Ang stress ay normal na pinagdadaanan sa buhay ng tao. Partikular ang tumatagal na panahon ng pandemya ay maaaring nagdudulot ng matinding pag-aalala at takot ukol sa kalusugan at kinabukasan. Tandaan ang sobra at matagalang stress ay maaring magdulot ng sakit o karamdamang pisikal (gaya ng pagbagsak ng immune system). Pati na rin ng karamdamang mental (gaya ng depresyon). Narito kung paano lalabanan ang stress sa panahon ng pandemya.
Sa kasalukuyan, tayo ay dumadaan sa maraming pagbabago sa ating araw-araw na pamumuhay sanhi ng Covid19. Anu-ano nga ba ang mga maari nating gawin upang malabanan ang stress sa panahon ng pandemya?
Alagaan ang sarili
Maaring sa pagkakaroon ng sobrang abalang buhay ay napapabayaan natin ang ating sarili. Panahon na upang bigyan natin ng halaga ang pangangalaga sa ating katawan. Kumain ng mabuti o ng balanced diet at matulog ng sapat na oras.
Ikilos ang katawan
Mag-exercise kahit na nasa loob lamang ng bahay ng kahit 30 minuto bawat araw. Ang exercise ay tumutulong sa paglabas ng endorphins. Ito ay isang uri ng kemikal sa utak ng tao na nagsisilbing natural painkillers. At nakakatulong ito sa mahimbing na pagtulog at pagpapababa ng stress.
Mag-aral ng meditation
Ang meditation ay tumutulong na i-relax at pakalmahin ang katawan, at ng gayon ay mabigyan ito ng panahon na ayusin ang mga nasira dulot ng stress.
Sinasabing ang meditation na kahit 10 minuto isang araw lamang ay nakakadulot ng positibong pagbabago sa ating sarili. Maaring umpisahan ang araw sa self-reflection. O di kaya naman ay pagkilala sa mga bagay na dapat ipagpasalamat sa araw na iyon.
Gamitin ang oras para mapalapit sa pamilya
Mayroon tayong oras ngayong makasama ang ating mga anak at mahal sa buhay habang walang pasok ang karamihan. Gamitin ang oras na ito upang sila ay kumustahin at kilalanin. Tulungan ang mga anak sa paggawa ng kanilang mga assignments sa school. Manood ng pelikula kasama nila, turuan sila ng gawaing bahay at makipaglaro sa kanila. Libangin ang sarili kasama ang pamilya. Pwede rin nating gamitin ang panahon na ito upang kumustahin ang ating mga kapamilya at kaibigan. Malayo o malapit man sila, sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono o ng internet.
Mag-aral ng bagong kakayanan o skill
Ituon natin ang sobra nating oras sa paghahasa ng ating mga kakayanan. Maaaring pag-aaral ng wikang Italyano o ng iba pang wika. Maari din natin gamitin ang panahong ito para maging malikhain at mag-aral magpinta, sumulat o tumugtog ng instrumento. Humanap ng mga leksyon online. Ang pagiging malikhain ay isang paraan upang malabas ang mga natatagong tensyon sa ating katawan at isipan.
Tapusin ang mga proyektong naumpisahan pero hindi pa natatapos
Kung mayroon tayong mga gawain na isinantabi sa dahilang masyado tayong abala o walang panahon. Pwede natin gawin ang mga yun ngayon at tapusin. Ang mga bagay na hindi natin natatapos ay patuloy na bumabagabag sa ating isipan. At ang pagtapos sa mga ito ay nakakatulong para sa kalusugan ng ating isip.
Mag-organize ng mga gamit sa tahanan
Pwede natin gamitin ang panahon na ito para ayusin ang ating mga tahanan. Magdispose ng mga bagay na hindi na kinakailangan. O magsaayos ng mga gamit upang magmukhang maaliwalas ang ating tinitirhan. Ang malinis na paligid ay nakakatulong sa mas payapang pag-iisip. Maari din tayong maglagay ng halaman sa bahay at sa mga kuwarto. Ayon sa mga bagong pag-aaral ay nakakatulong sa pag-alis ng stress.
Tumulong sa iba
Kahit tayo ay nasa bahay, mayroon pa ring mga paraan upang magamit natin ang ating kakayanan upang makatulong sa iba. Humanap ng paraan upang makatulong sa iyong komunidad kahit sa maliliit na paraan. Ang pagtulong sa kapwa ay nakakapagbigay ng kasayahan at kapanatagan ng loob sa tao.
ni: Elisha Gay C. Hidalgo, RND (Registered Nutritionist Dietitian)