GABAY KALUSUGAN HANDOG NG FNA-ROME
Ayon sa health.wikipilipinas.org ang almuranas ay tumutukoy sa kalagayan kung saan ang ugat sa paligid ng anus, na mas mababang bahagi ng tumbong, ay namamaga, namumula at lumago ng higit sa normal. Ito’y isang pangkaraniwang kundisyon na kadalasa’y hindi naman seryoso, ngunit nakakasagabal sa nakakarami. Bagamat maaaring maapektuhan ng almuranas ang anumang edad, ito’y pinaka-karaniwan sa edad 40-60.
Ang uri ng almuranas ay batay sa kung saan ito tumutubo. Ang internal hemorrhoid, kung saan ang ugat sa loob ng tumbong ang kasangkot. Maaaring ito ay dumudugo nang walang kasamang anumang sakit. Ang matingkad na kulay pulang dugo sa dumi ang pinaka-karaniwang sintomas nito. Ang prolapsed hemorrhoid ay maaaring mabanat hanggang sa umusli ito sa labas ng anus. Maaaring bumalik ito nang kusa papasok sa loob ng tumbong o dili kaya’y kakailanganin ang marahang pagtulak nito pabalik sa loob. Ang external hemorrhoid ay ang ugat sa labas ng anus ang kasangkot dito. Ito ay maaaring makati o masakit at maaaring minsan mabiyak at dumugo.
Parehas sa varicose veins ang mekanismo ng pagkakaroon ng almuranas. Ang mga veins ang daluyan ng dugo pabalik sa ating puso. Kapag may ‘pressure’ o puwersa na humaharang sa pagdaloy ng dugo pabalik sa puso, lumalaki ang mga veins. Sa ating anus, ang pag-iri kapag nagtitibi o nagtatae ay maaaring sanhi nitong pagtaas ng pressure o puwersa na nagdudulot sa pagkakaroon ng hemorrhoids. Pagbubuntis o pagkakaroon ng bukol sa bahaging ibaba (gaya ng pagkakaroon ng myoma sa babae o paglaki ng prostate sa lalaki), pagbubuhat ng mabigat o anumang gawain na maaaring magdulot ng pagkapuwersa, pagtanda, labis na katabaan, palagiang nakaupo, matinding pag-ubo, at pagtatalik gamit ang anus ay mga sanhi ng pagkakaroon ng almuranas.
Upang maiwasan ang mahirap na pagdudumi, isama sa karaniwang pagkain ang fiber. Ang sariwang prutas, madahong gulay, whole grain bread at cereals ay ilan sa mga pagkaing magandang pagkukunan ng fiber. Palagiang mag-ehersisyo. Iwasan ang pag-inom ng laksante (pamurga) maliban sa mga suplementong may Psyllium fiber. Ang ilang uri ng laksante ay maaaring maging sanhi ng pagtatae na maaari lamang magpalala sa almuranas.
Upang pahupain naman ang sakit, gumamit ng tubig na mainit-init tuwing maliligo. Linisin ang anus pagkatapos dumumi sa pamamagitan ng pagdampi ng mamasa-masang toilet paper o basang sapin gaya ng baby wipes. Gumamit ng ice pack upang pahupain ang pamamaga. Uminom ng acetaminophen, ibuprofen o aspirin upang tulungan pahupain ang pananakit ng tumbong. Maglagay ng cream na naglalaman ng Witch Hazel sa bahaging apektado o gumamit ng pamahid na pampamanhid. Samantala, ang cream na naglalaman ng Hydrocortisone ay maaaring gamitin sa pangangati o pananakit.
Mga pamamaraan na hindi nangangailangan ng operasyon upang malunasan at masuri ang almuranas:
Sclerotherapy– isang medical na pamamaraan na ginagamit upang alisin ang varicose veins at spider veins.
Rubber band ligation– maaaring gamitin sa paggamot ng internal hemorrhoid. Ito ang paglalagay ng maliit na goma o lastiko sa paligid ng pinaka-ibaba ng almuranas. Pinapahinto nito ang pagdaloy ng dugo at pinatutuyo nito ang almuranas.
Cryotherapy– isang pamamaraang gumagamit ng matinding lamig upang puksain ang sirang tisyu kabilang ang mga selyula ng kanser. Ito din ay tinatawag na cryosurgery, cryoablation o targeted cryoablation therapy.
Barium enema x-ray– tinatawag din itong lower gastrointestinal (GI) examination, isang pagsusuri sa malaking bituka at tumbong.
Colonscopy– isang maliit na camera (endoscope) ang ipapasok sa anus upang makita ang colon at iba pang parte ng malaking bituka.
Sigmoidoscopy– tulad sa colonscopy, isang endoscope ang ipapasok sa anus upang makita ang parte ng malaking bituka mula sa rectum hanggang sigmoid.
Mga pamamaraan na nangangailangan ng operasyon upang malunasan ang almuranas:
Hemorrhoidectomy– isang pagtitistis upang alisin ang almuranas. Ang pasyente ay binibigyan ng general anesthesia o ng spinal anesthesia upang hindi makaramdam ng ano mang sakit. Ang paghiwa ay ginagawa sa tisyu sa paligid ng almuranas. Ang namamagang ugat sa loob ng almuranas ay nakatali upang maiwasan ang pagdurugo.
Stapled hemorrhoidectomy- ang pinakabagong kihurhikong pamamaraan na gumagamit ng isang espesyal na stapler upang sabay na matahi at maputol ang sobrang tisyu ng tumbong.
Doppler-guided hemorrhoid artery ligation-ang makabagong pamamaraan na ito ay gumagamit ng Doppler ultrasound upang hindi na kailanganin pang humiwa ng laman sa paligid ng almuranas upang matahi ito.
Sphincterotomy– babanatin o gugupitin ang sphincter upang mapaghiwalay ito at matanggal ang anumang sobrang tisyu ng almuranas na nasa loob ng anus.(ni: Loralaine R. – FNA Rome)
Paalala: karaniwan inaabot ng isa hanggang dalawang linggo bago humupa ang pananakit ng almuranas. Ngunit kung ang almuranas ay manatiling magdulot ng problema, kumunsulta agad sa isang espesyalista na siyang magbibigay-linaw tungkol sa iyong karamdaman.
Sa mga nais tumulong at sumuporta sa mga programa ng FNA-Rome, o magpa-schedule ng medical outreach pakitawagan lamang si Bb. Nenette Vecinal, FNA Secretary, sa numerong 3295371278 o si Bb. Erle Abalos, FNA Assistant Secretary, sa numerong 3285597506. Maraming salamat po!