Ang atake sa puso (tinatawag ding myocardial infarction o MI) ay nangyayari kung ang daluyan ng dugo sa mga kalamnan ng puso ay nababara at tumitigil ang daloy ng dugo sa isang bahagi ng puso. Kung hindi kaagad malalapatan ng lunas, namamatay ang bahaging ito ng puso at may mabubuong pilat sa bahaging ito. Ang pagbabara ay maaring magmula sa mga deposito ng taba na tinatawag na plak (plaque), isang pulikat sa daluyan ng dugo at namuong dugo.
Ang ilan sa mga palatandaan ng atake sa puso ay ang sumusunod:
- Sakit o bigat sa gitna ng dibdib, braso, panga, mga balikat, leeg o sikmura. Maaring kumalat ito mula sa isang bahagi patungo sa iba pa
- Pakiramdam ng paninikip, pagdagan, pagkirot, pagkasakal, pag-ipit, pag-aapoy o pakiramdam na parang nag-aapoy ang dibdib o lalamunan dahil sa pag-akyat ng asido mula sa sikmura (heartburn). Maaring mangyari ang mga ito habang may ginagawa o habang nagpapahinga. Ito ay nagtatagal ng higit sa 15 minuto
- Pagpapawis
- Paghabol sa hininga
- Panghihina
- Pagkaduwal o pagsusuka
- Pakiramdam ng pagkatakot
- Pagkahilo
Dito sa Italya, maaring tawagan agad ang numerong 118 kung mayroon kayo ng alinman sa mga palatandaang ito at manatiling nakaupo o nakahiga hanggang sa dumating ang emergency team. Hindi pinapayuhang magmaneho patungo sa ospital kung nakakaramdam ng sintomas. Huwag ding patagalin o ipagpaliban ang pagtawag sa inyong doktor.
Mga tagubilin paglabas ng ospital pagkatapos ng atake sa puso
Ang paggaling ng puso ay magtatagal ng ilang buwan. Makakatulong ang sumusunod sa tagubilin para lubusang gumaling. Siguraduhing pumunta sa susunod na appointments sa doktor. Magtanong kung paano sumali sa ilang programa ng pagpapanibago sa kakayahan ng puso (cardiac rehab).
Limitahan ang inyong mga gawain sa loob ng 1-4 linggo. Importante ang sapat na pagpapahinga bawat araw at unti-unti lamang dagdagan ang inyong mga gawain sa paglipas ng panahon. Magpahinga ng isang oras pagkatapos kumain at hindi bababa sa 30 minuto pagkatapos ng mga gawaing kagaya ng paliligo o pag-aahit. Limitahan ang pag-akyat sa hagdan, at kung di maiwasan ay umakyat sa hagdan nang dahan-dahan.
Iwasan ang pagbubuhat ng mas mabigat sa 10 libra (pounds) o 4.5 kilos, paggamit ng vacuum cleaner, magtabas ng damo, magkalaykay o magpala sapagkat ito ay sadyang mabigat na gawain para sa isang inatake. Maari naman kayong gumawa ng mga magagaan na gawaing-bahay. Importanteng tanungin ang inyong doktor kung puwede na kayong magmaneho at kung kailan kayo puwedeng bumalik sa trabaho.
Ang pagsakay sa kotse ay para lamang sa mga maikling biyahe. Maaari namang gawing muli ang mga sekswal na gawain kapag makakalakad na paakyat ng 20 hakbang sa hagdanan na walang problema.
Sadya ring makakatulong ang wastong diyeta na iminungkahi ng doktor at eksperto sa nutrisyon at diyeta (dietitian). Kumain ng mga pagkaing kaunti ang taba at iwasan ang maaalat na pagkain.
Ugaliing timbangin ang inyong sarili araw-araw upang makita ang pagka-ipon ng likido (fluid build-up) sapagkat ang sobrang likido ay nagiging sanhi upang mas mahirapang magtrabaho ang inyong puso. Agapang tawagan ang doktor kung madagdagan ang inyong timbang ng 2-3 libra (pounds) o 1 kilo sa magdamag.
Importante ring iwasan ang mga temperaturang masyadong mainit o masyadong malamig. Pinapayuhan ang pag-iwas sa pagligo ng sadyang mainit o malamig, pati na rin ang paggamit ng hot tub, spa o whirlpool. Mas mainam din kung ang pasyente ay manatili sa loob ng bahay kapag masyadong mainit (mas mataas sa 80°F o 27°C) o kaya’y masyadong malamig (mas mababa sa 30°F o 1°C) ang temperatura.
Ang aming inilalathala ay sadyang gabay lamang. Importante pa rin ang pagsadya sa doktor o espesyalista na maaring magbigay ng iba pang mga tagubilin ayon sa mga pangangailangan ng bawat pasyente. Sila rin ang makakapagbigay-linaw kung mayroon pa kayong mga katanungan o pag-aalala tungkol sa inyong kalusugan.
Loralaine R.