Sinasabing ang ating mga mata ang salamin ng ating kaluluwa. Makikita sa ating mga mata kung ano ang ating nararamdaman. Kalusugan, sigla o kaligayahan ng isang tao ay makikita sa hitsura ng kaniyang mga mata.
Ang sistemang biswal ay ang bahagi ng sistemang nerbiyos na nagpapahintulot sa mga organismo upang makakita, makatingin o makatanaw. Ipinapaunawa nito ang kabatiran mula sa nakikitang liwanag upang makabuo ng representasyon o kinatawan ng mundong nakapaligid sa katawan. May masalimuot na tungkulin ang sistemang ito na buuin o muling buuin ang mundong may tatlong dimensiyon mula sa isang pagpapakita o proyeksiyong may dalawang dimensiyon ng mundong ito. Tinatawag na persepsiyong biswal ang sikolohikal na manipestasyon ng kabatiran o impormasyong biswal.
Ang mga mata ang organo ng paningin na nakadarama ng liwanag at kadiliman sa kapaligiran. Kinikilala nito ang kaibhan ng mga kulay at hugis ng mga bagay sa kapaligiran. Ito ay isang ‘kamera’ na napakahusay at kusang nagpopokus anupat naghahatid ng mga impulso sa utak, kung saan ang bagay na nakapokus sa retina ng mata ay binibigyang-kahulugan bilang isang bagay na nakikita. Anupat malaki ang impluwensiya nito sa mga emosyon at mga pagkilos.
Ang mga mata ang isa sa pinakamahalagang parte ng katawan ng isang tao. Araw-araw natin itong ginagamit sa mga gawaing-bahay at maging sa trabaho. Kaya importanteng huwag abusuhin ang paggamit dito. Huwag balewalain ang pangangalaga sa iyong mata.
Tuwing tag-init, napapadalas ang pagka-expose natin sa araw. Ang Ultra Violet rays ay hindi nakikita o nararamdaman pero nakakapinsala ito sa balat at sa mga mata anuman ang kapanahunan ng taon—kahit sa mga araw na malamig o kulimlim. Ang pagkahantad sa UV rays ay maaaring magdulot ng matinding pagkasira sa ating mga mata, tulad ng katarata. Isang karamdaman na ang lente ng mga mata ay nawawalan ng kinang na nagreresulta sa pagkasira ng paningin. Mga palatandaan: malabo o kulimlim na paningin, mga kulay na mukhang kumupas, ang ilaw ay masyadong matindi ang liwanag, nabawasang paningin sa gabi, at dobleng paningin.
Kaugnay-ng-edad na paghina ng mata (Age-related Macular Degeneration). Ito ay isang sakit na nakakaapekto sa macula (ang bahagi ng mata na hinahayaan kayong makita ang mga detalye ng isang bagay). Mga palatandaan: malabong sentral na paningin, problema sa pagkilala sa mga mukha, at ang pangangailangan ng karagdagang ilaw kapag nagbabasa. Ang radiation ng araw ay may kinalaman sa pagkabuo ng AMD. Ito ay nagaganap sa dalawang anyo – basa at tuyo. Madalas natatagpuan sa mga taong may edad na higit sa 55. Ang tuyong uri ay nabubuo unti-unti at nagreresulta sa malabong sentral na paningin. Ang basang uri ay mabilis mabuo at nagreresulta sa mas malaking pagkawala ng paningin. Hindi nagagamot ang macular degeneration. Gayunman, kung maaga itong matuklasan at malapatan ng lunas, ay maiiwasan ang mas matinding pinsala.
Ang pinsala sa mga mata na may kaugnayan sa UV rays ay maaaring pigilan upang protektahan ang inyong mga mata, gumamit ng salamin na humaharang sa 90-100% sa UV-A at UV-B rays. Polarized na salamin ay makakabawas sa nakakasilaw na liwanag habang nagmamaneho. Mayroong mga contact lenses na may UV protection pero mas mainam pa ring gumamit ng sunglasses para sa mas protektadong mata. Ang nakabalot na salaming pang-araw ang pinakamabisa dahil hinaharangan nito ang araw na nagmumula sa tagiliran. Dagdag pa, payong o ang isang sombrerong malapad ay makakapagdulot din ng proteksiyon sa mata, at hinahadlangan ang pagpasok ng UV rays mula sa tagiliran o itaas ng salaming pang-araw.
Gumamit ng proteksiyon o safety eyewear habang nasa bahay, sa trabaho at iba pang pinagkakaabalahang gawaing maselan tulad ng welding, painting, sanding at woodworks. Kapag may mga bagay na nakapasok sa ating mata, kusa itong magluluha para mailabas ang puwing sa mata. May sariling mekanismo ang mata para mailabas ang puwing. Makakatulong din ang paghugas ng mata sa umaagos na tubig gripo. Huwag kuskusin ang mata at baka magasgas ang ating mata. Kapag hindi matanggal, komunsulta sa espesyalista ng mata o Emergency Room.
Pag-iingat sa nakakapinsalang kemikal o matatapang na sabon habang nasa bahay. Ilan sa mga ito ay ang ginagamit sa paglilinis ng ating CR o bathrooms. Bago gamitin ang isang kemikal ay basahin muna ang babala rito. Maaaring makakasama sa ilong at sa mata ang kemikal na ito.
Kapag palagi ka namang nasa air-conditioned room at nararamdaman mo ang panunuyo at pangangati ng mata dahil sa mababang humidity, patakan ng eyedrops ang mga mata para bumalik sa normal na kondisyon. Maaaring sa mga kababaihan ay nakakaranas ng tila panunuyot sa mga mata lalo na sa yugto ng menopause o kaya’y matapos ito. Bahagi na rin ito ng paghina ng natural tear production kapag nagkakaedad kaya mas madaling mairita o makaramdam ng panghahapdi. Ikunsulta sa eye specialist ang bagay na ito para mabigyang-lunas o mabigyan ng prescription ng epektibong eyedrops o supplement.
Tiyakin ang wastong paggamit ng liwanag kapag nagbabasa, nagluluto, nagko-computer o nanonood ng TV. Ipuwesto ang monitor ng computer na mas mababa sa lebel ng mata at dapat na 2-3 talampakan ang layo ng mata sa screen ng monitor. Iwasan ang matagal na panonood ng TV at pagko-computer. Maaaring makaranas ng pagkatuyo ang ating mga mata kapag matagal tayong nasa harap ng computer at tv screen. Maaari ring mapagod ang mga muscles ng mata. Pinakamabuti na tuwing ikalabin-limang minuto ay ipahinga ang mga mata o kaya ay tumingin sa mga halaman o sa asul na kalangitan. Maaari ring gumamit ng mga nirerekomendang anti-glare screen filter para maalalayan ang exposure sa sobrang tingkad na liwanag o mga kulay.
Huwag magbasa sa dilim. Ito ay nagiging dahilan ang pagka-pwersa ng mga mata. Kaya karaniwan sa mga nagbabasa sa dilim ay sumasakit ang ulo at nagreresulta sa parang pananakit na mga mata. May mga ilang simpleng paraan upang ma-relax ang ating mga mata. Ang pagkiskis ng ating mga palad at pagdampi nito sa ibabaw ng ating mga mata ay makatutulong na mapakalma ang mga tissues at makabawas sa pananakit ng mata. Maaari ring magpalamig ng kutsara sa refrigerator at saka ilagay sa ibabaw ng mga mata. Ang malamig na pakiramdam ay mainam upang pawiin ang pagod ng ating mga mata.
Ugaliin ang ehersisyo sa mga mata. Ang sunod-sunod na pagkurap (blink) ng sampung beses ay isang uri ng ehersisyo upang hindi masyado mapagod ang mga mata at pinapanatili nito ang pagiging basa nito. Isa ring ehersisyo sa mga mata ang pagtingin sa magagandang tanawin. Isang pananaliksik ang nagsabi na ang mga tao na nakatira sa kabundukan ang may pinakamalinaw na mga mata sa kabila ng kanilang katandaan dahil sa magagandang tanawin na kanilang nakikita sa kanilang kapaligiran.
Kumain ng tama para sa maayos na paningin. Ang pangangalaga sa mata ay nagsisimula sa iyong mga kinakain. Ayon sa mga pag-aaral ng mga dalubhasa na ang nutrients katulad ng Omega-3 fatty acids, lutein, zinc at Vitamin C at Z ay para maiwasan ang anumang sakit sa mata dulot ng katandaaan katulad ng macular degeneration at katarata. Ugaliin natin ang pagkain ng mga dilaw at berde na gulay at prutas gaya ng kalabasa, papaya, carrots, oranges at iba pa. Salmon, tuna at iba pang oily fish. Itlog, nuts, beans at iba pang non-meat na mayaman sa protina. Ang balanseng pagkain o healthy diet ay nakakatulong na mamentina ang tamang timbang upang makaiwas sa sobrang katabaan na nagreresulta sa Diyabetis. Ang mga taong may diyabetis ay may mataas na probabilidad na magkaroon ng retinopathy, isang sakit sa mata na sumisira sa retina at pwedeng ikabulag ng pasyente.
Kumunsulta agad sa manggagamot kapag nakaramdam ng kakaiba sa inyong mga mata tulad ng nanlalabo, namumula, sumasakit at nagkakaproblema kayo sa inyong pagtingin upang malapatan ng karampatang lunas. Kapag ang edad mo ay umabot na ng 40, ugaliing magpatingin sa Ophthalmologist dahil may mga sakit sa mata na walang sintomas sa umpisa. Sa ganitong paraan, maagap mong mamonitor o madi-detect kung may early signs of vision problems gaya ng katarata, glaucoma, optic nerve damage at iba pa. Kasama sa kabuuang eye check-up ay pagsailalim sa eyemuscle movements tests at retinoscopy para sa pag-trace ng astigmatism, nearsightedness o farsightedness.
Sikapin ang pagkakaroon ng malusog na pangangatawan. Tandaan na ang ating mga mata ay bahagi ng ating katawan. Kung ang isang tao ay may karamdaman ay maaari rin itong maapektuhan.
GABAY KALUSUGAN HANDOG NG FNA-ROME
ni: Loralaine R.
Sources: www.tl.wikipedia.org, www.prezi.com,
www.nepis.epa.gov, www.philstar.com,