Sa Italya, karaniwang tumataas ang bilang ng may mga kaso ng tinatawag na seasonal flu/ influenza o trangkaso sa panahon ng taglagas at taglamig (autunno at inverno). Ito ay isang impeksyon sa respiratory system o daanan ng hangin sa katawan ng tao na dulot ng virus.
Ang karaniwang sintomas ng influenza o trangkaso ay mataas na lagnat, ubo at pagsakit ng mga kasu-kasuhan (o mga muscles). Maaari din itong samahan ng sakit ng ulo, sakit ng lalamunan, pagkahilo, pagsusuka at pagtatae. Karaniwan ay gumagaling ang tao sa sakit na ito sa loob ng isang linggo o 10 araw. Mas mapanganib ang impeksyon na ito sa mga may edad 65 pataas, mga bata, at ang may mga karamdaman (mga chronic disease gaya ng diabetes, sakit sa puso, atbp) dahil sa mga maaari nitong idulot na komplikasyon.
Upang maiwasan ang paglala ng mga sintomas ng sakit na ito, nagbibigay ng taunang bakuna laban sa influenza o ang tinatawag na “vaccinazione antinfluenzale”. Ito ay karaniwang ibinibigay sa unang linggo ng Oktobre. Ang bisa nito bilang proteksyon laban sa ilang partikular na virus na nagdudulot ng trangkaso ay magkakaroon ng epekto sa loob ng dalawang linggo mula bakunahan. Kaya ipinapayo ang maagang pagpapabakuna, sa loob ng buwan ng Oktobre bago pumasok ang mga buwan ng taglamig. Ang mga taong inaabisuhang magpabakuna ay ang mga nagdadalang tao o buntis sa panahon ng trangkaso, mga may edad 65 pataas, mga taong may kondisyon na maaring magkaroon ng mabibigat na komplikasyon mula sa trangkaso at ang mga taong may panganib na madaling mahawaan ng sakit na ito dulot ng kanilang trabaho (mga nagtratrabaho sa ospital, mga nag-aalaga ng hayop, etc). Ang buong listahan ng mga taong maaring bakunahan ng walang bayad at iba pang importanteng impormasyon ay mababasa sa guide na ito.
Ang vaccinazione antinfluenzale ay maaring hingin o tanungin sa inyong medico di base o pediatra.
Sa kasalukuyan, ang pagbabakuna nito ay “obbligatorio” sa regione ng Lazio para sa mga taong may edad na 65 pataas at sa mga nagtratrabaho sa ospital o mga “personale medico sanitario”. (Elisha Gay C. Hidalgo, RND – Registered Nutritionist Dietitian)
Basahin din:
- Ang Influenza at ang mga sintomas
- Iwasan ang influenza o trangkaso, narito kung paano
- Ano ang pagkakaiba ng seasonal flu o trangkaso sa Covid19?