in

MGA DAPAT MALAMAN TUNGKOL SA LOW BLOOD PRESSURE O HYPOTENSION

Ang presyon ng dugo ay ang puwersa ng dugo na tumutulak sa mga pangunahing ugat ng katawan habang ibinubuga ito ng puso. Ang puwersa na ito ay nananatiling pareho sa buong magdamag. Ito ay maaaring magbago upang makamtan ang pangangailangan ng katawan at apektado ng samu’t saring aspeto gaya ng posisyon ng katawan, paghinga, estadong emosyonal, ehersisyo at pagtulog.

Ang presyon ng dugo ay sinusukat bilang systolic pressure at diastolic pressure gamit ang sphygmomanometer at stethoscope. Ang systolic pressure ay ang presyon ng dugo kapag ang puso ay tumitibok habang nagbubuga ng dugo. Ang diastolic pressure ay ang presyon ng dugo habang ang puso ay nagpapahinga sa pagitan ng mga tibok nito.

Ang normal na presyon ng dugo sa karamihan ng mga taong edad 18 pataas ay 120/80 mmHg. Mas madalas na nabibigyan ng atensyon ang numero na nasa itaas o ang systolic pressure bilang isang malaking aspeto sa mga karamdamang may kinalaman sa sistemang sirkulatoryo lalong lalo na sa mga taong may edad na lampas sa 50 taong gulang.

Ang hypotension ay minsan tinatawag na mababang presyon ng dugo. Ito ang kondisyon  kung saan ang presyon ng dugo na umiikot sa buong katawan ay mas mahina kumpara sa normal, o mas mababa pa sa inaasahan. Ibig sabihin nito mahina ang pagdaloy ng dugo. Masasabing low blood pressure kapag ang nakuhang sukat na presyon ng dugo ay umaabot na ng 90/60 mmHg.  Kadalasan, ang mga kaso ng low blood pressure ay nakapagdudulot lamang ng mga simpleng sintomas gaya ng pagkahilo at pagkahimatay.  Maaari ring makaranas ng panlalabo ng paningin, kawalan ng konsentrasyon, masamang tiyan, panghihina ng kalamnan, panliliyo, pamumutla, panlalamig ng balat, mabilis at mahina na pulso, hinihingal, pagkapagod, masakit na ulo,  depresyon at pagkauhaw.

Ang low blood pressure, kung walang kasamang mga sintomas ay maaaring isang tanda ng malusog na puso at katawan. Natural ang low blood pressure sa mga taong atleta o mahilig mag-exercise. Ngunit ang lahat ng tao ay maaaring makaranas ng mababang presyon ng dugo. Maaaring mas mapadalas sa mga taong may edad 65 pataas. Ang pagbagsak ng presyon ng dugo ay maaaring dulot ng isang kondisyon o mga sakit. Tulad ng pagbubuntis, kondisyon o sakit sa puso, mahinang pagbomba ng puso, dilated o lumawak na mga ugat, mga sirang balbula ng puso, Parkinson’s disease, kondisyon o sakit sa mga glandula ng katawan gaya ng thyroid at adrenal glands, mababang asukal sa dugo o hypoglycemia, diyabetis, mababang tubig sa katawan o dehydration, sobrang mainit na tubig o sauna, sunstroke, biglang emotional shock, pagkawala o pagkabawas  ng dugo, matinding impeksiyon sa katawan, matinding allergy o anaphylaxis, kakulangan ng sustansiya sa katawan gaya ng Vitamin B-12 at Folate at pag-inom ng mga gamot gaya ng Diuretics, Alpha blockers, Beta blockers at mga antidepressants.

Ang biglang pagbagsak ng presyon sa dugo ay maaaring nakamamatay dahil maaaring ito ay sanhi ng hemorrhage o internal bleeding, severe allergic reaction, mababa o sobrang taas na body temperature, heart attack o impeksiyon sa dugo o sepsis. Nararapat na magpatingin kaagad sa doctor.

Ang pagkakaranas ng low blood pressure ay maaari ring mahati sa ilang uri. Orthostatic o Postural hypotension. Ito ang pagbagsak ng presyon ng dugo dahil sa biglaang pagtayo mula sa pagkakahiga o pagkakaupo. Nararanasan ang pagbagsak ng presyon kapag pumalya ang katawan sa pagsasaayos ng daloy ng dugo na biglaang nagbago dahil sa pwersa ng gravity. Ito ay lalong madalas sa mga matatanda, sa mga taong nagbubuntis, umiinom ng gamot na pampababa ng presyon, may sakit sa puso, at may diyabetis.

Postprandial hypotension. Ito ang pagbagsak ng presyon ng dugo na nararanasan pagkatapos kumain. Pagkatapos kumain, ang dugo ay pumupunta sa paligid ng bituka upang masimulan nag proseso ng pasipsip ng sustansiya, at dahil dito, isinasaayos ng katawan ang presyon ng dugo upang makadaloy pa rin sa ibang bahagi ng katawan. Kapag pumalya ang katawan sa pagsasaayos ng presyon, maaaring makaranas ng pagbagsak ng presyon ng dugo.

Neurally mediated hypotension. Ito ang pagbagsak ng presyon ng dugo kapag nanatiling nakatayo sa matagal na panahon. Kinakailangan  muling isaayos ng katawan ang presyon ng dugo kung nakatayo ng matagal sapagkat nahihirapan ang katawan na maiakyat sa utak ang dugo dahil din sa pwersa ng gravity. Minsan maaaring malito ang nerves sa puso at isiping nakararanas ng altapresyon kung kaya’t lalong bumabagsak ang presyon ng dugo.

Ang pagkuha ng presyon ng dugo kahit habang nasa loob ng tahanan ay mahalaga sa maraming tao. Nakakatulong ito sa pasyente at sa doctor na mapag-aralan ang presyon ng dugo ng pasyente at kung ano ang mga nararapat na paggamot ang kailangang gawin. Dahil ang pagkakaroon ng low blood pressure ay nagdudulot lamang ng mga simple at panandaliang pagkahilo at iba pang mga sintomas , kadalasan ay isinasawalang-bahala at bibihirang gamitan ng gamot.

Ngunit kung ang mga sintomas na nararanasan ay nagiging sagabal na sa pang-araw-araw na gawain, makabubuting bigyan na ito ng pansin. Tulad  ng pagdagdag ng asin sa pagkain. Ang asin ay nakapagpapataas ng presyon ng dugo kung kaya makakatulong na dagdagan ang alat ng mga pagkain. Pag-inom ng tubig. Ang pagdaragdag ng tubig sa katawan ay makapagpaparami rin ng dami ng dugo. Pag-inom ng gamot. Ang mga gamot na fludrocortisones at midodrine ay makatutulong sa pagpapataas ng presyon ng dugo. Pagkain ng masustansiya, pag-ehersisyo ng regular, tamang pahinga o sapat na oras ng pagtulog at pag-iwas sa paninigarilyo ay makakatulong mapanatili ang normal na blood pressure.

ni: Loralaine R. – FNA-Rome

Sources: www.health.wikipilipinas.org, www.kalusugan.ph, www.designink.info

Click to rate this post!
[Total: 2 Average: 4]

Paano at kailan matatanggap ng mga colf ang maternity leave at allowance?

€ 6,000 bonus mula sa EU, para sa bawat masasalba na migrante