon ng bacterial meningitis ay nagpapakita ng shock, internal bleeding, purple spots, pagbaba ng consciousness at mabilis na pag-deteriorate ng pasyente na maaaring ikamatay nito sa loob lamang ng 24 oras. Kung dahan-dahan ito sa pag-develop, karaniwang nagkakaroon ang bata ng ilang araw na sipon. Karaniwan silang may mataas na lagnat, sobrang sakit ng ulo, walang ganang kumain. Maaari rin silang magkaroon ng muscle aches, paninikip ng ilong, pagsusuka, stiff neck at seizure. Mapapansin mo rin na sila ay napakairitable o kaya naman ay napakaantukin.

Ang pagkakaroon ng purple spots sa katawan na maglalarawan na may internal bleeding at senyales na ang impeksiyon ay hindi na makontrol. Mayroon ring sintomas na dapat bantayan, ito ang mataas na lagnat, walang tigil na pag-iyak, masyadong iritable o kaya naman ay hindi magising, hindi masyadong gumagalaw, hindi dumedede, ang malambot na parte ng kaniyang ulo ay nagba-bulge, at ang kaniyang leeg at katawan ay tila naninigas.

Ang meningitis na dala ng bakterya ay mas mataas ang tsansang magdulot ng maraming problema sa kalusugan kaysa sa meningitis na dulot ng virus. Ang pagkawala ng pandinig ang pinaka-karaniwang problema sa kalusugan matapos magkaroon ng meningitis. Saklaw nito ang ‘mild hearing loss’ hanggang sa ‘profound deafness’ sa isa o sa kapwa tenga. Ang pandinig kung minsan ay naibabalik sa pamamagitan ng ‘cochlear implants’. Ang cochlear implants ay mga electronic hearing devices na direktang pumupukaw sa ugat ng pandinig (ang ugat na nagkokonek sa tenga patungo sa utak) upang tayo ay makarinig.

Upang makompirma ang dahilan ng meningitis ay may tinatawag na lumbar puncture kung saan kumukuha ng likido mula sa cerebrospinal fluid upang i-analisa. Makikita ang bacteria na dahilan ng meningitis. Maaari ring suriin ang dugo, ihi, loob ng ilong at lalamunan. Pagkatapos ay sisimulan agad ang antibiotic therapy. Nagbibigay din ang mga doctor ng anticonvulsant para maiwasan ang pag-seizure ng pasyente. May tinatawag ring corticosteroids na gamot upang mabawasan ang pamamaga ng mga meninges. May mga sedatives ring ibinibigay para maibsan ang lagnat at sakit sa ulo.

 

Ikalawang Bahagi: Iwasan ang sakit na Meningitis, narito kung paano

GABAY KALUSUGAN HANDOG NG FNA-ROME

Loralaine R.

Sources:

www.sanit.org, www.upm.edu.ph,

www.buhayofw.com, www.wikipedia.org

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Nag-aplay ako ng assegni familiari. Magkano po ang aking matatanggap?

Iwasan ang sakit na Meningitis, narito kung paano