Ang dayuhan na naninirahan sa Italya at tapos na ang validity o expired na ang permesso di soggiono, at siya ay miyembro ng pamliya ng isang dayuhan na regular na naninirahan sa Italya na nagtataglay ng mga kundisyong itinalaga ng batas, ay maaaring mag-aplay ng permesso di soggiorno sa motivo di famiglia.
Ito ay ang tinatawag na Coesione familiare. Sa katunayan ang coesione familiare, ay isang uri ng family reunification (o ricongiungimento familiare), kung saan pinahihintulutan ang regular na pananatili sa bansa at pagkakaroon ng permesso di soggiorno per motivo familiare ng isang miyembro ng pamilya na dumating sa Italya sa pamamagitan ng ibang uri ng dokumentasyon tulad ng turismo, cure mediche, studio at iba pa.
Bukod dito, hindi tulad ng ricongiungimento familiare, sa coesione familiare ay hindi na kakailanganin ang bumalik sa Pilipinas (ng dayuhang expired ang permesso di soggiorno) at magkaroon ng nulla osta mula sa Sportello Unico per l’Immigrazione bagkus ay pinahihintulutan ng coesione familiare ang pagkakaroon muli ng balidong permesso di soggiorno, sa pagkakataong ito ay per motivi familiari batay sa artikulo 30 talata 1 letra c ng Testo Unico per l’Immigrazione, sa pamamagitan ng miyembro ng pamilya na regular ang paninirahan sa Italya at nagtataglay ng permit to stay na balido na higit sa isang taon.
Ang mga miyembro ng pamilya na maaaring gawan ng coesione familiare ay katulad din ng ricongiungimento familiare:
- Asawa at hindi legally separated at nasa wastong gulang;
- Menor de edad na anak (kahit anak ng asawa o illegitimate child, at hindi kasal sa kundisyong mayroong pahintulot mula sa isang magulang);
- Dependent anak na higit sa 18 anyos na walang kakayahang matugunan ang sarili at personal na pangangailangan dahil sa karamdaman/kapansanan;
- Dependent na mga magulang, o ang mga magulang na higit sa 65 anyos.
Ang mga requirements sa pag-aaplay ng coesione familiare
Ang pangunahing kundisyon sa coesione familiare ng mga miyembro ng pamilya ay ang regular na paninirahan nito sa Italya.
Pinahihintulutan ng batas ang coesione familiare sa loob ng 12 buwan makalipas ang expiration ng permesso di soggiorno na nagbigay paghintulot sa regular na pananatili sa Italya.
Ang iba pang mga requirements tulad ng required salary at sertipiko ng angkop na tahanan na katulad ng ricongiungimento familiare ay kailangang patunayan sa Questura.
Bukod dito ay kinakailangan ding patunayan ang relasyon ng aplikante sa pamamagitan ng translated, authenticated at legalized na dokumento mula sa Pilipinas tulad ng birth certificate, marriage certificate at iba pa.
Ang aplikasyon ay gagawin sa pamamagitan ng kit postale. (PGA)