in

Mga Dapat Malaman Tungkol sa Sakit na Colon Cancer

Ang colon kanser ay kanser ng malaking bituka o large intestine. Narito ang mga dapat malaman ukol sa sakit na ito.

Anatomiya ng Tiyan o Sistemang Panunaw

Ang sistemang panunaw o sistemang dihestibo (Ingles: digestive system) ay ang organong pangsistema na tumutunaw at sumisipsip sa mga sustansiya na natatanging kailangan sa paglaki at pagpapanatili. Kabilang sa sistemang panunaw ang bibig, esopago, sikmura, lapay, atay, apdo, duodenum (ang tokong), hehunum, ileum, mga bituka, tumbong, at butas ng puwit. Kaugnay ng sistemang ito ang katagang gastrointestinal na tumutukoy o may kaugnayan sa pitak gastrointestinal (gastrointestinal tract sa Ingles) o pitak panunaw (digestive tract sa Ingles, ang dihestibong pitak) at kinabibilangan din ng tokong, isaw, at mga bituka.

Ang kanal na alimentaryo (Ingles: alimentary canal, alimentary tract), na mayroong teknikal na pangalang tubus digestorius (tubong panunaw), ay ang tubong dihestibo na umaabot mula sa bibig hanggang sa butas ng puwit. Ang pangalan nito ay nagpapahiwatig din sa mga glandulang nagbubuhos ng kanilang mga katas papaloob sa kanal, partikular na ang mga glandulang panglaway (glandulang salibaryo), ang pankreas, at ang atay.

Ano ang Colon Cancer:

Ang colon kanser ay kanser ng malaking bituka (large intestine). Ito ay nasa ibaba o panghuling bahagi ng sistemang panunaw (ng pagkain) o “digestive system” ng ating katawan.

Sanhi:

Pangkaraniwang ang kanser sa colon ay nagsisimula bilang maliit na polip (polyp). Ito ay para lamang maliit na butlig o nunal sa loob ng ating malaking bituka. Sa paglipas ng maraming taon, ang ilan sa mga polip na ito ay maaaring maging kanser. Bihirang may sintomas na mararamdaman kapag mayroong polip.

Ang malusog na mga selula ay lumalaki at nahahati sa maayos na paraan para mapanatiling malusog ang katawan ng tao. Kapag ang DNA o Deoxyribonucleic acid (DNA) (Tagalog: asidong deoksiribonukleiko) ay isang nukleikong asido na naglalaman ng mga henetikong instruksiyon na ginagamit sa pag-unlad at paggana ng lahat ng alam na mga buhay na organismo. Ang mga segmentong DNA na nagdadala ng mga henetikong impormasyong ito ay tinatawag na mga gene.

Ang malusog na mga selula ay lumalaki at nahahati sa maayos na paraan para mapanatiling malusog ang katawan ng tao. Kapag ang DNA ay nasira at selula ay maging cancerous, ito ay patuloy parin sa pagpaparami, kahit pa hindi naman kailangan ng bagong mga selula. Habang dumarami ang depektibong mga cells, nabubuo naman ang tumor.

Sintomas:

  1. Mga pagbabago sa ugaling pagdumi – maaaring pagtatae (diarrhea) o pagtitibi (constipation);
  2. Dugo o bahid ng dugo sa dumi;
  3. Walang lubay na pananakit ng tiyan o puson at pagkakaroon ng kabag (gas or cramps);
  4. Pananakit ng tiyan/puson habang dumudumi;
  5. Pakiramdam na parang hindi lubos ang pagdumi;
  6. Hindi maipaliwanag na Anemya o pagkukulang sa dugo;
  7. Panghihina at pagkahapo;
  8. Pagbaba ng timbang na walang maipaliwanag na dahilan;
  9. Pagkitid ng sukat ng dumi;
  10. Pagkaduwal (nausea) at pagsusuka.

Ang colon kanser ay kadalasang nagsisimula sa panloob na balot (lining) ng malaking bituka. Sa paglaki ng tumor, maaari itong bumara sa dinaraanan ng dumi kung kaya nagkakaroon ng mga sintomas. Ang tiyan ay maari ring lumaki at ang malaking bituka ay maaring mabutas. Ang colon kanser ay maaring kumalat sa ibang mga bahagi ng katawan (metastasis) sa pamamagitan ng dugo at sistemang limpatika. Ang karaniwang pinipuntahan ay ang atay, baga at peritonyo (peritoneum).

Ito may mga antas (stages) ayon sa kalubhaan (severity).

Stage 1 – ang kanser ay nasa loob lamang ng dinding (wall) ng malaking bituka.
Stage 2 – ang kanser ay lumabas na sa dinding ng malaking bituka.
Stage 3 – ang kanser ay kumalat na sa mga kulani (lymph nodes) na nakapalibot sa kolon.
Stage 4 – ang kanser ay kumalat na sa ibang bahagi ng katawan.

Sino ang nagkakaroon ng kanser sa bituka:

  1. Matandang edad. Karamihan sa mga taong may colon cancer ay mas matanda na sa 50. Pwede itong lumitaw sa mga mas bata pa, subalit minsan lamang nangyayari na ang isang taong nasa kabataan ay magkasakit nito.
  2. Pagkakaroon ng colorectal cancer o polyp. Kapag dati nang nagkaroon ng colon cancer o ng polyp, mas malamang na tamaan ulit nito sa hinaharap.
  3. Kamag-anak na nagkaroon ng kanser sa bituka. Mas malamang na magkaroon ng colon cancer kung ang mga magulang o mga kapatid o mga anak na may colon cancer. Mas mataas ang posibilidad na magka-kanser sa bituka kung ang mga kamag-anak mo ay meron din nito.
  4. Pagkain ng matataba. Ang colon cancer ay maaaring iugnay sa pagkain ng diyetang mababa sa fiber at mataas sa taba at calories. Ang mga pagsusuri sa paksang ito ay may sari-saring resulta. May mga pag-aaral na nag sasabing ang mga taong mahilig kumain ng pulang karne at mga de lata ay mas nanganganib na magka-colon cancer.
  5. Kakulangan sa ehersisyo. Kung kulang ka sa ehersisyo, mas nanganganib ka na magkaroon ng colon cancer. Ang pagkakaroon ng regular na ehersisiyo ay nagpapababa ng panganib na magkaroon ng sakit sa bituka.
  6. Diabetes. Ang mga taong may diabetes at iba pang sakit na may kaugnayan sa insulin ay mas nanganganib na magka kanser sa bituka.
  7. Labis na katabaan. Ang mga taong malabis ang katabaan ay nanganganib na magkaroon ng kanser sa bituka at mas malamang na ikamatay nila ito kumpara sa mga ataong normal ang timbang.
  8. Paninigarilyo. Ang mga taong naninigarilyo ay mas nanganganib na magka-colon cancer kaysa sa mga hindi naninigarilyo.
  9. Pag inom ng alak. Ang mga taong umiinom ng alak ay mas nanganganib na magka-colon cancer kaysa sa mga hindi umiinom.
  10. Radiation therapy para sa cancer. Ang pagsasailalim sa radiation therapy sa tiyan para gamutin ang cancer ay maaaring magpataas ng panganib na magka kanser sa bituka ang pasyente.

Pag-iwas:

1.Kumain ng masusustansyang pagkain. Ang pagkain ng mga prutas, gulay at binhi na mayaman sa bitamina, mineral, fiber at antioxidants ay makakatulong ng malaki sa hindi pagkakaroon ng kanser sa bituka. Iwasan din ang sobrang pagkain ng matataba sapagkat isa ito sa itinuturong sanhi ng pagkakaroon ng kanser sa bituka.
2. Umiwas sa alak at sigarilyo. Mas mainam na makaiwas nga alak at sigarilyo sapagkat makatutulong ito na lumiit ang posibilidad ng pagkakaroon ng sakit na kanser.
3.Regular na pageehersisyo. Mayroon ding pagaaral na ang mga taong madalas nageehersisyo ay kadalasang hindi nagkakaron ng colon cancer.
4.Pagpapanatili ng tamang timbang. Naidirikit din ang pagkakasakit ng kanser sa bituka sa mga taong sobra sa timbang o obese. Kayat mainam na panatilihin lamang sa tamang timbang ang katawan.

Pagsusuri:

Ang colon kanser ay dapat matuklasan nang maaga, habang wala pang sintomas. Ito ay maaaring matamo sa pamamagitan ng pagsusuri gamit ang colonoscopy; fecal occult blood test (FOBT) na may kasamang flexible sigmoidoscopy; barium enema o CT virtual colonoscopy.

Sa isang banda, kung meron ng nararanasang mga palatandaan ng colon kanser or polip, ang colonoscopy ang naaangkop na gamitin. Kung ang polip ay matagpuan, ito ay maaari nang tanggalin at ipasuri sa laboratory upang malaman kung ito ay malignant. Ang pagtanggal ng mga polip ay makatutulong upang ito ay hindi na maging kanser sa paglipas ng mga taon. Ganito rin ang gagawin kung tumor ang matagpuan sa bituka.

Paano ito mapapagaling:

Ang pangunahing lunas sa colon kanser ay operasyon (surgery). Ang mga bahagi ng bituka na apektado gayun din ang mga kulani ay tatanggalin. Kung ang kanser ay maliit pa, ito ay pwedeng gamitan ng minimally-invasive laparoscopic surgery. Bukod sa maliliit ang butas, ito ay mas hindi masakit at mas mabilis ang pagpapagaling. Ang ibang kaso ng kanser ay maaring mangailangan ng chemo at radiation therapy.

Mahalagang mungkahi mula FNA- ROME. Sa bawat sintomas o anumang di kanais-nais na pagbabago sa ating katawan ay agad sumangguni sa Doktor. Hindi sapat ang kadahilanang walang panahon o may trabaho at walang perang panggamot dahil mahalagang ang mga ito ay maagapan o maiwasan. May kasabihang ‘Prevention is better than Cure’ at ‘Ang kalusugan ay ating kayamanan’ at upang tayo ay makaiwas sa mas malaking gastos at magpatuloy pa rin ang pagtatrabaho ng may malusog na pangangatawan“.

 

ni: Mona Liza Dadis

Sources: Studyof Human health and Disease Barbara and Cohen,

Med Online Plus, Medical Surgical-Udan,

Wikihealth, Medical Surgical Nursing-Brunner

Suddarth

 

Click to rate this post!
[Total: 6 Average: 4.3]

Ano ang kinakailangang dokumento ukol sa tirahan o alloggio ng family reunification?

Hiring ng mga colf at babysitters tuwing summer period? Narito ang halaga ng sahod at uri ng kontrata