Walang gamot sa influenza ngunit maaari itong hadlangan. Narito kung paano maiiwasan ang trankaso o influenza.
Walang gamot sa influenza. Ang mga inaalok na ‘gamot sa trangkaso’ ay pawang mga gamot sa sintomas lamang; hindi nito kayang gamutin o paikliin man lamang ang trangkaso sa katawan. Isang mabuting paraan upang hadlangan ang influenza ay ang pagbabakuna sa trangkaso tuwing taglagas. Ang bakuna laban sa trangkaso ang pinakamabisang proteksiyon na mayroon tayo at sa komplikasyon nito. Ito ay pumipigil din sa pagkalat ng trangkaso sa pagitan ng mga tao.
May dalawang uri ng bakuna para sa trangkaso.
Ang bakunang di-aktibo (hindi naglalaman ng anumang buhay na virus ng influenza) na ibinibigay sa pamamagitan ng karayom o heringgilya at kalimitang tinatawag na ‘flu shot’, para sa mga taong mas matanda sa 6 na buwan, kabilang ang malulusog na tao at mga taong may hindi gumagaling na kondisyong medikal. Ang pangalawang bakuna naman ay iwiniwisik naman sa ilong. Ito ay isang bakunang gawa sa buhay at pinahinang virus ng trangkaso na minsan ay tinatawag na LAIV (Live Attenuated Influenza Vaccine). Ang LAIV ay inaprubahan upang gamitin para sa malulusog na tao na 5 taon hanggang 49 taong gulang na hindi buntis. Ang bakuna laban sa trangkaso ay inererekomenda bawat taon. Ang mga batang may 6 na buwan hanggang 8 taong gulang ay dapat na mabigyan ng 2 dosis sa unang taon na sila ay mabakunahan. Dito sa Italya maaari kayong makipag-ugnayan sa inyong medico di famiglia para humingi ng reseta o magpabakuna.
Minsan, nagrereseta ang mga doktor ng Antiviral na gamot kagaya ng Oseltamivir o kaya Zanamivir. Tumutulong ang mga gamot na ito para mapadali ang paggaling ng trangkaso o kaya iwasan ang malalang komplikasyon mula dito. Subalit may mga strain ng influenza virus na kayang labanan ang mga antiviral na gamot. Maaaring makaranas ng nausea at pagsusuka mula sa pag-inom ng mga gamot na ito.
Kabilang sa pag-iwas sa sakit na influenza o trangkaso maliban sa pagbabakuna ay ang sapat na pamamahinga upang tulungan ang immune system ng katawan. Mahalaga ang pang-araw-araw na gawain o ehersisyo. Umiwas sa stress. Kumain ng masustansiya at tamang nutrisyon. Maging malinis sa katawan. Maghugas ng kamay nang madalas upang maiwasan ang pagkalat ng mikrobyo. Takpan ang bibig ng tisyu kapag bumabahing o umuubo. Ito ay maaaring mapigilan na mahawaan ang mga tao na nasa paligid ninyo. Iwasang hipuin ang inyong mata, ilong at bibig. Iwasan ang mga taong may sakit na ng trangkaso para hindi mahawaan. Iwasan ang mga matataong lugar tulad ng autobus, treno, eskuwelahan, o opisina.
Karagdagang pangangalaga ay ang pag-inum ng maraming tubig (higit 8 baso kada araw) at juice upang maiwasan ang dehydration o kakulangan sa tubig. Uminom ng mainit na sabaw, tsaa o tisane. Ang pinakuluang luya ay nakapagdudulot ng kaginhawaan sa pag-ubo at pakiramdam na pagkapagod. Uminom ng ‘latte caldo con miele’ para sa masakit na lalamunan. Para sa mga sintomas, maaaring uminom ng painreliever kagaya ng Paracetamol at Ibuprofen para sa lagnat at pananakit ng kalamnan. Mag-aerosol o steam inhalation para lumuwag ang paghinga. Kumain ng maraming prutas at pagkaing mayaman sa Vitamin C at Mineral.
Mahalaga pa rin ang pagpapakonsulta sa inyong doctor upang mabigyan ng karampatang lunas ang inyong karamdaman at upang maiwasan ang komplikasyon.
Basahin: Ang Influenza at ang mga sintomas nito
ni: Loralaine R. – FNA ROME
Sources: www.sanit.org, www.kalusugan.ph,
www.health.wikipilipinas.org, www.buhayofw.com