in

MGA DAPAT MALAMAN TUNGKOL SA PNEUMONIA o ‘PULMONYA’

Alam ba ninyo na ang pneumonia ang kinikilalalang numero unong silent killer ng mga bata? Ito ay ayon mismo sa World Health Organization o WHO na kumumpirma na ang pneumonia ay ang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga bata sa buong mundo. Tinataya nila na mayroong higit kumulang na 150 milyong insidente ng sakit na ito sa mga kabataan.

Ano nga ba ang pneumonia? Ito rin ang madalas na tinatawag na pulmonya sa Pilipinas. Ayon sa United Nations International Children’s Emergency Fund o UNICEF – isang ahensya ng United Nations na nangagasiwa ng mga programang pangedukasyon at pangkalusugan sa mga kabataan at mga nanay sa developing countries, mas marami ang naging biktima ng pulmonya o pneumonia sa buong mundo kumpara sa pinagsamasamang bilang ng naging biktima ng AIDS, Malaria, at Measles. Mahigit sa dalawang milyong bata raw ang namamatay sa sakit na ito taon-taon. Ngunit pakiramdam ng international organizations, kulang raw ang atensyon at interes sa sakit na ito kaya marami pa ring nabibiktima dito.

Ang pneumonia o pulmonya ay isang preventable (naiiwasan) at treatable (nagagamot) na sakit. Ito ay tumutukoy sa kondisyon na may impeksyon sa baga o parte ng respiratory system na dala ng bacteria, virus, fungi o parasites o pagpasok ng tinatawag na irritants sa baga tulad ng kemikal, pagkain o alikabok na siyang nagigiging dahilan ng pamamaga ng sistemang ito. Ang pneumonia o pulmonya ay karaniwang nagsisimula kapag ang isang tao ay huminga ng mikrobyo sa kanyang mga baga.

Maaari ring tumaas ang tsansa na makakuha ng sakit na ito pagkatapos ng pagkakaroon ng isang trangkaso (flu). Malaki rin ang tsansa na magkasakit ng pneumonia ang mga taong mayroon nang pangmatagalang sakit tulad ng hika, sakit sa puso, kanser o diabetes.

Mga sintomas:Ang ilan sa mga karaniwang sintomas ng pneumonia ay ang sumusunod: Pag ubo na may halong uhog o dura (plema) mula sa baga na maaring kalawangin o berde o may bahid ng dugo ang kulay; mataas na lagnat; mabilis na paghinga at pakiramdam na pagkapos ng hininga; malubhang panginginig na may kasamang pangangatal ng mga ngipin na maaring minsan lamang mangyari o mas madalas; bahagyang pagkulay asul ng labi at mga kuko; mabilis na pagtibok ng puso; pananakit ng dibdib na lumalala tuwing ikaw ay nauubo o humihinga; mabilis na pagtibok ng puso; pakiramdam na sobrang pagod o panghihina; pagduduwal at pagsusuka; madalas na pagdudumi.

Minsan naiiba naman ang mga sintomas na mararanasan ng nakakatanda o di sadyang mas menos sa mararanasan ng mga bata. Puwedeng hindi sila lagnatin. Maari ring meron silang ubo na hirap ilabas ang uhog o idura. Ang pangunahing senyales ng sakit na ito sa mga nakakatanda ay biglang pagbabago sa pagiisip nila o may halong pagkalito o pagkahibang.

Paano ka makakasiguro o matutuklasan na may sakit ka nang pneumonia? Magpasuri at kumunsulta sa inyong doktor. Maaring magtanong ito ng tungkol sa inyong mga sintomas at, base dito, ay maaring magutos ng chest x-ray at blood test o di kaya’y mucus test mula sa baga upang makumpirma kung bacteria ang kadahilanan ng pulmonya. Kung ang dahilan ng pneumonia ay bacterial, bibigyan kayo ng doktor ng antibiotics na kadalasan ay sumusugpo sa bacteria. Tulad ng madalas naming paalala, tandaan lamang na importante na ang antibiotics ay ginagamit ng tama at alinsunod sa utos ng doktor. Kailangan ubusin ang buong reseta na antibiotics at hindi itinitigil ang paginom nito kung sakaling gumaganda na ang pakiramdam pagkatapos lamang ng ilang araw na paginom nito. Ang maaring pang gawin ng isang may sakit na pulmonya ay ang labis na pamamahinga, pagtulog at paginom ng maraming likido. Ipinagbabawal ang paninigarilyo o ang paglanghap ng usok nito.

Pagiwas: Maaring makatulong sa pagiwas sa sakit nito ang pagkuha ng pneumococcal vaccine lalo pa kung ikaw ay higit sa edad na 65, naninigarilyo o di kaya’y may sakit sa puso o sa baga. Sinasabing hindi garantisado na di ka magkakasakit ng pneumonia kung may vaccine na ito ngunit kung sakali nama’y di kasing lubha ang magiging sintomas. Maari ring makatulong ang Influenza vaccine. At tulad ng madalas naming pinapayo, importanteng makipagugnayan kayo sa inyong mga duktor tungkol dito.

Maari ring umiwas sa pagkakaroon ng pulmonya kung iiwasan ang mga taong may trangkaso, sipon, measles o chickenpox dahil maari kayong magkapulmonya pagkatapos magkasakit nito. Inaabiso rin ang madalas na paghugas ng mga kamay, gamit ang sabon, upang mapigilan ang pagkalat ng virus at bacteria na nagdudulot ng pneumonia, gayundin ang paghugas ng maayos ng mga kasangkapang ginamit sa pagluluto at pagkain. Ipinapayo rin ang healthy living tulad ng pag-eehersisyo, pagtigil sa paninigarilyo at labis na paginom, at ang pagkain at pagtulog ng tama. (FNA-Rome)

Click to rate this post!
[Total: 2 Average: 5]

Ilang Pilipinong sangkot sa paggamit at pagbebenta ng bawal na gamot sa Milano, arestado

Ika-100 taon ng Mabini, ipinagdiwang sa Toskana