Ang sakit na diabetes ay sanhi ng depekto sa pankreas. Narito ang anatomiya ng pancreas o lapay at ang proseso sa paggawa ng insulin.
PROSESO NA KINABIBILANGAN NG LAPAY O PANCREAS
Ang sistemang endokrin ay binubuo ng mga glandula na lumilikha at naglalabas ng hormones. Ang mga hormones na ito ay tumutulong sa pagkontrol ng paglaki ng katawan, metabolismo at sexual development.
Ang mga hormone ay inilalabas sa daluyan ng dugo at maaaring makaapekto sa isa o higit pang organ sa katawan. Ang mga hormone ay nagmumula sa endocrine glands. Ang glandulang ito ay walang duct kung kaya’t ang mga hormones ay direktang dinadala sa daluyan ng dugo. Ito ay nahahawig sa nervous system ngunit ang sistemang endokrin ay gumagamit ng kemikal o hormones upang makipag-ugnayan.
Para sa mga hormone na kinokontrol ng pituitary gland isang hudyat ang pinapadala mula sa hypothalamus patungong pituitary gland sa anyo ng isang “releasing hormone” na siyang humihimok sa pituitary ipang maglabas ng “stimulating hormone” sa sirkulasyon. Ang stimulating hormone ang naghuhudyat sa napiling glandula upang maglabas ng hormone. Habang tumataas ang antas ng hormone sa sirkulasyon, ang hypothalamus at ang pituitary gland ay tumitigil sa paglabas ng releasing at stimulating hormone na nagpapabagal ng paglabas ng hormone ng napiling glandula. Nagkakaroon ng maayos na sirkulasyon ng dugo ang mga hormones na kinokontrol ng pituitary gland.
Tatlong pangunahing grupo ng hormones
– Steroid hormones – Kasama sa grupong ito ang prostaglandins na tumutulong sa proseso ng sex hormones ng babae.
– Amino acid derivatives – Isang halimbawa ng grupong ito ay epinephrine na nanggagaling mula sa amino acids o sa tyrosine.
– Peptide hormones – Ito ang pinakasamu’t-sari at pinakamarami sa lahat ng grupo ng hormones. Ang halimbawa nito ay insulin.
Ano ang DIABETES
Ang diabetes ay sanhi ng depekto sa pankreas. Kinakikitaan ang taong may ganitong sakit ng kakulangan sa insulin, hindi mapakinabangang mga karbohidrato sa katawan, labis na asukal sa dugo at ihi. Mayroon ding sobrang pagkauhaw, pagkagutom at pag-iihi, pamamayat, at pagtaas ng asidosis sa dugo. Kapag hindi mareremedyuhan ng insulina, maaaaring mamatay ang isang tao.
Sa bilis ng takbo ng buhay at sa dami ng kailangang gawin sa araw-araw, madalas nang nakakaligtaan na alagaan ang katawan sa pamamagitan ng pag-eehersisyo at pagkain nang tama. Maaari itong magdulot ng lifestyle diseases, partikular na ang diabetes.
Ang diabetes ay isa sa mga tinatawag nating lifestyle diseases. Dahil sa uri ng pamumuhay, pagkain, kawalan ng ehersisyo ay nagkakaroon ng lifestyle diseases tulad ng diabetes at hypertension.
Mayroong dalawang uri ng diabetes.
– Type 1 na madalas makita sa mga bata- mayroong antibodies sa katawan na sumisira sa cells ng lapay na nagreresulta sa type 1 diabetes.
– Type 2 na karaniwan naman sa matatanda, Samantala, sa ikalawang uri ng diabetes, hindi nakakagawa ng sapat na insulin ang katawan.
Ang GESTATIONAL DIABETES ay isang espesyal na uri ng dyabetis na nangyayari lamang tuwing pagbubuntis. Karaniwan, habang tinutunaw ay pagkain, ito ay nagiging sugar (glucose) na tumutungo sa dugo. Ang iyong katawan ay lumilikha ng sangkap na tinatawag na insulin na siyang tumutulong sa iyong mga selula na gamitin ang blood sugar. Ang mga pagbabago sa iyong katawan habang ikaw ay nagbubuntis ay maaaring magdulot ng pagtaas ng iyong sugar sa dugo. Ito ay maaaring mapanganib para sa iyo at sa iyong sanggol.
GABAY KALUSUGAN MULA SA FNA ROME
ni : Mona Liza G. Dadis
sources: Study of Human health and Disease Barbara and Cohen,
Med Online Plus,Medical Surgical-Udan,
Wikihealth, Medical Surgical Nursing-Brunner,
Suddarth