Isang gabay para sa mga dayuhang ipinanganak sa Italya pagsapit ng18 hanggang19 taong gulang sa Comune.
Ang sinumang ipinanganak sa Italya na dayuhan ang mga magulang ay mayroong ‘fast track’ upang maging mamamayang Italyano, ngunit mayroon lamang isang taon upang ang prosesong ito ay mapakinabangan.
Ayon sa batas sa Italya, ang ipinanganak sa Italya na dayuhan ang mga magulang ay hindi awtomatikong nakakakuha ng Italian citizenship bagkus ay pinanatili ang citizenship ng mga magulang hanggang sa pagsapit ng 18-taong gulang. Tunghayan natin ang mga detalye ng legal na proseso na dapat sundin ng isang naghahangad na maging mamamayang italyano na ipinanganak sa bansa na dayuhan ang mga magulang.
Ang Batas n. 91/92 ukol sa Citizenship ay nagsasabing ang “dayuhang ipinanganak sa Italya, nanirahan ng regular at tuluy-tuloy hanggang 18 taong gulang, ay nagiging ganap na mamamayang Italyano kung idedeklara ang paghahangad na matanggap ang italian citizenship sa loob lamang ng isang taon” (Artikulo 4, talata 2 ng Batas 91/92).
Ito ay nangangahulugan na ang mga banyagang mamamayan na ipinanganak sa Italya at naging regular na residente ay maaaring mag-aplay para sa Italian citizenship sa pagitan ng edad na 18 at 19, at haharap sa Civil Officer ng munisipyo kung saan residente.
Ang citizenship, sa kasong ito, ay ibinibigay ayon sa “benepisyo ng batas”, at samakatwid ay posible ang maging mamamayang Italyano sa pamamagitan ng isang simpleng deklarasyon ng hangarin na gagawin sa Civil Officer bago sumapit ang ika-19 na taong gulang.
Ang tanggapan ng Civil Status, sa sandaling matapos ang pagsusuri sa mga kinakailangan, ay magpapatuloy sa pagtatala sa bagong mamamayan sa civil registry matapos ang panunumpa ng katapatan sa Italian Republic, kasabay ang pagkakaloob ang italian citizenship.
Mga Dokumento ng kinakailangan:
1. Resibo ng pagbabayad ng halagang 200 € sa account number 809020 sa Ministry of Interior (halimbawa)
2. Balidong pasaporte
3. Kopya ng orihinal na birth certificate ng aplikante (halimbawa);
4. Permit to stay: sa kasong may patlang ang panahon ng pananatili sa permit to stay, ang aplikante ay maaaring maglahad ng mga dokumento na magpapatunay ng tuluy-tuloy na paninirahan sa Italya (hal: school certificates, medical certificates at iba pa)
5. Historical residence certificate. Sa kaso ng late registration ng isang menor de edad sa Munisipyo ay kailangang ipakita ang dokumentasyon na magpapatunay sa pananatili ng menor sa Italya bago pa man ang pagpaparehistro. (hal: medical certificates)
Ang panahon ng regular na paninirahan ay dapat na makita magmula sa kapanganakan sa Italya, sa pamamagitan ng historical residence certificate na ibinibigay sa registry office at sa taglay na permit to stay. Kadalasan ang mga magulang ay hindi agad napapatala ang mga anak na ipinanganak sa Italya o naantala ang pagpapalagay sa anak sa sariling permit to stay. Dito ay makikita ang kakulangan sa kinakailangang tuluy-tuloy na pagiging residente simula kapanganakan hanggang sa wastong gulang, at maaapektuhan ang karapatan sa pagsusumite ng aplikasyon.
Para sa mga kadahilanang ito, upang mapadali ang aplikasyon sa pagkilala sa citizenship, ang Ministry of Interior sa pamamagitan ng Circular 64.2/13 ng 7 Nobyembre 2007, ay hiniling sa mga Civil Officers na suriin, sa magaan na paraan, ang kinakailangang walang patalang na residensya. Itinalaga, samakatwid, sa mga kaso ng pagkaantala sa regular na paninirahan o pagkaantala sa pagpaparehistro, na dapat suriin, bilang katibayan ng pamamalagi sa Italya, maging ang mga medical certificate (hal sertipiko sa bakuna, o medicalcheck ups), mga school certificates o iba pang natutulad na dokumentasyon.
Sa kasamaang palad, ang ilang mga munisipyo ay patuloy na tinatanggihan ang citizenship sa mga mayroong patlang sa panahon ng paninirahan, sa kabila ng Circular 64.2/13 ng Nobyembre 7, 2007. Kaugnay dito, ang mga opinyon ng mga hukom ay palaging sang-ayon sa pananaw na ito, at ang mga pagtanggi buhat sa mga munisipyo ay isinasaalang-alang na mali.
Bukod dito, upang mapabilis ang pagkakaroon ng citizenship, noong
Nobyembre 6, 1996, ang Konseho ng Estado ay nagbigay ng Opinyon 940/1996 kung saan nasasaad na ang kawalan o ang pagka-antala ng pagpaparehistro ng paninirahan ng bata, ay hindi makaka-apekto sa pagkakaroon ng citizenship, kung nagtataglay ng isa sa mga kundisyon na nabanggit sa ibaba:
a) ang kapanganakan ng bata sa Italya, ay regular at iniulat sa tamang panahon sa tanggapan ng civil status at para sa din sa birth certificate;
b) ang mga magulang sa panahon ng kapanganakan ay mga regular na residente at may balidong permit to stay at nakatala sa registry office
c) na ang kalagayan ng mga magulang ay nagpatuloy sa panahong kinakailangan, o hanggang ang anak ay magkaroon ng sariling permit to stay.
Paalala! Isaalang alang na hindi lahat ng mga bansa ay kumikilala sa dual citizenship kaya’t ipinapayo na makipag-ugnayan sa sariling Konsulado at alamin kung kumikilala sa pagkamamamayang italyano ng hindi mawawala ang orihinal na pagkamamamayan.
Ang gabay na ito ay batay sa Batas 91 ng Pebrero 5, 1992.
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]