in

Mga Dapat Malaman Tungkol sa Escherichia Coli

Ang Escherichia coli o E. Coli ay isang pangunahing sanhi ng sakit na dala ng pagkain. Ang impeksyon dito ay karaniwang nauuwi sa madugong diarrhea (pagkasira ng tiyan), at paminsan-minsan sa kidney failure (panghihina ng bato). Ang mga tao ay maaaring maimpeksyon ng E.coli sa iba’t-ibang paraan.

 

Ano ito?

Ayon sa Center for Disease Control (CDC) at National Library of Medicine ng Estados Unidos, ang Escherichia coli (o E. Coli) ay isang pangunahing sanhi ng sakit na dala ng pagkain.  Ang impeksyon dito ay karaniwang nauuwi sa madugong diarrhea (pagkasira ng tiyan), at paminsan-minsan sa kidney failure (panghihina ng bato). Ang mga tao ay maaaring maimpeksyon ng E.coli  sa iba’t-ibang paraan.

Bagamat ang karamihan ng mga sakit ay may kinalaman sa pagkain na kulang sa luto at may kontaminasyong giniling na karneng baka, mayroon ding mga taong nagkasakit dahil kumain sila ng kontaminadong bean sprouts o mga sariwang madahong gulay tulad ng lettuce at spinach. Ang personal na kontak sa mga pamilya at mga child care center ay isa ring nalalamang paraan ng pagkalat ng sakit. Ang impeksyon ay maaaring mangyari pagkatapos uminom ng raw milk (unpasteurized milk) at pagkatapos lumangoy sa tubig o pagkatapos uminom ng tubig na may kontaminasyon ng imburnal.


Mga dulot na sakit ng E. Coli 

Ang E. coli ay karaniwang nagdudulot ng malubhang madugong diarrhea at masakit na tiyan; minsan, ang impeksyon ay nagdudulot ng diarrhea na walang dugo o walang sintomas. Karaniwang mababa o walang lagnat, at ang sakit ay nawawala sa loob ng 5 hanggang 10 araw.  Sa ilang mga tao, lalo na sa mga bata na wala pang 5 taong gulang at sa mga matatanda, ang impeksyon ay maaari ring magdulot ng isang komplikasyon na tinatawag na hemolytic uremic syndrome, kung saan ang red blood cells ay sinisira at ang kidneys (bato) ay humihina.

Pagdidiyagnosis

Ang impeksyon ng E. coli ay nadidiyagnos sa pamamagitan ng paghanap ng bacterium sa dumi. Ang karamihan ng mga laboratoryo na gumagawa ng culture ng dumi ay hindi nagsusuri para sa E. coli, kaya mahalaga ang humiling na ipasuri ang ispesimen ng dumi sa sorbitolMacConkey (SMAC) agar para sa mismong organismong ito. Ang lahat ng mga tao na biglang may diarrhea na may dugo ay dapat magpasuri ng dumi para sa E. coli.

Ano ang mga pangmatagalang konsekwensiya ng impeksyon?

Ayon sa CDC, ang mga taong mayroon lamang diarrhea ay karaniwang bumubuti nang husto.  Mga one-third ng mga taong may hemolytic uremic syndrome ang may di-normal na kidney function  pagkatapos ng ilang taon, at may ilan na nangangailangan ng pangmatagalang dialysis. At may karagdagang 8% ng mga taong may hemolytic uremic syndrome ang may ibang mga habang-buhay na komplikasyon, tulad ng altapresyon, seizures, pagkabulag, paralysis, at ng mga epekto ng pagpapatanggal ng bahagi ng kanilang tiyan. 

Paano maiiwasan ang E. Coli?

Maaaring maiwasan ng mga tao ang impeksyon sa pamamagitan ng pagluto nang husto sa giniling na baka, pag-iwas sa unpasteurized milk, at paghugas nang maigi ng kamay bago maghanda ng pagkain o bago kumain. Ang mga prutas at gulay ay dapat hugasan nang maigi, ngunit maaaring hindi matanggal ng paghuhugas ang lahat ng kontaminasyon. Malaking tulong ang pagkinig sa payo ng mga eksperto at announcements sa tv, radyo o mga dyaryo tungkol sa mga pagkaing dapat iwasan kung mayroon mang outbreak o sitwasyong maraming nagkakasakit nang sabay-sabay. Dahil ang organismo ay nakatira sa intestines ng mga malusog na baka, iniimbestigahan pa ang mga magagawang paraan upang maiwasan ang sakit sa mga cattle farms, habang pinalalaki, inaani, at prinoproseso ang baka.

Ang sumusunod ay ilan pang hakbang na rekomendado ng CDC: Lutuin nang husto ang lahat ng giniling na baka at hamburger. Dahil ang giniling na baka ay maaaring mukhang luto na bago mapatay ang bacteria na nagdudulot ng sakit, gumamit ng isang digital instant-read meat thermometer upang masigurado na lutung-luto ito. Ang giniling ay dapat lutuin hanggang ang thermometer na ipinasok sa iba’t-ibang bahagi ng karne, pati na rin sa pinakamakapal na bahagi, ay nagpapakita ng kahit 160º F man lamang. Maaaring bawasan ang panganib nang mga di gumagamit ng thermometer kung hindi sila kakain ng ground beef patties na kulay pink pa rin sa gitna.

Kung ikaw ay dinalhan sa isang restaurant ng hamburger o ng ibang giniling na baka na hindi gaanong luto, ipabalik ito upang lutuin pa nang mas matagal. Humingi rin ng bagong tinapay at malinis na plato.

Sa bahay naman, iwasan ang pagkalat ng nakapipinsalang bacteria sa iyong kusina. Ihiwalay ang mga hindi lutong karne mula sa mga pagkaing kakainin nang hindi niluluto. Hugasan ng mainit na tubig na may sabon ang mga kamay, counters, at mga ginamit na kagamitan sa pagluto kapag sila’y nadikit sa hindi lutong karne. Huwag kailanman ilagay ang mga lutong hamburger o giniling sa platong hindi hinugasan na pinaglagyan ng hindi lutong karne. Hugasan ang meat thermometers tuwing ito’y ginagamit upang tingnan ang temperatura ng patty na kailangan pang lutuin nang mas matagal.

Maghugas ng maigi ng kamay. Ang bacteria sa dumi mula sa diarrhea ng mga taong may impeksyon ay maaaring maipasa mula sa isang tao papunta sa ibang tao kung hindi sapat ang hygiene o ang kaugaliang maghugas ng kamay. Ito ay lalo nang malamang na mangyayari sa mga maliliit na bata na hindi pa marunong gumamit ng toilet. Ang mga kapamilya at mga kalaro ng mga ganoong bata ay may malaking panganib na maimpeksyon.

Uminom lamang ng pasteurized milk, juice, o cider. Ang nabibiling juice na may extend shelf-life na ibinebenta sa room temperature (halimbawa, juice na nasa Tetrapak, mga vacuum sealed juice na nasa mga babasaging lalagyan) ay na-pasteurize na, bagamat hindi ito karaniwang nakalagay sa label. Ang juice concentrates ay sapat ding iniinit upang patayin ang pathogens.  Hugasan nang husto ang mga prutas at gulay, lalo na ang mga kakainin nang hindi niluluto muna. Dapat iwasan ng mga bata na wala pang 5 taong gulang, at ng mga matatanda ang kumain ng alfalfa sprouts hanggang nakasisigurado na ligtas itong kainin. Kasalukuyang iniimbestigahan ang mga paraan upang tanggalin ang kontaminasyon sa alfalfa seeds at sprouts.

Makabubuti rin ang paginom ng tubig na ginamitan ng chlorine o iba pang mabisang disinfectants. Iwasan ang malunok ang tubig sa dagat-dagatan o swimming pool habang lumalangoy. Siguraduhin na ang mga taong may diarrhea, lalo na ang mga bata, ay naghuhugas nang maigi gamit ang sabon pagkatapos nilang dumumi upang mabawasan ang panganib ng pagkalat ng impeksyon, at na ang mga tao ay naghuhugas ng kamay pagkatapos magpalit ng mga narumihang lampin. Ang sinumang may diarrhea ay dapat hindi lumangoy sa mga pampublikong swimming pool o mga dagat-dagatan, maligo kasama ng iba, at maghanda ng pagkain para sa iba. 

 

Gabay Kalusugan hatid ng FNA

ni: Loralaine R. – FNA Rome 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Portability of Pensions from Italy to the Philippines

The Best Selling Halo Halo Recipe