Ang novel coronavirus (nCoV) ay tinatawag nang Covid-19 ayon sa World Health Organization (WHO). Ang kahulugan ng Co ay Corona, ang Vi ay Virus at and D ay disease. Ang 19 ay kumakatawan sa taon na ito ay natuklasan. Disyembre 2019 nang kumalat sa Wuhan City sa China ang sakit na naihahalintulad sa pneumonia at mabilis na kumalat sa 26 na bansa sa mundo kabilang ang Italya at Pilipinas.
Ang unang kaso ay naitala sa Wuhan, kapitolyo ng lalawigan ng Hubei sa China. Hinihinalang nailipat ang sakit galing sa paniki at naipasa sa tao, na sa kasalukuyan naman ay kumakalat. Sinasabing sapat na ang hininga o laway ng isang tao ng mayroong virus upang makahawa ito sa iba. Tinatayang 2 hanggang 14 na araw ang panahon ng inkubasyon bago umepekto ang sakit.
Kasama sa mga sintomas ng sakit ang lagnat, ubo, at pagiksi ng hininga. Kasama ang pulmonya at acute respiratory distress syndrome sa mga posibleng komplikasyon ng sakit. Ang lahat ng may sintomas ay pinayuhang bantayan ang kanilang kalusugan sa loob ng dalawang linggo, magsuot ng mask, at komunsulta sa doktor bago pumunta sa ospital.
Wala pang bakuna o tiyak na gamot ang sakit. Ang maagang pagtuklas sa bakuna laban sa Covid-19 ang inaasahan na makakapigil sa paglaganap ng sakit.
Ang epidemya ay idineklara bilang Public Health Emergency of International Concern ng World Health Organization (WHO). Ang mga awtoridad pangkalusugan ay pinag-sisikapang mapigil ang anumang pagkalat ng sakit simula pa noong natuklasan ito. Maraming bansa ang nag-abiso ng pagbabawal sa paglalakbay, pagpapatupad ng kuwarentenas, at pagbabawal lumabas ng bahay. May ilang bansa ring na nagbabawal sa paglalakbay sa Wuhan, Hubei, at mismong China. Ang mga paliparan at estasyon ng tren ay nagsasagawa narin ng pagsusuri upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.
Ngunit sa kabila ng mga pagsusumikap, hanggang Pebrero 22, 2020, may naitala ng 77,662 mga kaso ng sakit, kasama na riyan ang lahat ng lalawigan ng China at ibang bansa. Ang sakit ay nagdulot na ng pagkamatay ng 2,360 katao, kasama ang 13 sa labas ng China, kabilang ang 2 namatay sa Italya ng Pebrero 21 at 22. Ang Italya ay ang unang bansa sa Europa sa bilang ng mga positibong kaso ng Covid-19.
Nagtala rin ang xenopobya at rasismo laban sa mga Asian, maging dito sa Italya. Ang epidemya ay nagkalat rin ng mga maling balita, lalong-lalo na sa online, na tinawag namang “infodemic” ng WHO.
Sa kasalukuyan, mabilis ang pagdami ng mga positibong kaso ng Covid-19 sa North Italy, partikular sa Lombardy at Veneto regions. Nagpalabas ng Panawagan ang PCG Milan kaugnay sa pag-iingat na dapat sundin batay sa guidelines mula WHO upang ito ay maiwasan. Kabilang dito ang:
- Laging paghuhugas ng kamay gamit ang tubig at sabon o gamit ang alcohol o sanitizer.
- Pagtatakip ng bibig kapag umuubo, bumabahing gamit ang tissue at ito ay itapon agad sa saradong basurahan. Linisin agad ang kamay.
- Panatilihin ang di bababa sa 1 metrong pagitan sa sarili at kausap lalo na kung may ubo, bumabahing o may lagnat.
- Iwasang hawakan ang mata, ilong at bibig kung hindi pa nakakapaghugas ng kamay.
- At kung nakakaramdam ng sintomas ng Covid-19, mangyaring tumawag ng duktor sa 112 o sa toll free number 1500 at iwasan ang magtungo ng Pronto Soccorso o ER.
Ipinapayo rin na panatilihing malusog ang pangangatawan sa pamamagitan ng pag-inom ng maraming tubig, pagkain ng mga masustansyang prutas at gulay.
Samantala, ipinapayo rin na huwag munang dumalo sa mga pagtitipon o huwag munang magdaos ng mga event habang nananalasa ang Covid-19 sa Italya. Panawagan din ng Simbahan na iwasan muna ang pagkakamayan sa mga katabi sa Simbahan sa pagbibigay ng kapayapaan.
Huwag magpanic at manatiling nakatutok sa mga opisyal na website ng gobyerno. (PGA)