in

MGA DAPAT MALAMAN TUNGKOL SA SINUSITIS

Ang sinusitis ay isang karamdaman na dulot ng mga sakit na kaakibat ng tag-ulan o malamig na panahon tulad ng ubo, sipon at kahirapan sa paghinga.

Ang sinusitis ay ang pamamaga ng mga sinuses. Ang sinuses ay mga espasyo sa mga buto sa paligid ng ilong na may lamang hangin. Ito ay apat na butas sa loob ng buto ng bungo na bahagi ng drainage system ng ulo. Ang mga sinuses na ito ay matatagpuan sa noo (frontal sinuses), sa tabi ng ilong sa loob ng cheekbones (maxillary sinuses), sa likod ng tulay ng ilong (sphenoid sinuses), at sa taas na bahagi ng ilong (ethmoid sinuses). Ito ay nababalot ng mucous membrane. Kapag namaga ang mga ito, ang mga sinuses ay napupuno ng nana (pus) at sipon (mucus).

Ang sinusitis ay maaaring bunga ng bacterial o viral infection. Kapag ang bukasan ng sinus ay nagkaroon ng pamumuo ng mucus, ito ay madaling tirahan ng bakterya at mikrobyo.

Ang frontal at maxillary sinuses ang kadalasang nauugnay sa pagkakaroon ng sinusitis. Kung ang sinuses ay masyadong maliit o hindi makayanan ang dami ng nagagawang mucus, maaaring magbara ito. Ang pressure sa loob ng sinuses ay lumalala kung kaya nagdudulot ito ng pananakit. Ang sinuses na nananatiling barado ng mahabang panahon ay maaaring pagmulan ng impeksiyon.

Ang sinusitis ay maaaring grabe (acute) o pabalik-balik (chronic). Ang acute o grabeng sinusitis ay madalas na dulot ng bakterya o viral infection ng ilong, lalamunan at upper respiratory tract tulad ng simpleng sipon. Ang bakterya ay nagiging sanhi ng 50% ng lahat ng kaso ng sinusitis. Ito ay maaaring magtagal ng hindi hihigit sa apat (4) na linggo.

Ang chronic o palagiang sinusitis ay maaaring sanhi ng mga maliit na tumutubong laman sa loob ng ilong (nasal polyps), pinsala sa nasal bones, deviated nasal septum, paninigarilyo at exposure sa mga nakakairitang usok at amoy. Ito ay isang pang-matagalan na kundisyon na maaaring maranasan hanggang tatlong (3) linggo o higit pa.

Ang allergic sinusitis naman ay maaaring sanhi ng mataas na lagnat o mga allergies sa pagkain, lalong-lalo na sa allergy sa gatas at dairy products. May mga taong maselan ang resistensiya (immune system) at madaling kapitan ng fungal sinusitis. Isang potensyal at mapanganib na kundisyon na nangangailangan ng agresibong gamutan. Kapag may palagian at pabalik-balik na impeksiyon ng mga sinuses, ito marahil ay sanhi ng mga airborne pollutants na mas mahirap gamutin.

Ang dumaraming insidente ng sinusitis ay maaaring sanhi din ng mga pagkaing nakapagpapabara at nakakapagbigay ng mucus tulad ng asukal, tinapay, keso at mga pritong pagkain. Kasama na rito ang nababawasang immune system ng katawan at ng mucous membrane mula sa mga nalalanghap na kemikal. Ang kakulangan ng nutrisyon ay maaaring magpahina sa ating resistensiya at maaaring may malaki ring papel sa maraming kaso.

Matapos ang mga unang araw ng sipon, ang pagbabara sa ilong ay maaaring lumalala para ibayong maglabas ng mga berdeng fluid o sipon. Sa kalaunan, dahil ang mga daanan sa pagitan ng ilong at ng sinuses ay nagbabara, ang pagpapalabas ng sipon ay tumitigil. Kailangang huminga sa pamamagitan na lamang ng bibig. Ang pagsasalita ay parang nanggagaling sa ilong. Maaari ding magkaroon ng sakit sa ulo o presyon sa isa o magkabilang mata. Ang mga sintomas ng sinusitis ay kinakabilangan ng lagnat (karaniwang mababa subalit mataas sa ibang kaso); ubo; pananakit ng lalamunan; pananakit ng tainga, pisngi o isang bahagi ng ulo; pagkirot ng ngipin; hirap sa paghinga; mabahong hininga; kawalan ng pang-amoy; nasal congestion na may kasamang makapal na nasal secretions; panghihina ng katawan at pagkahapo. Maaari ring makaramdam ng masakit na sinuses at namamagang ibabang talukap ng mata lalo na pagkagising sa umaga.

ni: Loralaine J. Ragunjan 

GABAY KALUSUGAN HANDOG NG FNA-ROME

Sources: www.health.wikipilipinas.org,

http://tl.wikibooks.org,

caviteexpose.blogspot.com

 

IKALAWANG BAHAGI – Lunas para sa Sinusitis

Click to rate this post!
[Total: 10 Average: 4.3]

Family reunification o Ricongiungimento familiare, narito ang proseso

Lunas para sa Sinusitis