in

Mga dapat malaman tungkol sa FOOD ALLERGY

Nakakasiguro ba na ang kinakain ay walang dulot na masamang epekto sa katawan? Kaya, nararapat na malaman ang ‘salarin’ kapag nakakaranas ng food allergy.

Ang allergy (in general) ay iniuugnay sa iba’t ibang reaksyon ng mga sangkap, gaya ng semilyang pulbos sa bulaklak (pollen), balahibo ng pusa, o ng iba pang sangkap na ipinapalagay ng katawan na hindi nito kilala. Sinasabi rin na ang allergies ay ang bunga ng hypersensitive immune system. Ang mga taong may allergy ay hypersensitive sa ilan sa mga elements na ang karamihan naman ay hindi apektado at ipinapalagay na ang mga ito ay hindi makakasama.

Ang food allergy ay ang reaksyon ng ating depensa ng katawan na nangyayari matapos tayong makakain ng partikular na pagkain. Kahit pa maliit na piraso lamang ng pagkain na nakakasanhi ng allergy ay maaaring magdulot ng problema sa tiyan, pangangati o pamamaga ng daanan ng hangin. Kapag nakakaranas ng allergic reaction, ang iyong immune system ay nati-trigger na maglabas ng antibodies na tinatawag na Immunoglobulin E (IgE) antibodies upang ma-neutralize ang nakaka-allergy na pagkain. Kahit na napakaliit na dami ng naturang pagkain, ang IgE antibodies ay nararamdaman nito at nagbibigay senyales sa immune system na magpalabas ng kemikal na kung tawagin ay histamine, at ganun din ang maraming kemikals sa iyong dugo. Ang mga kemikal na ito ay nagdudulot ng maraming sintomas. Ang karamihan ng food allergies ay buhat sa Protina na nasa: balat ng lamang-dagat tulad ng hipon at alimango, mani, isda, at itlog. Sa mga kabataan, ang karaniwang nakakadulot ng allergy ay ang itlog, gatas, mani at wheat.

Ang mga sintomas ng allergy ay nag-iiba sa antas ng kalubhaan. Maaaring abutin lamang ng ilang minuto, ilang oras, o ilang araw para makasanhi ng reaksyon. Ang mga food allergies ay karaniwang naaapektuhan ng dami ng iyong nakain. Ang panimulang sintomas ay ang pangangati ng bibig, hirap sa paglunok at hirap sa paghinga. Pagkatapos ay sa sandaling pagtutunaw ng pagkain sa tiyan at mga bituka, ay karaniwang nararamdaman ang mga sintomas tulad ng pagsusuka, pagtatae at pananakit ng tiyan.

Kapag ang allergens naman ay tumungo sa daluyan ng dugo, kapag umabot sila sa balat ay nagdudulot ng sobrang pangangati, at kung napunta sila sa daanan ng hangin ay nakakadulot ng hika. Habang naglalakbay ang allergens sa tubo ng mga daanan ng dugo, nakakasanhi sila ng pag-kahilo, panghihina at anaphylaxis o anaphylactic shock. Ang anaphylactic shock ay ang biglaang pagbaba ng blood pressure, namamanhid ang dibdib hanggang leeg, namamaga ang lalamunan at dahil dito ay lumiliit ang daanan ng hangin kaya hirap sila sa paghinga na maaari ring magdulot ng matinding reaksyon sa balat at nakaka-trigger ng asthma. Minsan ay nakakamatay kung hindi naagapan.

Posibleng magkaroon tayo ng allergy sa kahit anong pagkain. Mga 90% ng food allergies lalo na sa mga kabataan, ay dulot ng 7 uri ng pagkain: mga produktong may gatas, soya, shellfish, wheat, gluten, mani at puti ng itlog. Kung ikaw ay may allergy sa isa sa mga pagkain sa isang grupo ng pagkain mayroong mataas na tsansa ng pagiging allergic sa ibang pagkain na nasa grupong iyon. Ang mga sintomas ng allergy ay nag-iiba-iba base sa edad. Ang magandang balita ay maraming kabataan ang nawawala ang allergy kapag umabot na sa edad na 3 taon.

Ang pisikal na pagsusuri ay makakatulong upang makita ang iba pang kondisyon ng may kapareho ng sintomas ng allergy. Isinasagawa ang allergy tests upang matukoy ang specific allergens (na sinasabing ‘harmless substance’). Karaniwan na ang pagbibigay ng skin tests, kung saan ang balat ay nakalantad sa maliit na dami ng pinanghihinalaaang mga allergens at ito ay oobserbahan para sa kung anumang reaksyon. Maaari rin ang pag-eeksamen sa dugo.

Isang malaking bahagi ng pagsusuri sa allergies ay ang maingat na pagbibigay-halaga sa mga palatandaan na nakikita sa pasyente. Ang doctor ay magtatanong ng maraming bagay upang malaman ang iba pang kondisyon na maaaring maging dahilan ng allergy-like symptoms. Dapat malaman ng doctor ang sitwasyon ng inyong kapaligiran (sa tahanan at sa trabaho), o kung may kontak man sa hayop, mga ‘triggering factors’ na nagtutulak upang lumabas ang mga sintomas, at kasaysayan tungkol sa pamilya tungkol sa allergies.

Ang natatanging paraan upang maiwasan ang allergic reaction ay ang iwasan ang pagkain ng nakakasanhi ng sintomas. Subalit, minsan hindi maiiwasan na makakain ng pagkain na nakakadulot ng food allergy. Kusang nawawala ang rashes na lumalabas sa minor na allergic reaction. Subalit maaaring mas mapabilis ang pagkawala ng mga ito sa pamamagitan ng pag-inom ng Antihistamines. Ang gamot na ito ay maaaring inumin matapos ma-expose sa allergy-causing food upang malunasan ang pangangati. Subalit, ang antihistamine ay hindi nakakalunas sa malubhang allergic reaction. Para sa napakalubhang allergic reaction, maaaring kailanganin mo  ang pang-emeherhensiyang ineksiyon ng Epinephrine at tumungo agad sa Pronto Soccorso.

Palaging magbasa ng mga nakalagay na etichetta sa pagkain at siguraduhin na hindi ito nagtataglay ng sangkap na nagdudulot ng allergy. Kapag nagdududa, huwag na lang bilhin o kainin. Karaniwang sa mga kainan ng grupo o piyestahan, mataas ang tsansang makakain ng mga pagkain na ikaw ay allergic. Kung hindi ka sigurado ay mas mabuting huwag na lang kumain. Subalit, kung hindi talaga maiwasan, laging magdala ng gamot ng antihistamine upang handa itong inumin sa sandaling ikaw ay makakaranas ng mga sintomas. Uminom rin ng maraming tubig.

Ang pangangalaga sa atay ay napakahalaga sa mga taong may allergies. Isang mabisang paraan upang maprotektahan ito ay ang pag-iwas sa pagkain ng mga pinirito, at may saturated fats at rich foods. Mahalaga rin ang lemon na magagamit bilang sangkap o kaya ay sa lemonada. Kumain ng sapat at balanseng pagkain. Kabilang ang mga sumusunod na sangkap at prutas: i) Olive oil. Ito ay may polyunsaturated fats (oleic at linoleic acids) na nakakapagpasigla ng panlaban ng katawan at mahalaga sa puso at sa ugat na daluyan ng dugo. ii) Bawang. Pinaghuhusay ang lakas ng T-lymphocytes. Ang pagkain ng bawang ay tumutulong sa katawan upang mapadami ang bilang ng natural na protective cells. iii) Sariwang prutas at gulay. Dahil sa ang mga ito ay masustansiya, at mataas ang nilalamang bitamina at mineral. Ang mga ito ang nagsisilbing antioxidant at pang-revitalize. iv) Yogurt. Ang mga bakterya na nakikita sa yogurt ay tumutulong sa immune system at intestinal lining. v) Mga napapanahon na prutas, sibuyas, kalabasa, carrots, pollen, honey, parsley, avocado, kamatis, at isda, ito ang mga pagkain na tumutulong sa katawan laban sa mga allergy.

Bagama’t ang allergy sa pagkain ay pwedeng maituring na isang karaniwan at simpleng karamdaman, ito’y pwedeng maging seryoso kung may kasamang hirap sa paghinga, pamamanas, mataas na lagnat at iba pang sintomas tuwing sinusumpong ng allergy. Kung ang mga ito ay naramdaman, mas mabuti kung magpatingin sa doctor.. ‘Have a safe Christmas mga Kababayan!’

 

ni: Loralaine Ragunjan – FNA-Rome

Sources:

www.fil.wikipilipinas.org, www.kalusugan.ph,

www.buhayofw.com, www.pusongkapamilya.com

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Ako ay may carta di soggiorno. Gaano katagal ako maaaring manatili sa labas ng bansang Italya?

Ako Ay Pilipino

Gaano katagal maaaring manatili sa Pilipinas na hindi mawawalang bisa ang permit to stay?