in

Dengue fever, ano ito?

Hindi man laganap ito sa Italya, ito ay maaaring gabay sa mga mahal natin sa buhay sa Pilipinas na maaring pagusapan at ipagbilin tuwing sila’y makakausap o maka-chat. Importante ito sapagka’t laganap ang sakit na ito sa ating bansa ngayon.

Ang lagnat ng dengue o dengue fever ay isang uri ng impeksiyon na sanhi ng isang virus na dinadala ng mga lamok. Ang sakit na ito ay nakikita sa mga tropikal na rehiyon sa mundo katulad ng sa mga bansa sa Timog Silangan ng Asya. May apat na klase ng virus na dengue, ang bawat isa ay maaaring magdulot ng lagnat (dengue fever) at lagnat na may pagdurugo (dengue hemorrhagic fever).

Ang mga sintomas ng lagnat ng dengue (dengue fever) ay ang pagkakaroon ng biglaang pagtaas ng lagnat, matinding sakit ng ulo, pananakit sa likod ng mata, sakit ng laman at kasu-kasuan, kawalan ng ganang kumain, pagduduwal at pamamantal sa balat. Ang mga bata ay maaaring kakitaan lamang ng sinat at pamamantal.

Ang pagdurugo (dengue hemorrhagic fever) ay isang malala at nakakamatay na komplikasyon ng lagnat ng dengue (dengue fever). Sa simula, maoobserbahang nagkakaroon ng mataas na lagnat na tumatagal mula dalawa hanggang pitong araw at maaaring umabot hanggang sa 40-41 sentigrado ang taas ng temperatura, pamumula ng mukha at ilan pang mga sintomas ng dengue fever. Sa kalaunan, maaari itong masundan ng mga pasa sa balat, pagdurugo sa ilong at gilagid o kaya ay pagdurugo sa loob ng katawan. Sa higit sa malalang mga kaso, maaaring umabot ito sa pagbagsak ng sirkulasyon ng dugo, pagkaubos ng dugo at pagkamatay.

Kapag ang isang tao ay nagkaroon na ng impeksiyon mula sa isa sa apat na klase ng virus ng dengue, hindi na ito muli pang maiimpeksiyon nito. Ngunit, hindi pa rin siya ligtas sa impeksiyon mula sa tatlo pang klase ng virus nito.

Ang lagnat ng dengue ay naipapasa sa tao sa pamamagitan ng kagat ng babaeng lamok na Aedes na siyang nagdadala ng virus. Hindi ito naipapasa mula sa isang tao papunta sa ibang tao. Ang pangunahing klase ng lamok na nagdadala ng dengue, ang Aedes aegypti, ay hindi matatagpuan sa Asya ngunit ang Aedes albopictus na makikita rito ay maaari ring magdala ng sakit na ito.

Ang pamumuo ng impeksiyon ay tumatagal ng tatlo hanggang labing–apat na araw, ngunit kadalasang mula apat hanggang pitong araw.

Walang ukol na gamot para sa lagnat ng dengue fever o dengue hemorrhagic fever. Ang lagnat ng dengue ay karaniwang gumagaling nang kusa. Nilalapatan lamang ng lunas ang lagnat at pananakit na dulot nito. Ang mga pasyenteng may pagdurugo ay nangangailangan ng maagap na paggamot. Ang pinakamahalagang paraan ng paggagamot nito ay ang pagpapanatili ng sapat na daloy ng dugo sa katawan. Kung may tama at maagap na paggamot, kulang sa 1% lamang ang namamatay mula sa sakit na ito.

Wala pang bakuna laban sa lagnat ng dengue sa kasalukuyan. Kaya’t ang pinakamahusay na paraan upang ito ay mapuksa ay ang pagtatapon ng mga nakaimbak na tubig na maaaring pamahayan ng mga lamok. Dapat ding iwasan ang makagat ng lamok.

Mga paraan ng pagiwas na maari nating ibahagi:

1) Magsuot ng damit na mahahaba ang manggas at pantalon, maglagay ng pamahid laban sa lamok na naglalaman ng DEET (N,N-Diethyl-meta-toluamide) sa mga bahagi ng katawan na hindi nababalutan o natatakpan.

2) Gumamit ng kulambo o screen sa mga kuwartong walang aircon.

3) Maglagay ng katol / pamatay ng lamok malapit sa mga maaaring  pasukan, tulad ng mga  bintana upang maiwasan ang kagat ng lamok.

4) Iwasan ang pag-iimbak ng tubig at itapon ang lahat ng basyong lata at bote sa basurahang may takip.

5) Palitan ang tubig sa halaman nang higit sa isang beses sa loob ng isang linggo, at huwag mag-iwan ng tubig sa mga plato sa ilalim ng paso ng halaman.

6) Takpan ng mahigpit ang lahat ng sisidlan ng tubig, balon at tangke.

7) Tiyaking walang bara sa daluyan ng tubig.

8) Tabunan ang mga lubak sa lupa upang di pag-ipunan ng tubig.

Kapag may napansin kang bagay sa mga pampublikong lugar na maaaring pamahayan ng lamok, inaabisong isangguni kaagad ito sa barangay o lokal na pamahalaan.

Loralaine R.  – FNA Rome Adviser

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

DOH idineklara ang National Dengue Alert sa Pilipinas

Alam mo ba ang patakaran sa mga spiaggia sa Italya?