in

Mga Dapat Malaman Tungkol sa STOMACH FLU

Ang malamig na panahon ay pinapababa ang resistensiya ng ating immune system sa katawan. Kaya ito ang panahon na umaatake ang mga viruses. Karaniwan nakakaranas tayo ng gastroenteritis o tinatawag na ‘stomach flu’  o ‘influenza intestinale’ kung saan ito ay dulot ng norovirus o ang tinatawag na ‘winter vomiting bug’.

Ang norovirus ang pinakamadalas na sanhi ng stomach flu dahil malubhang makahawa at mabilis na kumalat. Ito ay nakukuha sa kontaminadong pagkain at inumin, paghawak sa mga bagay na kontaminado at pagkatapos ay ang paglalagay ng mga kamay o daliri sa bibig, direktang ugnayan sa isang nahawaang indibidwal (pag-aalaga o pagbabahagi ng mga pagkain, inumin at kasangkapang pangkain sa isang apektadong indibidwal), pagkakalantad sa mga nahawaang indibidwal at mga bagay sa daycare centers at nursing homes, at sa mga manlalakbay o cruise ships kung saan nasa iisang confined na lugar ang maraming tao.

Maari ring sanhi ito ng chemical toxins na madalas matatagpuan sa mga pagkaing-dagat, food allergy, heavy metals, at antibiotics at iba pang mga gamot.

Itinatalang tatlo hanggang limang bilyong katao ang nagkakaroon ng gastroenteraytis sa buong mundo taun-taon. Ang gastroenteraytis ay isang iritasyon ng tiyan at bituka dahil sa impeksiyon na sanhi ng mikrobyo. Nagreresulta sa kombinasyon ng pagtatae, pagsusuka, sakit ng tiyan at pamumulikat. Mas lalong naaapektuhan ang mga batang sanggol at mga batang pumapasok sa eskuwela,  kahit anong edad, at mga taong may mahinang immune system. Ito ay sinusuri sa pamamagitan ng pagsusuri sa dumi.

Makakaranas ng pagtatae; sakit ng tiyan na darating, titindi ang sakit hanggang magtae at pagkatapos ay huhupa hanggang maulit muli; pamamaga o bloating; pagkahilo na maaaring mayroon o walang kasamang pagsusuka; lagnat na mababa sa 100°F (37.7°C); at pananakit ng ulo. Maaaring tumagal ng 2 araw at maaaring umabot hanggang 10 araw.

Kailangan pumunta agad sa ospital kapag makakaranas ng dugo sa suka o dumi; pagsusuka ng higit pa sa 48 oras; lagnat na mas mataas kaysa sa 101°F (40°C); at dehydration. Ang dehydration o kakulangan ng tubig sa katawan ay maaaring makaranas ng panghihina, kaunting ihi, tuyong balat at bibig, at kakulangan ng pawis at luha.

Ang kalubhaan ng nakakahawang gastroenteraytis ay depende sa kakayahan ng immune system upang labanan ang impeksiyon. Maaaring mawala ang mahalagang mineral na kailangan sa maayos na pagtakbo ng katawan tulad ng Sodium at Potassium dahil sa pagtatae at pagsusuka.

Karamihan sa kaso ng gastroenteraytis ay gumagaling nang walang paggamot. Karaniwang nawawala ito nang kusa. Maaaring bigyan ang maysakit ng anti-emetics para sa pagsusuka. At anti-diarrhea sa pagtatae. Ang layunin ng paggamot ay paginhawain ang maysakit at iwasan ang dehydration. Sa ngayon mas mahalaga ang hydration kaysa sa nutrisyon. Ngunit kung ang pasyente ay hindi kayang uminom, kinakailangan na itong dalhin sa ospital para mabigyan ng suwero. Ang pagpapalit ng likidong nawala dahil sa pagsusuka at pagtatae ay ang nagpapahintulot sa katawan na makabawi at malabanan ang impeksiyon. Bigyan ng maraming likido tulad ng tubig o sabaw. Gayunman, ang pagbigay ng maraming likido sa iisang panahon ay maaaring maging sanhi ng dagdag na pagsusuka dahil sa distended na tiyan. Kung kaya’t makabubuti na ibigay ito kahit paunti-unti lamang lalo na sa mga bata at sanggol. Magtimpla ng ORS-Oral Rehydration Solution (Sa isang baso ng tubig maglagay ng 2 kutsaritang asukal at ½ kutsaritang asin. Paghaluin ito at inumin). Huwag magbigay ng inuming matamis o maraming asukal sa kadahilanang  mapapalubha ang pagtatae. Ang mga gulaman at popsicles ay maaaring alternatibo sa solid food at mga clear fluids sa mga bata na hindi nais uminom ng tubig o humigop ng sabaw. Sa mas nakakatanda ay maaaring magbigay ng BRAT diet (banana, rice, apple, tea). Ang banana ay may taglay na Potassium. Ang Chamomile tea ay nakakarelax ng pakiramdam. Tiyakin na makapagpahinga ng mabuti ang maysakit.

Mga paraan upang mabawasan ang pagkahawa sa gastroenteryatis. Madalas na maghugas ng iyong mga kamay ng maligamgam na tubig at sabon, lalo na pagkatapos gumamit ng banyo o nagpalit ng diapers, bago maghanda, maghain, at kumain ng pagkain. Panatilihing malinis ang lugar kung saan naghahanda ng pagkain. Tamang pagluluto, paghahanda at pagkokonserba sa pagkain. Iwasang kumain ng hilaw o kulang sa luto na karne, at pagkaing dagat. Iwasang uminom ng untreated o unpasteurized fluids lalo na kung ito ay gatas. Siguraduhin ang malinis na pagkain at inumin. Tamang paraan ng pagtatapon ng basura. Malinis na palikuran at kapaligiran. Labhan agad ang mga maruruming damit, bagay o laruan ng maysakit. Iwasang lumapit o dumikit sa mga taong maysakit. Panatilihin sa bahay ang maysakit at magpahinga upang lumakas ang katawan. Pagbibigay halaga sa pagbakuna laban sa tigdas. Itanong sa healthcare provider kung dapat magpabakuna ng rotavirus ang bata (isang uri ng viral gastroenteritis).

Pagkatapos ng sakit, huwag kaagad kumain ng madami, ng malasa at mga mamantikang pagkain. Huwag uminom ng alak at iwasang manigarilyo. Unti-untiin ang pagkain ng sari-saring pagkain. Panatilihin ang malinis na kapaligiran. Magsuot ng nararapat sa panahon. Umiwas maulanan at sa mga umidong lugar. Magpakunsulta sa iyong doctor kung maaari ka nang bumalik sa trabaho o sa eskuwela para sa mga bata.

 

ni: Loralaine Ragunjan – 

GABAY KALUSUGAN HANDOG NG FNA – ROME

Sources: www.health.wikipilipinas.org,www.kalusugan.ph, www.sarahbush.org

 

 

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 3]

Regularization, tinatalakay na!

Venice, inilagay sa State of Emergency