in

Mga dapat malaman tungkol sa Hika

Ang hika o asthma ay pangkaraniwang sakit ng baga. Ito ay isang pangmatagalang karamdaman na hindi gumagaling. Ito ay maaring maging sanhi ng pagkasira ng baga kapag hindi nabigyan ng tamang lunas. Kapag napabayaan, ito ay nakamamatay.

Ang hika ay isang sakit kung saan namamaga ang daanan ng hangin papunta sa mga baga. Dahil sa pamamaga, naninikip ang mga ito kaya’t nahihirapang huminga ang may karamdaman nito. Bagama’t ang hika ay hindi nakakahawa, ito ay nananalaytay sa lahi ng pamilyang may kasaysayan ng alerhiya at hika. Kalimitang namamana sa mga magulang ang hika. Kung ang isa o parehong mga magulang ay may hika, mas mataas ang tsansa na magkakahika rin ang anak.

Kalimitan ang atake sa hika sa isang sanggol o bata ay nagsisimula dahil sa impeksiyong dulot ng virus. Karaniwang dahilan ang pollen mula sa halaman, alikabok, usok ng sigarilyo, sasakyan, o mga bagay na nasusunog, dust mites o munting kulisap na kasama ng alikabok, balahibo ng hayop gaya ng pusa at amag, gamot, kemikal, ehersisyo o emosyon.

Ang mga may hika ay mapapansin na nagpapakita ng ilan o lahat ng mga sumusunod na sintomas:

  • Mabilis na paghingang di pangkaraniwan o kahirapang huminga;
  • paglaki o paglobo ng butas ng ilong sa bawat paghinga;
  • paghingang may kaakibat na tunog o huni;
  • pag-ubong lumalala sa gabi o umaga;
  • sipon o pangangati ng lalamunan;
  • pagkaramdam ng pagkapagod;
  • kahirapan sa paglakad, pagsalita o pag kain;
  • mabilis na tibok ng puso;
  • pagpabira ng ulo;
  • at kapag ang instrumentong panukat sa hangin na dumadaloy papunta sa baga (peak flow meter) ay nagpapakita ng pagbaba sa sukat.

Mga babala: Inaabisuhang tawagan ang 118 o sumangguni kaagad sa doktor kung nakakaramdam ng sintomas na ito: paninikip ng paghinga; paninikip ng dibdib; makapal at malubhang pag-aagahas; lagnat na may temperaturang 38°C; mga labi, balat o mga kuko ay nagkukulay asul; kapag ang madaliang gamot o panglunas ay hindi tumatalab makalipas ng 20 o 30 minutos at kung ang gamot ay sanhi ng  panginginig, pagkalito, pagkanerbiyos, masakit ang tiyan o masamang panlasa.

Pangangalaga: Maaaring kasama sa pangangalaga ang pag-inom ng iba’t ibang gamot upang mabuksan ang daanan ng hangin, mabawasan ang pamamaga ang daluyan ng hangin at  ang pagresponde ng katawan sa mga sanhi ng taluhiyang (allergens). Mainam na tuklasin ng propesyonal ang sanhi ng sintomas at pagsusuri sa mga taluhiyang (allergies). Maaring gumamit ng instrumentong panukat sa hangin na dumadaloy sa mga baga (peak flow meter) upang masuri at mapigilan ang mga pag-atake ng hika. Malaking tulong din ang pag-inom ng malaking baso ng likido tuwing 1 hanggang 2 oras dahil tumutulong ito upang mapanatiling manipis ang uhog. Ang manipis na uhog ay mas madaling ilabas sa pag-ubo at nakakabawas ng pamamaga ng mga baga. Ang malinaw na likido ang pinakamainam kagaya ng tubig, katas ng prutas, tsaa, sabaw at malabnaw na sopas. Mainam ang pag-iwas sa mga produktong gatas (o may sangkap na gatas) kapag hirap ang paghinga dahil pakakapalin nito ang mga uhog.

Mga ilang alituntunin upang mapigilan ang pag-atake ng hika:

  • Dalhin ang mga gamot sa hika sa lahat ng oras.
  • Inumin ang mga nakatakdang gamot kahit mawala ang mga palatandaan.
  • Iwasan ang sigarilyo at  usok.
  • Umiwas sa mga pagkain, gamot o mga bagay na nagdudulot (triggers) ng mga sintomas ng hika.
  • Iwasang lumapit sa mga taong may sipon o trangkaso.
  • Magpahinga at uminom ng maraming likido sa unang palatandaan ng sipon.
  • Huminga ng may takip na bandana o anumang pantakip ng bibig at ilong kapag malamig ang panahon.
  • Bawasan ang matinding pagod.
  • Kausapin ang doktor tungkol sa ehersisyo upang palakasin ang mga baga.

Buteyk o Breathing MethodAng naturang method ay ideya ni Prof. Konstantin Buteyko, isang Russian doctor, na nakadiskubre sa isang ehersisyo sa ‘tamang paghinga’ upang makontrol ang hika at iba pang chronic diseases gaya ng migraine, high blood pressure, bronchitis at allergies. Nadiskubre ni Buteyko na ang mababang lebel ng cardon dioxide sa katawan ay may kinalaman sa pagkakaroon ng iba’t ibang uri ng chronic disease. Ang carbon dioxide ay responsable sa pananatili ng pagpasok ng oxygen sa katawan at pagbalanse ng acid-alkali balance o lebel ng asido sa katawan. Ang carbon dioxide din ang may mahalagang parte sa pagpapagana ng mga malambot na tisyu sa katawan gaya ng utak, puso, baga at mga daluyan ng dugo.

Ang ‘tamang paghinga’ aniya ay nagsisimula sa dalawang normal na paglanghap at paglabas ng hangin. Ito ay susundan ng isang matagal na pag-exhale. Ang kailangang gawin ay mapatagal ito ng isang minuto.  Ang susunod na hakbang ay ang shallow breathing. Gamit lamang ang ilong sa paghinga, huminga ng mabilis sa magkakasunod na limang minuto. Dapat ay nakasara ang bibig habang ginagawa ito. Ito ay maaaring gawin mula 3 hanggang 4 na beses sa isang araw sa loob ng isang linggo. Pagkatapos ng isang linggo, mapapaabot ng isang minuto ang pagpigil sa hininga at ang hika ay mas kontrolado na. Napatunayan ng 100% sa mga sumubok ng Buteyko breathing method na naging mas maigi ang kondisyon ng kanilang hika, habang 90% naman ay hindi na umasa sa mga nebulizer, inhaler at iba pang uri ng medikasyon.

Ang sumunod na artikulo tungkol sa karamdamang hika o asthma ay sadyang handog gabay lamang ng FNA at Ako ay Pilipino para sa kaalaman ng mga kababayan. Hindi kailanman ipinapayo ang pag self-medicate o paggamot ng sarili. Importante pa rin ang pag konsulta sa mediko o ibang propesyonal para sa mga karamdaman. (FNA Rome)

 

 

Click to rate this post!
[Total: 2 Average: 3.5]

Faceapp, boom na boom. Safe ba at napangangalagaan ba ang privacy ng mga users?

Ritiro patente, nilalaman ng bagong Codice della Strada 2019