GABAY-KALUSUGAN HANDOG NG FNA-ROME
Ang buwan ng Nobyembre ay naitalang ‘Lung Month’. Dahil sa pagbabago ng panahon at ang iba pang impluwensiya sa kapaligiran tulad ng usok sa sigarilyo, sasakyan at establisyimento, marami ang nagkakasakit lalo na sa sakit sa baga. Ang COPD (Chronic Obstructive Pulmonary Desease) ay isa sa mga pangunahing karamdaman na nakakamatay at nakakabaldadong sakit sa buong mundo.
Ang respiratory system ay binubuo ng ilong, trakea, pangunahing bronchi, baga at mga masel sa paghinga tulad ng nasa butuhan ng dibdib at diaphragm. Ang kabuoang respiratory system ang nagdadala ng Oxygen (O2) papasok sa ating katawan at siya rin namang nag-aalis ng Carbon Dioxide (CO2).
Ang Oxygen ay mabuting hangin na nagbibigay sa ating katawan ng enerhiya o lakas habang ang Carbon dioxide naman ay maruming hangin na ating inilalabas. Ang Oxygen ay nilalanghap natin sa ilong o maging sa bibig. Ang ilong ang nagsisilbing filter upang masala ang mga di kanais-nais na usok at alikabok. Ang ilong din ang nagpapainit at nagdadagdag ng moisture sa hanging pumapasok. Sa pagkakataong mas maraming hangin ang kinakailangan, mas malaki ang naitutulong ng paghinga sa bibig. Ito ay madalas na ginagamit kapag nag-eehersisyo. Ang daanan ng hangin ay anyo ng nakabaligtad na puno at ng mga sanga nito. Mula sa ilong o bibig, ang hangin ay dumadaloy pababa sa trakea. Ito ay isang malaking tubo ng daanan ng hangin malapit sa ating leeg. Ang trakea ay naghihiwalay sa dalawang bronchi, tig-isa papunta sa kanan at kaliwang bahagi ng ating baga. Ang bawat bronchi naman ay naghihiwalay pa sa mas maliit na tubong daanan ng hangin na tinatawag na bronchioles.
Ang bawat bronchiole naman ay nagtatapos sa mga maliliit na air sacs o alveoli kung tawagin. Ang mga alveoli ay napapaligiran ng mga maliliit na ugat (capillaries). Ang Oxygen na laman ng mga alveoli ay lumilipat sa mga maliliit na ugat na ito na nagsisilbing daanan ng dugo at siya namang dinadala patungo sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ang Carbon dioxide naman mula sa mga maliliit na ugat ay lumilipat patungo sa mga alveoli at ito naman ang hanging inilalabas ng ating katawan kapag humihinga palabas. Ito ang tinatawag na palitan ng hangin o gas exchange.
Ang normal na baga ay naglalaman ng mahigit sa 300 milyong alveoli. Kung ito nga ay bubuksan, maisusukat ito na kasing laki ng isang tennis court. Ang malaking lapad nito ang siyang nagbibigay ng makabuluhang palitan ng hangin.
Maraming masel ang ginagamit sa paghinga. Ang pinakamalaki at pinakamahalaga sa mga ito ay ang diaphgram. Ito ang masel sa ilalim ng baga na naghihiwalay sa dibdib mula sa mga kalamnan ng tiyan. Kapag bumababa o pumapatag ang diaphgram, humihigop ng hangin ang baga. Ito ay tinatawag na inhalation o inspiration. Kapag nagrelax na ito, ang baga naman ay naglalabas ng hangin. Ito ay tinatawag na exhalation o expiration. Ang baga tulad ng pag-ihip ng lobo, ay nangangailangan ng enerhiya upang maglagay o humigop ng hangin ngunit hindi naman nangangailangan nito kapag naglalabas ng hangin. Ang iba pang masel na ginagamit sa paghinga ay mga masel sa buto ng dibdib at masel sa leeg o scalene muscle.
Paano pinoprotektahan ng baga ang sarili mula sa dumi sa kapaligiran? i) ang ilong na nagsisilbing filter ng maruruming elemento kapag humihigop ng hangin. Ang nalalanghap na dumi ay dumidikit sa manipis na sapin ng mga tubong daanan ng hangin na mucus (dura o plema). Ang mga tubo ay may sapin din na maliliit na buhok na tinatawag na cilia na siya namang nagwawalis o nagdadala ng nahuling dumi papunta sa lalamunan para malunok. ii) ang pag-ubo. Ito ay isang pangkaraniwang pangyayari kapag naiirita ng dumi ang mga daanan ng hangin. Mas mabilis maaalis ng pag-ubo ang dumi kaysa sa pagdadala ng mga cilia. iii) ang mga daanan ng hangin ay nababalot din ng mga maliliit na tumpok ng masel. Kapag may nahuling dumi at naiirita, humihigpit ang mga masel na ito at nagsisikip ang daanan ng hangin upang masiguradong hindi makakapasok ang dumi sa baga. Ito ay tinatawag na broncho-spasm o broncho-constriction.
Ano ang COPD? Ang Chronic Obstructive Pulmonary Disease ay ang pangmatagalan at permanenteng pagkasira ng mga daanan ng hangin na nagpapahirap sa maayos na pagdaloy sa paghinga. Paninigarilyo ang pangunahing sanhi ng COPD.
Dalawang sakit ang pangkaraniwang bumubuo ng COPD. Ito ang chronic bronchitis at emphysema. Ang chronic bronchitis ay ang pamamaga at paninikip ng mga maliliit at malalaking tubong daanan ng hangin. Ang mga cilia ay sira na kung kaya’t namumuo at kumakapal ang mucus o plema. Ang mga ito ang humahadlang sa maayos na pagdaloy ng mabuting hangin papunta sa baga. Ang emphysema ay ang permanenteng pagkasira ng mga dingding ng air sacs o alveoli. Dahil dito ay nawala na ang normal na anyo nito na madaling mabanat para makaipon ng mabuting hangin. Ang normal na anyo nito ay maihahalintulad sa isang lobo na madaling hipan. Dahil sa emphysema, nangangailangan tuloy ng higit na enerhiya o lakas upang mapalobo ang mga air sacs o alveoli ng mabuting hangin gayun din upang mailabas nito ang naipong masamang hangin. Dahil sa naipong hangin ay nagkakaroon tuloy ng hyperinflation o air trapping. Ito ang nagpapahirap sa baga upang maayos na maganap ang palitan ng hangin. Nagkukulang tuloy ang mabuting hangin na oxygen na pumapasok sa baga at naiipon naman ang maduming hangin na carbon dioxide na hindi kumpletong mailabas. Ito ang dahilan kung bakit ang taong may COPD ay kinakapos sa paghinga at mabilis mahapo.
Ang paninigarilyo ang pinakamadalas na sanhi ng COPD. Ang pagpipipa , pagtatabako at iba pang pamamaraan ng paninigarilyo ay nagdudulot din ng COPD. Ang paglanghap ng usok o second hand smoke ay sanhi din ng COPD. Kaya kahit hindi naninigarilyo ay maaari ring magka-COPD. Ang dumi sa kapaligiran tulad ng usok at alikabok sa trabaho, kemikal at polusyon ng hangin ay maaari ding magdulot ng COPD. Mayroon din namang nagkaka-COPD na hindi naninigarilyo o walang karanasan sa paglanghap ng masasamang usok. Sinasabing maaaring may koneksiyon ito sa pagkamana o heredity o genetics.
Ang mga sintomas ng COPD ay mga sumusunod: ubo, sobrang plema, kapos sa paghinga, humuhuni sa paghinga o wheezing, pagkahapo at paninikip ng dibdib. Ang patuloy at di nawawalang ubo at pagdami ng plema ang pinakamadalas na sintomas ng COPD. Taon pa ang mabibilang mula sa pagkakaroon ng mga sintomas na ito bago pa magkaroon ng kapos sa paghinga. Ang mga sintomas na ito ang nakakasagabal o nakakahadlang sa mga pang-araw-araw na gawain ng taong may COPD. Kadalasan nga itong nakikita sa mga may edad 40 at pataas. Ang lala ng sintomas ng COPD ay depende sa dami ng sirang nagawa nito sa baga. Kung mas marami at mas matagal ang paninigarilyo mas mabilis ang pagkasira ng baga. Ang sirang nagawa sa baga ay hindi maaaring maisaayos o maibalik sa dating anyo o gamit. Walang gamot sa COPD. Ito ay pang habang-buhay. Ang pagtigil sa paninigarilyo ang tanging magpapabagal sa paglala nito.
Ang COPD ay isang ganap na suliraning pangkalusugan. Ito ang pang-4 sa mga nakakamatay at nakakabaldadong sakit sa buong mundo. Sa Pilipinas, ang COPD ang pang-7 sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ayon sa Department of Health.
Payo ng doctor na tumigil sa paninigarilyo. Sila rin ay nagbibigay ng gamot upang lumuwag ang mga tubong daanan ng hangin (bronchodilators), maalis ang pamamaga nito (anti-inflammatory) at magamot ang anumang impeksiyon (antibiotics). Ang mga gamot na ito ang nagbibigay lunas sa paninikip ng mga daanan ng hangin. Sa mga mayroong mas malalalang sintomas pa ay binibigyan din ng oxygen. Kasama sa mga pagsusuri ang x-ray ng dibdib, CT scan, pagsusuri sa dugo, pagsusuri sa kakayahan ng baga. Manatiling aktibo, panatilihin ang katamtamang timbang, kumain ng balanseng pagkain, uminom ng maraming likido, at kontrolin ang matinding pagod.
Sa kasalukuyan ay walang gamot upang maibalik ang nasirang bronchi at air sacs dala ng COPD. Ang pagkasira sa mga ito ay permanente o pangmatagalan. Mahalagang malaman na may mga support groups at Pulmonary Rehabilitation Programs na tumutulong sa mga may COPD. Naibabahagi dito ang angkop na pagtugon sa mga pisikal, emosyonal at sikolohikal na pangangailangan ng mga taong may COPD. Tumutulong din ang mga ito at sumusuporta sa kampanya upang tumigil sa paninigarilyo. (ni: Loralaine R. – FNA-Rome)
Sources: http://www.health.wikipilipinas.org
www.pcp.org.ph
http://www.healthinfotranslations.org
Ang aming inilalathala ay sadyang gabay lamang. Importante pa rin ang pagsadya sa doctor o espesyalista na maaari makakapagbigay-linaw kung mayroon pa kayong mga katanungan o pag-aalala tungkol sa inyong kalusugan.
Sa mga nais tumulong o sumuporta sa mga programa ng FNA-Rome, o magpa-schedule ng medical outreach pakitawagan lamang lamang si Bb. Nenette Vecinal (FNA Secretary) sa numerong 3892648717 o sa 3295371278. Maraming salamat po!
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]