Ang malakas na paghilik ay ang karaniwang sintomas ng Sleep Apnea Syndrome. Ano nga ba ito?
Madalas ka bang ginigising ng iyong katabi sa pagtulog dahil sa iyong malakas na paghilik? Isa sa dahilan kung bakit nagkakahiwalay ang mag-asawa sa pagtulog ay dahil sa malakas na paghilik.
Sa ating paghinga ang dinadaanan ng hangin ay ang ating ngala-ngala patungo sa ating titilaukan at sa puno ng dila sa lalamunan na pinagmumulan ng salita sa langusan hanggang sa baga. Ang mga lugar na nabanggit ay siyang dinadaanan ng hangin paloob at palabas ng ating katawan at kung may sagabal sa daanan ay siyang kadahilanan ng paghihilik. Ang paghihilik ay nangyayari sa lahat, bata man o matanda, sa kanilang pagtulog na kung nagiging malala ay nararapat na bigyang pansin at dapat ikabahala.
Ang apneaay literal na nangangahulugang “walang hininga” ang isang tao. Ang sleep apneaay isang kondisyon sa pagtulog na maaaring maging malubha dahil sa ang paghinga ay paulit-ulit na tumitigil. Ito ay maaaring tumagal ng sampung segundo hanggang 2-3 minuto. Kadalasang pabiling-biling ang biktima at nagigising na nangangapos ng hininga, anupa’t mauuulit lamang ang apnea ng daan-daang beses bawa’t pagtulog. Bagaman mas karaniwan ang sleep apnea sa mga lalaki na higit 40 taong gulang, maaari ring mangyari ito sa anumang edad maging sa maliliit na bata, at sa mga kababaihan pagdating ng menopos.
Ang Obstructive Sleep Apnea (OSA) ang pinakakaraniwang uri ng sleep apnea syndrome. Ito ay nararanasan kapag ang mga kalamnan sa likod ng lalamunan ay masyadong nagrerelaks hanggang sa ito ay nagtatakip na ng daanan ng hangin. Dahil dito, panandaliang tumitigil ang paghinga at bumababa ang lebel ng Oxygen sa dugo. Maaaring magising ang may OSA dahil sa kahirapang huminga. Ang insidenteng ito ay maaari ring umulit ng 5 hanggang 30 beses sa isang oras.
Ang Central Sleep Apnea (CSA) naman ay nangyayari kapag hindi nabigyan ng senyales ng utak ang mga masel na tumutulong sa paghinga. Biglang nagigising ang tao dahil sa kahirapan sa paghinga. Ang karaniwang sanhi ng CSA ay sakit sa puso at stroke.
Maliban sa malakas na paghilik, ang may sleep apnea syndromeay makakaranas ng labis na pagkaantok tuwing araw (hypersomnia) na maaaring makadulot ng biglaang pagtulog habang nagtatrabaho o nagmamaneho. Paggising kinaumagahan ay makaramdam ng sore throat, tuyong bibig at sakit ng ulo. Maaari ring makaramdam ng sobrang pagod at puyat, mainitin ang ulo, iritable, kahirapan sa memorya o pag-alala, depresyon at gastroesophageal reflux disease.
Ang labis na katabaan ay nagdudulot din ng sleep apnea sa kadahilanang ang taba na nakapaligid sa daanan ng hangin ay maaaring makabara o makaharang sa tamang paghinga. Ayon kay Prof. Francesco Peverini, Direttore Scientifico della Fondazione per la Ricerca e Cura dei Disturbi del Sonno Onlus, na tumaas ang panganib ng aksidente sa kalsada sa mga taong sobra ang timbang. Sa kadahilanang ang taba sa tiyan ay naiipit sa kanilang pagkaupo sa pagmamaneho at hindi makahinga ng maayos kaya hindi sapat ang Oxygenang nakakarating sa baga. Naiipon ang Carbondioxide (CO2) kaya nagdudulot ito ng antok sa driver.
Ang sirkumperensiya ng leeg ay maaari ring magdulot ng sleep apnea. Ang makapal na leeg ay pwedeng makaliit sa daanan ng hangin. Kinakailangan ding bigyang pansin ang tonsils at uvula(titilaukan) na kung malaki ay nakakasagabal sa paghinga. Ito ay maaaring mayroon sa magkakapamilya at siyang nagpapataas ng tsansa na magkaroon ng sleep apnea.
Mas karaniwan din ang sleep apnea sa mga may altapresyon; paggamit ng alak o sedativesdahil ito ay nakakarelaks ng mga masel sa likod ng lalamunan; at, ang paninigarilyo ay nakakadulot ng fluid retentionsa daanan ng hangin at ito rin ay maaaring makadulot ng pamumula at pamamaga sa lalamunan.
Ang mga pasyenteng may sakit sa puso tulad ng atrial fibrillationo congestive heart failureay may mataas na tsansang magkaroon ng CSA. Ang mga kondisyong tulad ng strokeo tumor sa utak ay maaaring makahamak sa pagbigay ng utak ng senyales ng tamang paghinga.
Hindi pwedeng ipawalang-bahala ang sleep apnea. Ito ay pwedeng magdulot ng problema sa puso. Sa bawa’t pagtigil ng paghinga sa may sleep apnea, nababawasan din ang pagdala ng oxygen sa dugo. Ang kawalan ng oxygen ay pwedeng makapagpataas ng presyon. Maaari ring makadulot ito ng stroke. Kung ang pasyente ay may nauna nang sakit sa puso, ang paulit-ulit na nararanasan ang sleep apnea, ito ay pwedeng makadulot ng cardiac arrestat biglaang pagkamatay.
Kung nakitang may OSA ang pasyente, maaaring isangguni ito sa Otolaryngologist. Para sa may CSA, maaaring isangguni ang pasyente sa Cardiologisto Neurologist. Maaaring magrekomenda ang doctor ng mga pagsusuring kayang isagawa ng pasyente sa kaniyang bahay – tulad ng portable monitoring device. Ang mga pagsusuring ito ay sumusukat sa kaniyang blood oxygen level, heart rateat patternng paghinga. Kung may sleep apnea ang pasyente, makikita sa resulta na ang lebel ng Oxygen ay bumababa sa bawa’t apnea. Maaari ring irekomenda ng doctor ang nocturnal polysomnography. Ito ay isang makina na nakakabit sa pasyente na nagbabantay sa kaniyang puso, leeg, baga, utak, at iba pa.
May ilang paraan ng paggamot ngunit sa patnubay ng isang medikal na espesyalista sa pagtulog. Ang pinakamabisang paggamot na walang operasyon para sa OSA ay ang paggamit ng isang aparato o CPAP (Continuous Positive Airway Pressure). Ito ay isang makina na tuloy-tuloy na nagbibigay ng hangin sa pasyente sa pamamagitan ng kaniyang pagsuot ng oxygen maskhabang natutulog.
Ang isa pang aparato ay ang Adjustable Airway Pressure Device. Tulad ng CPAP, ito ay nagbibigay ng tuloy-tuloy na air pressuresa pasyente habang siya ay natutulog. Ang pagkakaiba ay ang automatikong inaayos ng makinang ito ang air pressure kapag sumisinghot ang pasyente at bumubuga ng hangin.
Ang pagsuot naman ng mga Oral appliances ay upang mapanatiling bukas ang lalamunan habang natutulog at mababawasan ang paghilik ng may sleep apnea.
Kung hindi malunasan ang problema, may ilang operasyon na isinasagawa sa ospital tulad ng Uvulopalatopharyngoplasty(UPPP). Ang UPPP ay isang operasyon kung saan tinatanggal ng doctor ang tisyu sa likod ng bibig at sa ibabaw ng lalamunan na nagdudulot ng sleep apnea. Tinatanggal din ng doctor ang tonsils at adenoidsng pasyente.
Kapag malubha ang kaso ng sleep apnea, ang doctor ay maaaring magsagawa ng Tracheostomy. Nilalagyan ng doctor ang isang bukasan sa leeg ng pasyente kung saan ipinapasok niya ang tubong gawa sa metal o plastic para dito hihinga ang pasyente. Tuwing araw, nakatakip ang tubong ito at sa gabi, tinatanggal ang takip para pumasok ang hangin sa baga.
Bukod sa operasyon at paggamit ng mga makina, maaaring mabawasan at tuluyang matanggal ang sleep apnea sa pamamagitan ng pag-iwas sa paninigarilyo at pag-inom ng alak at pagpapanatili ng tamang timbang. Maaaring mabawasan ang paghihilik sa pamamagitan ng pagtulog na nakabaling ang katawan sa tagiliran, o pagtulog ng mataas na bahagya ang ulo sa katawan pag matulog.
May ibang tao na napapansing ang pag-aaral tumugtog ng “didgeridoo” (isang instrumentong pangmusika gawa sa kahoy – wooden trumpet/drone pipe- mula sa mga katutubo ng Australya) sa loob ng ilang mga buwan ay tumutulong sa mga may sleep apnea na makatulog sa gabi at nababawasan ang pagka-antok nila sa araw. Ito marahil ay ang pagpapatunog ng “didgeridoo” ay tumutulong na lumabas sa kalamnan ng daanan ng hangin sa pamamagitan ng pamamaraang ginagamit dito at yun ay ang pag-ihip nito ng malakas. Kapag ang kalamnan ng iyong daanan ng hangin ay mas nagiging malakas, mas maliit ang tsansang sila ay bumigay habang ikaw ay natutulog.
Loralaine R – FNA-Rome
Sources: www.philippinemedicalassociation.org,
www.fondazionedisturbidelsonno.it,
Ang aming inilalathala ay sadyang gabay lamang. Importante pa rin ang pagsadya sa doctor o espesyalista na maaari pang makapagbigay-linaw sa inyong mga katanungan o pag-aalala tungkol sa inyong kalusugan. Maraming salamat po!