Taglagas na naman. Tuluyan nang namaalam ang summer at heto na naman ang tag-ulan. At di maiiwasang uso na naman ang mga ilang sakit tulad ng trangkaso o tinatawag na influenza o di kaya’y flu (kasama ng ubo, sipon at lagnat).
Ang trangkaso ay isang nakakahawang sakit. Ito ay sanhi ng virus ng influenza. Ito ay maaaring maging sanhi ng malubhang karamdaman at kung minsan ay humahantong din sa kamatayan. May nga tao may mas malaking panganib na magkaroon ng seryosong komplikasyon sa trangkaso. Kabilang dito ang mga matatanda, bata at mga nagdadalantao, at ng mga taong may partikular na kondisyon sa kalusugan gaya ng sakit sa puso, baga at bato o huminang immune system.
Kabilang sa mga sintomas ng trangkaso ang lagnat na karaniwang mataas, pagkaginaw, sakit ng ulo, matinding pagkahapo, tuyong pag-ubo, masakit na lalamunan, tumutulo o nagbabarang ilong at pananakit ng kalamnan. Ang mga sintomas na gastro-intestinal tulad ng alibadbad, pagsusuka at pagtatae ay karaniwan naman sa mga bata. Ilan sa mga kumplikasyon na sanhi ng trangkaso ay ang mikrobyong pulmonya, pagkatuyo at paglala ng hindi gumagaling na mga kondisyong medikal tulad ng hika at diyabetis. Ang mga bata ay maaaring magkaroon ng mga problema sa sinus at mga impeksiyon ng tainga.
Ang trangkaso ay naipapasa o kumalat sa pamamagitan ng pag-ubo, pagbahing at malapitang pakikipag-ugnayan. Karaniwan ito sa taglagas (autunno) o tag-ulan dahil madalas na nasa loob ng pamamahay ang mga mag-anak at naghahawaan ng virus na ito. Ito ay karaniwang naipapasa ng tao sa ibang tao, bagaman kung minsan ang isang tao ay maaaring maimpeksiyon sa pamamagitan ng paghipo sa isang bagay na may virus at saka hihipuin ang kanilang bibig o ilong. Sino man ay maaaring makahawa ng ibang tao mula sa unang araw bago magkaroon ng mga sintomas at hanggang 7 araw pagkaraang magkasakit. Nangangahulugan na pwede kang manghawa ng ibang tao bago mo pa malaman na ikaw ay may sakit.
Paghadlang: Walang gamot sa trangkaso. Ang mga inaalok na “gamot sa trangkaso” ay pawang mga gamot sa mga sintomas lamang; hindi nito kayang gamutin o paikliin man lamang ang trangkaso sa katawan. Isang mabuting paraan upang hadlangan ang trangkaso ay ang pagbabakuna sa trangkaso tuwing taglagas. Ang bakuna laban sa trangkaso ang pinakamabisang proteksiyon na mayroon tayo mula sa trangkaso at sa komplikasyon nito. Ang bakuna laban sa trangkaso ay pumipigil din sa pagkalat ng trangkaso sa pagitan ng mga tao.
May dalawang uri ng bakuna para sa trangkaso: ang bakunang di-aktibo (hindi naglalaman ng anumang buhay na virus ng influenza) na ibinibigay sa pamamagitan ng karayom o heringgilya at kalimitang tinatawag na “flu shot”, para sa mga taong mas matanda sa 6 na buwan, kabilang ang malulusog na tao at mga taong may hindi gumagaling na kondisyong medikal. Ang pangalawang bakuna naman ay iwiniwisik naman sa ilong. Ito ay isang bakunang gawa sa buhay at pinahinang virus ng trangkaso na minsan ay tinatawag na LAIV o ‘Live Attenuated Influenza Vaccine’. Ang LAIV ay inaprubahan para gamitin para sa malulusog na tao na 5 taon hanggang 49 taong gulang na hindi buntis. Ang bakuna laban sa trangkaso ay inirerekomenda bawat taon. Ang mga batang may 6 na buwan hanggang 8 taong gulang ay dapat na mabigyan ng dalawang dosis sa unang taon na sila ay mabakunahan.
Ang virus ng trangkaso ay laging nagbabago. Bawat taon, ang bakuna laban sa trangkaso ay ginagawa upang magbigay ng proteksiyon laban sa mga virus na maaaring mas maging sanhi ng sakit sa taong iyon. Bagama’t ang bakuna laban sa trangkaso ay hindi makakapigil sa lahat ng klase ng trangkaso, ito ang pinakamabisang depensa natin laban sa sakit. Ang di-aktibong bakuna laban sa trangkaso ay nagproprotekta laban sa 3 o 4 na iba’t ibang virus ng influenza. Aabutin ng dalawang linggo para ang proteksiyon ay mabuo matapos ng pagbabakuna at ang proteksiyon at tatagal ng ilang buwan hanggang sa isang taon.
Ang ilang di-aktibong bakuna laban sa trangkaso ay naglalaman ng kaunting pampreserba base sa mercury na tinatawag na thimerosal. Naipakita sa mga pag-aaral na ang thimerosal sa mga bakuna ay hindi nakakapinsala, subalit may mga bakuna laban sa trangkaso na hindi naglalaman ng pampreserbang ito.
Ang buwan ng Oktubre o Nobyembre ay pinakamabuting panahon para magpabakuna, pero pwede ka pa ring bakunahan sa buwan ng Disyembre at mas huli. Ang panahon ng trangkaso ay nagsisimula sa buwan ng Oktubre at tumatagal ng hanggang buwan ng Mayo. Dito sa Italya, maaari kayong makipag-ugnayan sa inyong Medico di Famiglia para humingi ng reseta o magpabakuna.
Sino dapat mai-prioritize sa pagbakuna?: mga batang may edad na 6-23 buwan; mga may edad na 65 at mas matanda; mga taong may edad na 2-64 taon na nagtataglay ng hindi gumagaling na kondisyong medikal; lahat ng babae na mabubuntis sa panahon ng trangkaso; mga residente ng mga bahay ng pag-aalaga at mga pasilidad ng pangmatagalang pag-aalaga (doktor, nars, atbp.); mga batang may edad na 6 na buwan – 18 taon na ginagamitan ng patuloy na panlunas na aspirin; mga manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan na kalahok sa tuwirang pag-aalaga ng pasyente at mga tagapag-alaga sa labas ng bahay at mga nakakaugnay sa sambahayan ng mga batang may edad na 6 na buwan.
May mga taong hindi dapat magpabakuna. Kabilang dito: i)ang mga taong may malubhang alerhiya sa mga itlog ng manok; ii)mga taong nagkaroon na ng malubhang reaksiyon sa bakuna sa trangkaso; mga taong nagkaroon ng Guillain-Barré Syndrome (isang malalang nakakaparalisang sakit, tinatawag din na GBS) sa loob ng 6 na linggo pagkaraang tumanggap ng bakuna sa trangkaso; iii)mga batang wala pang 6 na buwan ang edad at mga taong may sakit na may lagnat o hindi mabuti ang karamdaman (ang mga taong ito ay pwedeng bakunahan sa sandaling mabawasan ang kanilang mga sintomas).
Sa anumang gamot, kabilang na ang mga bakuna, ay may tsansang magkakaroon ng mga side effect. Kadalasang hindi malala ito at kusang nawawala. Ang mga malalang side effect ay posible rin, subalit ang mga ito ay napakabihira. Ang sandaling pagkawalang-malay at mga may kaugnayang sintomas (gaya ng mga biglang paggalaw) ay maaaring mangyari matapos ang anumang medical na pamamaraan, kabilang na ang pagbabakuna. Ang pag-upo o paghiga nang mga 15 minuto matapos ang pagbabakuna ay maaaring makatulong na maiwasan ang pagkawalang-malay at mga pinsala dulot ng pagkabagsak. Sabihin sa iyong doctor kung ikaw ay nalulula o nahihilo, o kung mayroong pagbabago sa iyong paningin o pagkililing sa mga tenga.
Mga di-malalang problema kasunod ng pagtanggap ng di-aktibong bakuna laban sa trangkaso ay: pananakit, pamumula o pamamaga kung saan iniksiyunan; pamamalat, masakit, mapula o makating mga mata; ubo; lagnat; pananakit ng ulo; pangangati at pagkapagod, na karaniwang nagsisimula matapos ang bakuna at tumatagal ng 1 o 2 araw.
Ang isang malalang reaksiyon ng alerhiya, sobrang taas na lagnat, o pagbabago sa asal na maaaring mangyari matapos ng anumang bakuna ay dapat bantayan. Kabilang sa mga palatandaan ng malalang reaksiyon ng alerhiya ay ang pamamantal, pamamaga ng mukha at lalamunan, kahirapan sa paghinga, mabilis na tibok ng puso, pagkahilo at panghihina. Sa kondisyong ito, tawagan ang iyong doctor o dalhin ang pasyente sa ospital para mabigyan ng karampatang lunas.
Pagsuporta sa pasyente sa pamamagitan ng pamamahinga at pag-inom ng maraming tubig ang pinakamahalagang hakbang sa paggamot ng trangkaso upang maiwasan ang dehydration o kakulangan sa tubig. Para sa mga sintomas, Paracetamol ay maaaring ibigay para sa lagnat at pananakit ng katawan.
Ang ilan sa mabubuting gawaing pangkalusugan para di maging tagapagkalat nito ay ang sumusunod: Iwasan ang malapit na kontak sa mga taong may sakit. Kung may sakit ka, manatiling malayo sa ibang mga tao upang protektahan sila laban sa pagkakaroon din ng sakit. Kung magagawa, manatili sa bahay mula sa trabaho, paaralan at nilalakad kapag maysakit ka. Takpan ang iyong bibig at ilong ng isang tisyu kapag umuubo o bumabahing. Ito ay maaaring makapigil na magkasakit ang mga tao sa paligid mo. Ang madalas na paghuhugas ng mga kamay ay makakatulong na protektahan ka laban sa pagkalat ng mga mikrobyo. Iwasang hipuin ang iyong mga mata, ilong at bibig.
GABAY- KALUSUGAN HANDOG NG FNA- ROME
ni: Loralaine R. – FNA-Rome
Sources: http://www.kalusugan.ph/trangkas,
http://www.health.wikipilipinas.org