Wastong nutrisyon ang kailangan, para maiwasan ang mga lifestyle diseases.
Sa nakaraang 50 taon, maraming pagbabago sa alimentasyon ng mga tao lalo na dito sa Italya. Ang tinatawag na diyetang Mediterranea ay napalitan na ng mga pagkaing matataba, malalangis at matatamis na nakakain sa mga fastfood chains. Dahil sa pagbago ng uri ng pagkain at ng estilo ng buhay, ay nagdulot ng negatibong epekto sa kalusugan ng mga mamamayan. Tumaas ang bilang ng mga maysakit sa diyabetes, ipertensyon, kanser, sakit sa puso, sakit sa baga, sakit sa bato, at katabaan.
Wastong nutrisyon ang kailangan, para maiwasan ang mga lifestyle diseases. Ang lifestyle diseases o Non-communicable diseases (NCDs) ay tinatawag ding behavioral diseases sa kadahilanang ito ay may kaugnayan kung paano tayo namumuhay. Ang akala ng marami ito ay sakit ng mayaman o matatanda lamang. Ang pagkakaroon ng lifestyle diseases ay nagsisimula sa sinapupunan pa lamang (pagbubuntis) at ito ay maaaring magpatuloy hanggang sa pagtanda kung hindi ito matugunan. Ito ay mga karamdamang hindi naman nakakahawa, pero bunga ito ng kapabayaan ng tao patungkol sa nutrisyon. Ito rin ay dulot ng paninigarilyo, sobrang pag-inom ng alak, kakulangan sa ehersisyo, stress, pagiging mataba, maling diyeta, at pagkain sa sobrang matatamis, maaalat at malalangis.
Kabilang sa lifestyle diseases ang diyabetes, ipertensyon, sakit sa puso, sakit sa bato, sakit sa baga,kanser, at katabaan.
Ang Diyabetes ay isang kundisyon kung saan bumababa ang abilidad o kakayahan ng body tissues na pangalagaan at gamitin ang sustansiyang nagdudulot ng lakas at enerhiya sa katawan. Kaya naman tumataas ang lebel o dami o konsentrasyon ng glucose o asukal sa dugo at maaaaring magdulot ito ng sakit sa puso at bato, pagkabulag, atbp. Sa pagiging sedentaryo, mataba at malakas sa pagkain ang sanhi ng diyabetes. Kaya kailangan ng balanseng pagkain, pag-eehersisyo, positibong pananaw sa buhay at pagkain ng sapat lang na asukal.
Ang presyon ng dugo ay tumutukoy sa lakas at bilis ng pagdaloy ng dugo sa mga ugat. Kapag ang presyon ng dugo ay mataas sa normal (120/80 mmHg), ito ay tinatawag na ‘high blood’ o Altapresyon. Tinatawag din itong ‘silent killer’ sa kadahilanang marami ang mayroon nito subalit hindi nila alam. Ang mataas na presyon sa dugo ay maaaring magdulot ng sakit sa bato, atake sa puso, stroke at pagkabulag. Makakaramdam ng sakit ng ulo sa bandang batok, pagkahilo, mabilis na tibok ng puso at paninikip ng dibdib. Iwasan ang mga maaalat na pagkain. Ang asin ay nag-iipon ng tubig sa katawan na nagdudulot ng altapresyon.
Ang sakit sa puso o Cardio Vascular Diseases (CVD) ay maaaring mangyari sa taong mataas ang Kolesterol sa dugo sapagkat ang kolesterol ay siyang bumabara sa ating mga ugat at pinipigilan ang pagdaloy ng dugo at Oxygen sa ating katawan. Ito ang sanhi ng atake sa puso at stroke. Makakaramdam ng pananakit at paninikip ng dibdib, ang pagkakapos ng hininga, kawalan ng pakiramdam sa mga kamay at paa, ang pananakit ng leeg, ng sikmura, o di kaya pananakit ng likod. Ang pagkain ng maaalat at matataba ay nakakabara sa mga ugat. Ang pag-eehersisyo ay makakatulong makapagpababa ang lebel ng kolesterol sa dugo. Sa kadahilanang ang pag-eehersisyo ay napapabilis nito ang tibok ng puso, napapalaki nito ang daluyan ng dugo, at napapalakas nito ang bugso ng dugo na maaaring makatanggal ng kolesterol na bumabara sa ating mga ugat.
Ang kanser na kilala sa palagamutan bilang ‘malignanteng neoplasma’ o ang bukol na na-diagnose nang malignant o cancerous, ay isang malawak na pangkat ng iba’t ibang mga sakit na lahat ay sumasangkot sa hindi na regular na paglago ng selula. Ang selula ay nahahati at lumalago ng walang kontrol. Maaari ring kumalat at tinatawag na metastasis sa pamamagitan ng sistemang limpatiko o daloy ng dugo. Ang diyeta, kawalan ng gawaing pisikal at obesidad ay kaugnay ng tinatayang mga 30-35% ng kamatayan sa kanser. Ang mga diyetang mababa sa gulay, prutas, at buong butil, at ang mga mataas sa prinoseso o pulang mga karne ay naiuugnay sa bilang ng mga may kanser. Ang diyetang may mataas na bilang ng asin ay naiuugnay sa kanser sa tiyan.
Ang katabaan o obesidad ay isang kundisyong medikal na nangangahulugang sobra sa taba ang isang tao. Ang katabaan ay iba sa overweight o sobrang timbang. Di nangangahulugang ang obese ang taong sobra sa timbang bagamat ang karaniwang kaso ng overweight ay matatawag na pre-obese o malapit na sa estado ng katabaan. Ayon sa statistics, mayroong halos 300 milyong taong obese sa buong mundo. Ang pinakaugat ng katabaan ay ang imbalance ng nakokunsumo at ginagamit na calories. Ibig sabihin, kapag mas maraming calories ang ikinokunsumo kaysa ginagamit, maaaring maging obese ang isang tao. Ang imbalance na ito ay sanhi ng kawalan ng mga pisikal na gawain dulot ng urbanidad at modernong pamumuhay. Ang pagkakaroon ng hindi tamang diyeta, gaya ng diyetang mataas sa fat at sugar, ay nagdudulot din ng katabaan.
Sadyang nakakaalarma ang mga sakit na ito dahil sa simpleng lifestyle ay maaaring humantong sa chronic diseases. Ayon sa WHO, 9 milyon sa naitalang 36 milyong namatay kada taon bago makatuntong sa edad na 60 ay dahil sa lifestyle diseases. Sa kadahilanang tumaas ang ating konsumo sa karne, manok at kauri nito; asukal at matatamis na pagkain; maaalat na pagkain; mamantika at matataba na pagkain. Bumaba ang konsumo ng gulay, prutas, at ibang fiber-rich na pagkain. Sa kadahilanang nagbago ang ating diet pattern dahil mas madalas kumain sa labas, dahil sa information technology, impluwensiya ng mass media, urbanisasyon at globalisasyon, at dahil sa pagmahal ng mga bilihing produktong lokal dahil sa trade liberalization. Gayunpaman, maaaring masolusyunan ang pagkalat ng lifestyle diseases sa pamamagitan ng wastong nutrisyon.
Para mapanatili ang wastong nutrisyon at makaiwas sa lifestyle diseases ay kumain ng sapat at hindi sobra para tama ang timbang; siguraduhing laging balanse ang kinakain sa pangangailangan ng katawan na dapat binubuo ng carbohydrates, proteins, fats, vitamins at minerals; iwasan ang mga karneng matataba, mamantikang ulam at pagkaing may trans-fat; dagdagan ang pagkonsumo ng gulay at prutas na nagtataglay ng sustansiya at phytochemicals na nagpapababa ng blood pressure at panlaban sa kanser at CVD; umiwas sa mga inumin at pagkaing matatamis (hindi masama ang kumain ng ice cream paminsan-minsan, tandaan: lahat ng sobra ay masama!); umiwas sa maaalat na pagkain ngunit gumamit ng Iodized salt; basahin ang mga nutrition label at nutritional value ng mga binibiling pagkain; umiwas sa alak at paninigarilyo na nagpapalala sa mga sakit; mag-ehersisyo limang beses sa isang linggo (30 minuto o higit pa kada araw) o sumali sa mga wellness program; kung maaari ay magtanim ng gulay at prutas para sa kaaya-ayang kapaligiran; at iwasan ang stress.
Sa pamamagitan ng mga simpleng pamamaraan na ito ay matatamo natin ang malusog na pangangatawan na malayo sa banta ng lifestyle diseases. Nasa ating mga kamay ang pagpili ng ating ikabubuti o ikakasama. Tayo mismo ang dahilan at tayo mismo ang magiging solusyon. Kaya simulan nating labanan ang lifestyle diseases. Simulan natin sa ating sarili. Simulan natin sa wastong nutrisyon.
ni: Loralaine J. Ragunjan – FNA-Rome Foundress
Sources: www.salute.gov.it , www.nscb.gov.ph, www.wordpress.com, www.wikipilipinas.org