in

Mga Dapat Malaman Tungkol sa Kanser sa Bituka

Narito ang mga dapat malaman tungkol sa kanser sa bituka o colon cancer at iba pang mga impormasyon tungkol dito.

Ang bituka ay ang pinakamahabang bahagi ng sistema ng pantunaw na daanan ng pagkain. Ito ay may dalawang bahagi: ang maliit na bituka, kung saan natutunaw ang pagkain, at ang malaking bituka, kung saan natutunaw ang tubig at asin. Ang malaking bituka ay may dalawang bahagi – ang kolon at ang rectum (tumbong).

Ang kanser sa bituka (kilala rin bilang colorectal cancer) ay isang pagtubo ng kanser na kadalasang nagsisimula sa panloob na balot (dingding) ng malaking bituka. Karamihang mga kanser sa bituka ay nagsisimula mula sa mga polyps. Ang mga polyps ay kadalasang kamukha ng maliliit na bukol, katulad ng isang kabute na parang may leeg at ulo. Ang leeg ay siyang nagkakabit ng polyp sa sapin ng bituka. Maaari itong tumubo nang mahabang panahon bago kumalat sa ibang mga bahagi ng katawan (metastasis) sa pamamagitan ng dugo at sistemang limpatika. Ito ang dahilan kaya dapat maagang matuklasan ang kanser sa bituka para sa mas malaking pagkakataon (90%) na magamot ito.

Ang kanser sa bituka ay maaaring mangyari sa anumang edad, ngunit ang panganib ay mas malaki kung lampas na sa limampung taon ang edad. Ang panganib na magkaroon ng kanser sa bituka ay nadadagdagan din kung: may kasaysayan sa pamilya kaugnay sa kanser sa bituka; at nagkaroon ng malalang sakit na pamamaga sa bituka (ulcerative colitis or Crohn’s colitis) sa mahigit na walong taon; may karanasan sa polyps o adenomas; may hindi malusog na gawaing pamumuhay – kulang sa aktibong mga gawain at masamang pagkain; mataba o sobrang bigat; naninigarilyo o malakas uminom ng alak; at may Type II diyabetis.

Mga palatandaan ng kanser sa bituka

Hindi lahat ng mga uri ng kanser sa bituka ay nagpapakita ng mga palatandaan ngunit kailangang magpatingin sa doktor kung may napapansin alinman sa mga sumusunod:

  1. pagdurugo mula sa puwitan o anumang palatandaan ng dugo matapos dumumi;
  2. patuloy na pagbabago sa mga ugaling pagdumi gaya halimbawa, malambot o mas madalas na pagdumi, madalas na pagtitibi;
  3. pakiramdam na hindi lumalabas nang husto ang dumi;
  4. hindi maipaliwanag na kapaguran, kahinaan o kahirapan sa paghinga. Ang mga ito ay maaaring dahilan sa anemia na sanhi ng kawalan ng iron. Ang uri na ito ng anemia ay maaaring resulta ng kanser sa bituka;
  5. sakit sa tiyan;
  6. pagbaba ng timbang nang walang maliwanag na dahilan.

Kung may alinman sa mga palatandaang ito, magpatingin sa iyong doktor na magbibigay sa iyo ng reperal para sa anumang mga pagsusuri na maaari mong kailanganin.

Pagsusuri para sa kanser sa bituka:

  • Pisikal na pagsusuri na may kasamang pagsusuri sa tumbong kung saan ipinapasok ng doktor ang nilangisang daliring may guwantes sa tumbong upang kumapa ng mga bukol.
  • Faecal occult blood test (FOBT) o Hemoccult test  ay isang simpleng pagsusuri para sa maagang palatandaan ng kanser sa bituka. Nakapaloob dito ang pagkuha ng mga maliliit na sample mula sa dalawa o tatlong beses na pagdumi sa pamamagitan ng paggamit ng kit para sa pagsusuri. Ang mga sample ay kinokolekta sa bahay at pagkatapos ay ipinapadala sa isang laboratoryo upang masuri.

Ang FOBT ay ang paghahanap ng dugo sa pagdumi (ang dugong di maaaring makita ng iyong mga sariling mga mata). Ang dugo sa pagdumi ay maaaring sanhi ng isang polyp (tumutubo sa loob ng bituka na maaaring mauwi sa kanser) o isang kanser sa bituka na dumudugo o ng almoranas.

N.B: Ang mga lalaki at babaeng lampas sa limampung taon ang edad ay dapat magkaroon ng FOBT tuwing ikalawang taon.

  • Sigmoidoscopy kung saan ang isang manipis at nababaluktot na tubo ay ipinapasok sa tumbong upang makita ng doktor ang ibabang bahagi ng malaking bituka.
  • Colonoscopy kung saan ang isang manipis at nababaluktot na tubo ay ipinapasok sa tumbong upang makita ng doktor ang kabuuang haba ng malaking  bituka.
  • Biopsy ang pagtatanggal ng mga muwestra ng himaymay upang suriin.
  • Barium enema kung saan ang likidong barium at hangin ay inilalagay sa tumbong upang makita ang malaking bituka sa x-ray.
  • Pagsusuri sa dugo upang tingnan ang kawalan ng dugo at kung gaano kahusay ang paggana ng atay.

Kapag nakakita ng tumor, maaaring mag-utos ang doktor ng mga x-ray, CT scan at iba pang mga uri ng pagsusuri ng dugo, upang malaman kung kumalat na ang kanser sa ibang mga bahagi ng katawan.

Mga lunas pagkatapos ng iyong pagsusuri:

  • Operasyong upang tanggalin ang tumor. Ang uri ng operasyon ay batay sa kinalalagyan at laki ng tumor. Karaniwang tinatanggal ang bahagi ng malaking bitukang may kanser.
  • Radiation Therapy upang pigilan o pabagalin ang pagtubo ng kanser. Ito ay karaniwang ginagamit pagkatapos ng operasyon upang sirain ang mga naiwang mga selula ng kanser.
  • Mga gamot ng Chemotherapy upang patayin ang mga selula ng kanser. Ang mga gamot na ito ay iniinom, iniiniksyon sa kalamnan o ugat, o diretso sa apektadong organo upang gamutin ang kanser.
  • Immunotherapy na tinatawag din na biotherapy. Ang lunas na ito ay ang paggamit ng natural substances gawa ng immune system ng katawan. Pinapatay nito ang mga selula ng kanser, pinapabagal ang kanilang paglaki o tinutulungan ang immune system na labanan ang kanser sa mas mabuting paraan at upang mabawasan ang mga masamang epekto ng ibang mga lunas ng kanser.

Makakatulong na mabawasan ang panganib sa kanser sa bituka sa pamamagitan ng: i) diyetang may pampalusog na pagkain, kabilang ang maraming gulay at prutas at kaunti lamang na taba mula sa hayop; ii) pagpapanatili ng malusog na timbang ng katawan; iii) pag-eehersisyo ng palagian; at iv) hindi paninigarilyo.

Sa pamamagitan ng pagsunod sa payong ito, hindi nangangahulugan na hindi ka kailanman magkaroon ng kanser sa bituka, ngunit maaari nitong mabawasan ang panganib.

 

Gabay Kalusugan – FNA Rome

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 1]

Ako Ay Pilipino

Tips para sa mga nais magbakasyon sa Pilipinas ngayong Pasko

Ang paglilibing ng Panitikan Pilipino sa Kolehiyo