Ang Pap Test ay ginagawa upang malaman ang kondisyon ng iyong cervix (puerta ng matris). Ito ay isang madali at magaang na pagsusuri na maaaring makatulong upang maiwasan ang kanser sa matris.
Ang Pap Test ay para sa mga babae at ginagawa upang malaman ang kondisyon ng cervix (puerta ng matris). Ang Pap Test ay isang madali at magaang na pagsusuri gamit ang cotton swab upang siyasatin kung mayroong mga di-pangkaraniwang pagbabago sa selula ng matris sa pamamagitan ng mikroskopyo. Kung ang mga pagbabagong ito ay makita at makontrol ng mas maaga, maaaring maiwasan ang higit sa 90 porsiyento ng pinakapangkaraniwang kanser sa matris.
Ang Pap Test ay bahagi ng pag-iingat sa kalusugan. Maaaring magka-kanser sa cervix at maaaring abutin ng ilang taon ang pagdevelop nito. Nag-uumpisa ang kanser sa mga maliliit na pagbabago. Maagang nahahanap ng regular na Pap Test ang mga nakakasamang pagbabago at maaaring gamutin ang mga pagbabagong ito.
Ang pinakatamang panahon para sa Pap Test ay kapag walang buwanang daloy o regla (menstrual period), kapag hindi nakipagtalik ng isang araw (24 oras), at kapag hindi naglagay ng kahit ano sa vagina, gaya ng foam o gamot ng dalawang araw (48 oras).
Kailangang magpa-Pap Test ang lahat ng mga babae oras na sila’y nag-umpisang makipagtalik (intercourse) at kailangang ituloy ito hanggang sa edad na 70 man lamang. Tumataas ang panganiban ng kanser sa cervix habang tumatanda. Kapag higit 50 taong gulang ay kailangan pa rin ng Pap Test : kung nakakaranas pa ng pakikipagtalik, kahit hindi na nakikipagtalik, kahit na nag-menopause na (wala nang pagdurugo mula sa buwanang pagregla), at kahit nagpa-hysterectomy na.
Mga di-pangkaraniwang resulta ng Pap Test
Ang di hindi maayos na Pap Test ay nangangahulugang ang mga kawani ng laboratoryo ay hindi nakita nang mabuti ang mga selula upang makapagbigay-ulat. Sa ganitong kaso, maaaring ulitin ang Pap Test.
Ang di-pangkaraniwang resulta ng Pap Test ay nangangahulugan na ilang selula ng matris ay may kaibahan sa ilang paraan sa mga karaniwang selula. Ang mga di-pangkaraniwang kalagayan ay maaring may mababang grado o mataas na grado.
Ang mababang grado ay maliit o di malubhang kalagayan at naglalaho sa paglipas ng panahon. Karamihan sa mga di-pangkaraniwang kalagayan ay dahil sa impeksiyon ng Human Papilloma Virus (HPV). 4 sa 5 babae ay malalantad sa HPV sa anumang pagkakataon sa kanilang buhay. Ang HPV ay maaaring mapasalin sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayang sekswal. Inaalis ng katawan ang buhay na virus sa loob ng isa o dalawang taon. Kapag ang ilang uri ng HPV ay nanatili ng ilang taon, mayroong karagdagang panganib ng kanser ng matris.
Kapag ang resulta ng inulit nang Pap Test ay di-pangkaraniwan, sasabihan ng doktor na sumangguni sa isang espesyalista para ma-eksamin sa colposcopy gamit ang instrumentong colposcope na nagbibigay ng isang malaking larawan ng matris upang suriin ang laki at uri ng di-pangkaraniwang kalagayan. Habang kayo ay sumasailalim ng colposcopy, maaaring kunin sa inyong katawan ang isang maliit na sampol ng tisyu (biopsy) at ipapadala sa laboratoryo upang masuri.
Ang mga di-pangkaraniwang kalagayan na may mataas na grado ay mas malubha ang pagbabago sa selula ng matris, na kapag napabayaan at hindi nagamot ay may mas malaking pagkakataon mauwi sa kanser sa matris na kadalasan ay umaabot ang pag-develop sa loob ng sampung taon.
Mayroong ilang pagpipiliang pamamaraan ng paggamot batay sa kalubhaan ng di-pangkaraniwang kalagayan. May iba’t ibang paraang ginagamit sa pagtanggal ng mga di-pangkaraniwang selula sa matris, at karamihan nito ay kailangan lamang ng isang araw na pagtigil sa ospital.
Loralaine R.
Ang aming inilalathala ay sadyang gabay lamang. Importante pa rin ang pagsadya sa doktor o espesyalista na maari pang magbigay ng iba pang mga tagubilin ayon sa mga pangangailangan ng bawat pasyente. Sila rin ang makakapagbigay-linaw kung mayroon pa kayong mga katanungan o pag-aalala tungkol sa inyong kalusugan.