Itinala ng WHO (World Health Organization) na ang MERS-CoV ay isang: “THREAT TO THE ENTIRE WORLD” (www.cnn.com).
Ano ang MERS-CoV? Ang MERS-CoV o Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus ay isang viral na sakit sa paghinga na nakakamatay sa loob ng sampung (10) araw o mahigit mula sa pagkahawa sa sakit na ito (www.who.int). Ang MERS ay tinatawag din na ‘Novel Coronavirus’. Ito ay isang beta na coronavirus. Ito ay unang iniulat noong 2012 sa Saudi Arabia. Kakaiba ang virus na ito dahil bago pa lang na natagpuan at hindi pa nangyari sa mga tao noon kaya pinag-aaralan pa ng mga dalubhasa (CDC) ang tungkol sa MERS at ang lunas sa sakit na ito.
Ang coronavirus ay hango sa salitang Latino ‘Corona’ na ang ibig sabihin ay korona at dahil din sa itsura nito na parang hubog ng araw. Ang coronavirus ay unang natuklasan noong 1960s sa isang pasyente na may sipon (human coronavirus). Naaapektuhan ang upper respiratory at gastrointestinal tract.
Ang MERS-CoV ay hindi katulad ng SARS virus (Severe Acute Respiratory Syndrome) noong 2003. Gayunpaman, tulad ng SARS virus, ang MERS-CoV ay pinaka-katulad sa coronaviruses na matagpuan sa mga paniki o bats. At ayon sa pag-aaral, iniuugnay at maaaring pinagmulan din ng MERS-CoV ay mga hayup tulad ng kamelyo.
Mga bansang nakumpirmang apektado sa MERS-CoV mula pa noong April 2012 hanggang sa ngayon ay ang mga bansa ng Arabian Peninsula (Jordan, Kuwait, Oman, Yemen, Qatar, Lebanon, UAE at Saudi Arabia), United Kingdom, France, Italy, Netherlands, Greece, Egypt, Tunisia, Malaysia, Philippines at USA. Ayon sa WHO, 238 ang kumpirmadong kaso ng MERS sa buong mundo at 92 na ang namamatay mula noong September 2012.
Karamihan sa mga tao na nahawaan ng MERS-CoV ay may mga sintomas ng mataas na lagnat, ubo na maaaring humantong sa pulmonya, mahirap at maigsing paghinga o shortness of breath, at pagtatae. At kung mahina ang resistensiya, maaaring magpakita ng iba pang kakaibang sintomas tulad ng sakit sa bato. Halos kalahati ng mga apektado ay namamatay. Ang ilang mga tao ay iniulat na nagkaroon ng banayad na respiratory illness lamang. Wala pang gamot o bakuna laban sa MERS-CoV. Patuloy pang nag-iimbento ang mga dalubhasa ng vaccine laban sa sakit na ito. Ang supportive na medikal na pag-aalaga ay makakatulong sa pagbawas ng mga sintomas.
Ang MERS-CoV ay sinasabing nagkakahawaan kung ang isang tao ay may close o malapitang contact sa isang biktima ng MERS. Halos ang naglalabasang balita ay ang mga healthcare personnel, kamag-anak at iba pa ay nahawa ng apektadong pasyente na may MERS sa pamamagitan ng hangin sa respiratory droplets o mga pagbahing at pag-ubo ng isang apektado na maaaring nalanghap ng isang tao.
Nakakabahala ang MERS-CoV. Karamihan sa mga tao na napatunayang may MERS at may impeksiyon ay may malubhang karamdaman sa paghinga. Posibleng kumalat ito sa maraming tao at mga bansa. Kaya ibayong pag-iingat para sa mga OFW na nasa Middle East lalo na sa mga nagtratrabaho sa hospitals.
Ang WHO at ang CDC (Center for Disease Control) ay hindi pa nagbibigay ng travel advisory sa anumang bansa na may kaugnayan sa MERS-CoV, kaya maaari pa ring maglakbay o mag-apply ng trabaho sa mga bansa ng Middle East o kalapit na mga bansa kung saan naganap ang mga kaso ng MERS. Kailangan lamang ang ibayong pag-iingat tulad ng paghuhugas ng kamay at pag-iwas ng contact sa mga taong may sakit. Mas makakasegurado kung may mask na suot sa matataong lugar.
Ayon sa NIC-ISS (National Influenza Centre at the Istituto Superiore Sanità) sa Roma, ay kumpirmadong nagkaroon ng unang impeksiyon ng MERS-CoV sa isang babaeng pasyente, 45 taong gulang, mula sa Florence (Tuscany Region), Italy na nagbakasyon sa Amman, Jordan (www.eurosurveillance.com).
Sa pamamagitan ng laboratory test ng PCR (Polymerase Chain Reaction) malalaman kung apektado sa sakit na ito. Sa malalang situwasyon gaya ng pulmonya, ay isinasagawa ang Chest X-ray. Kailangan komunsulta agad sa doctor para mabigyang lunas ang mga sintomas dulot ng virus na ito.
Pinapayuhan ang mga tao na sundin ang mga sumusunod upang maiwasan ang sakit na MERS-CoV. i) Hugasan ang iyong mga kamay ng mas madalas na may sabon at tubig ng 20 segundo, at gawin din sa mga bata. Kung walang sabon at tubig, gumamit ng sanitizer o alcohol para malinisan ang kamay at mapatay ang mikrobyo. ii)Takpan ang iyong ilong at bibig ng tissue kapag ikaw ay umuubo o nababahin at pagkatapos ay itapon ang tissue sa basurahan. Iwasang bumahing sa dalawang kamay. Bumahing sa braso o siko para di malagyan ng virus ang kamay. iii) Iwasan ang pagkakalikot o pagkukusot ng iyong mga mata, ilong at bibig dahil naililipat ng mga maduduming kamay ang virus papasok sa ating katawan. iv) Iwasan ang malapitang contact, gaya ng halik, isahang paggamit ng baso, o pagshe-share ng mga gamit sa pagkain at utensils lalo na sa may sakit na tao.v) Maglinis at mag-disinfect ng madalas sa mga hinahawakang bagay tulad ng mga laruan at doorknobs, elevators at pampublikong sasakyan o taxi. vi) Magsuot ng mask kung kinakailangan lalo na sa matataong lugar at pampublikong mga lugar kagaya ng malls, groceries, buses, airports at hospitals. vii) Iwasang makihalubilo sa mga taong may sakit na sipon, ubo, lagnat at flu-like symptoms. viii) Uminom ng maraming tubig at ng mga pampalakas ng katawan at resistensiya tulad ng Vitamins, kumain ng mga masustansiyang pagkain at mga prutas na mayaman sa Vitamin C at gulay. ix) Iwasang magpuyat. Matulog ng hanggang 8 oras. Magbigay ng sapat na pahinga sa katawan para lumakas ang resistensiya sa virus. x) Mag-ehersisyo.
GABAY KALUSUGAN HANDOG NG FNA-ROME
ni: Loralaine R. – FNA Rome
Sources: www.cdc.gov, www.dole.gov.ph, www.buhayofw.com, www.pinoyblogawards.com