in

Mga Dapat malaman tungkol sa sakit na Heat Stroke

Sa sobrang init tayo ay maaaring makakuha ng iba’t-ibang klase ng sakit at kabilang na dito ang sakit sa balat, dehydration at heat stroke o heat exhaustion.

Sumapit na naman ang panahon ng tag init at lalo pang titindi ito sa buwan ng Agosto sa Roma at sa buong Italya. Sa sobrang init tayo ay maaaring makakuha ng iba’t-ibang klase ng sakit at kabilang na dito  ang sakit sa balat, dehydration at heat stroke o heat exhaustion na ating bibigyang pansin sa buwna na ito.

Anatomiya ng Utak

Ang Utak ay ang organo na pinaka-apektado kapag nakaranas ng heat stroke. Ang mga bata at matatanda lalo na ang mga may matataas na presyon ang kailangang umiwas sa sobrang init dahil nahihirapan ang kanilang katawan nila na mag-adjust sa sobrang init ng panahon. Sa sobrang init ng panahon nasisira ang thermoregulsayon ng ating katawan at kung hindi pa mahilig uminom ng tubig ito ay mas lalong makakapagpatindi ng sakit. Kapag walang sapat na tubig sa katawan nahihirapan ang ating dugo na makapag-deliver ng osiheno sa ating katawan patungo sa ating utak at dito labis na maaapektuhan ang daluyan ng ating ugat papuntang utak na nagiging resulta sa heat stroke.

Ano ang Heat Stroke at ang sanhi nito:

Habang tumataaas ang temperatura, tumataas din ang bilang ng mga taong nakakaranas ng heat stroke. Ang heat stroke ay isang karamdaman kung saan lubhang tumataas ang temperatura ng katawan na hindi napapawi ng pagpapawis dahil sa dehydration. Ang sakit na ito ay tinatawag din na heat injury o sun stroke at kailangan ng agarang atensyon o gamutan dahil ito ay nakakamatay o maaaring maging sanhi ng damage sa utak at iba pang internal organ. Ang mahabang pagkababad sa matinding init at labis na aktibidad ay maaaring maging sanhi ng heat cramps at heat exhaustion na maaaring mag-resulta sa heat stroke.

Paano malalaman kung dumaranas ng heat stroke? 

Ang pagkakadanas ng heat stroke ay kadalasang hindi na nangangailangan pa ng mga komplikadong pagsusuri o eksaminasyon para lang makumpirma. Ito ay madaling natutukoy sa mga kapansin-pansin na sintomas at mga senyales. Ngunit upang matingnan din ang iba pang posibleng kondisyon, maaaring isagawa ang mga sumusunod na pagsusuri.

  1. Blood test. Tinutukoy dito ang ilang mineral gaya ng sodium at potassium upang matukoy kung gaano kagrabe ang pinsalang naidulot ng heatstroke sa central nervous system.
  2. Urine test. Ang pagkakaroon madilaw o kulay tsaa na ihi ay kadalasang konektado sa pagkakaranas ng sobrang init na temperatura sa katawan.
  3. Imaging tests. Ang mga pagsusuri tulad ng X-ray, CT Scan, o MRI ay makatutulong upang matukoy kung gaano kagrabe aling mga bahagi ng katawan ang naapektohan ng heatstroke.

Sintomas: 

  1. Pagkahilo at pagsusuka
  2. Pagkawala ng malay
  3. Pananakit ng ulo
  4. Panghihina
  5. Pagkabalisa
  6. Malamig na pagpapawis sa kabila ng mainit na panahon
  7. Pamimintig ng mga muscle
  8. Mabilis na pagtibok ng puso
  9. Kapos na paghinga
  10. Pamumula at paghapdi ng balat
  11. Pagkatuyo ng dila
  12. Pagtaas ng temperatura ng katawan mula 40°C pataas

 Paano malulunasan ang heat stroke?

Ang gamutan sa kondisyon na heatstroke ay nakasentro sa pagpapababa ng temperatura ng katawan pabalik sa normal na temperatura. Ito ay mahalagang maisagawa sa lalong madaling panahon upang maiwasan ang pinsala sa mga organ ng katawan lalo na sa utak.

Pag-Iwas: 

  1. Uminom ng maraming tubig. Mahalagang manatiling hydrated lalo na kung tag-init. Iwasan ang pag-inom ng tsaa, kape at alak.
  2. Magsuot ng maluluwag, manipis at brightly colored na damit na gawa sa light materials, Ang mga dark colored na damit ay mas nakaka-absorb ng init kaya mas mainit kung ito ang suot.
  3. Gumamit ng sumbrero kung nasa labas para mabawasan ang exposure sa araw.
  4. Limitahan ang pagbibilad sa araw.
  5. Kung nasa beach, paminsan minsang pumunta sa lilim para hindi ma-dehydrate.
  6. Iwasan ang mabibigat na aktibidad kapag mainit ang panahon.
  7. Gawin ang mabibigat na gawain gaya ng pag-eehersisyo sa umaga o hapon kung kailan ang panahon ay malamig pa.

Pagsusuri o First Aid para sa mga Taong na Heat stroke: 

Habang naghihintay sa ambulansya, may mga bagay na maaaring gawin para sa taong nakakaranas ng heat stroke.

  1. Agad na dalhin sa malamig na lugar ang pasyente at kung maaari ay hubaran ng damit na nakasasagabal sa kanyang paghinga para bumaba ang temperatura ng katawan. Maaaring sa ilalim ng puno o kung saan may lilim, kung sa bahay naman, mainam na itapat sa harap bentilador o aircon.
  2. Ihiga ang pasyente upang gumanda ang daloy ng dugo sa utak.
  3. Kumuha ng tuwalya o panyo na basa at ipunas ito sa katawan ng pasyente. Kung May Bulak basain ito at ipahid sa labi ng pasyente.
  4. Lagyan ng ice packs ang kilikili, pulso, singit, leeg at likod ng pasyente para bumaba ang temperatura ng katawan dahil ang mga area na ito ay may high concentration of blood vessels.
  5. Kung gising ang pasyente, pwedeng syang painumin ng tubig. Kung wala namang malay, huwag painumin.

Ang heat stroke ay isang seryosong kondisyon na maaaring makaapekto sa paggana ng katawan lalo na sa utak, at kung mapapabayaan ay maaari makamatay. Mahalagang madala agad sa ospital ang sinumang makaranas ng heat stroke.

 

ni: Mona Liza Dadiz

Sources: Wikihealth, Mayo clinic -First Aid,

Med Online Plus, Ritemed, Kalusugan.ph

 

Click to rate this post!
[Total: 2 Average: 4]

Heat Wave, itatala ngayong linggo sa Italya

Mga Dapat Malaman Tungkol sa Dehydration