in

Mga Ilang Paraan Para Mapatalas ang Memorya

Ano nga ulit iyon? Ano nga ulit ang pangalan mo? Saan nga ba tayo nagkakilala? Narito ang ilang paraan upang mapanatiling matalas ang memorya.


Malamang napansin mo na ang mga ganitong sitwasyon. Yung may ordinaryong bagay o kaganapan na siguradong madali namang matandaan ninoman ngunit sadyang mailap nang mga oras na iyon. Lalo pa sa mga taong may edad na, yung tipong mga 60 pataas. Ngunit kung ikaw ay nasa murang edad pa lamang at ika’y makalimutin na, ibang usapan na iyon.

Ngunit may mga ilang paraan upang mapanatiling matalas ang iyong memorya.

Unang una raw sa lahat, linawin ang pag-iisip. Iwanan ang pag-aalala at bawasan ang tensyon. Yun daw ang mainam na susi sa lahat. Pag nakamit mo na iyon at may magandang disposisyon ka na, siguraduhing namang may sapat na ehersisyo. Dahil ang pag-eehersisyo raw ay nagpapabilis ng heart rate na siya namang nagsisiguro na may sapat na dugong dadaloy sa utak na siya namang magpapalaki sa bahagi ng utak na nagbibigay ng magandang memorya. Dagdag pa rito, ang taong madalas mag-ehersisyo ay nakakatulog ng mas mahimbing gabi-gabi. Sa ganitong paraan, mas bawas ang stress at gumaganda ang pag-imbak ng memorya.

Kumain ng sapat at tama at mga bitamina. Hindi magiging mabisa ang pagpapatalas ng isip kung kulang sa tamang nutrisyon at bitamina ang katawan. Kumain ng gulay, karne, prutas at isdang mayaman sa omega 3 fatty acids tulad ng salmon. Tanungin ang iyong doktor tungkol sa mainam na bitamina para sa iyo tulad ng vitamin E, iron at fish oil. Ang pakonti-konting pagkain raw ng hanggang limang beses sa isang araw ay nagpapaniguro na hindi bababa ang blood glucose levels ng isang tao. Ito ay mahalaga sapagkat ang glucose ay ang primary energy source ng utak.

Ugaliing mag-ehersisyo ng utak. Magagawa mo ito sa maraming paraan tulad ng paglaro ng word puzzles tulad ng crossword. Puwede rin ang jigsaw puzzles, Rubik’s cube, mga larong baraha (hindi pagsugal),  at ang pag-aaral o pagkamit ng bagong skills o hobbies, pag-iisip ng ideya, atbp. Mayroon ding mga internet-based brain training websites na sadyang tumutulong sa pag-improve ngmemorya tulad ng www.ibraining.com. Maari ring magbasa tungkol sa mga bagay o isyu na walang kang kaalam-alam upang masanay ang utak na magtanda o umintindi. Puwede mo ring subukan ang pag-aral ng bagong salita o foreign language. Importante raw ang mga aktibidad tulad ng mga ito para ma-exercise ang utak. May kasabihan sa Ingles na “use it or lose it”. Kailangan raw gamitin o maehersisyo ang utak upang hindi basta mawala ang mga brain cells.

Suriin ang iyong lifestyle. May mga pag-aaral na nagpapakita na ang may mga active social life at di palaging nag-iisa o nagkukulong ay mas menos ang pagkaramdam ng pagkalimot. Kaya makihalubilo sa iba’t-ibang tao o kaibigan paminsan-minsan at makibagay sa mga social activities tulad ng dancing, sports o hobby-related activities na nagdedebelop ng panibagong kaalaman at confidence.

Huwag manigarilyo. May mga pananaliksik nang ginawa na nagpapatunay na ang mga non-smokers ay sadyang mas magaling ang memorya kumpara sa mga smokers.

Maging alerto, atentibo sa detalye at aktibong makinig. Naranasan mo na ba iyong sitwasyon na  kapapakilala pa lamang sa iyo ng isang tao e 5-10 minuto pa lang lumipas at nakalimutan mo na ang pangalan ng ipinakilala sa iyo? Upang maiwasan iyon, ito ang simpleng tips. Kapag may taong makikilala sa unang pagkakataon, maging alerto at atentibo sa hugis ng mukha, kulay ng mata o buhok o iba pang palatandaan ng bagong nakikilala tulad ng trabaho nito o taga-saan o saan nakatira. Piliting ulit-uliting mabanggit ang pangalan nito habang nakakasalamuha o nakakausap o ihawig sa iba kang kakilala na kapangalan niya. Sa ganitong paraan, mas malaki ang tsansa na iyong matatandaan ang pangalan at ibang detalye sa muling ninyong pagkikita.

Ito’y munting payo para sanayin ang utak at para maiwasan ang pagkapahiya o ‘brutta figura’ sa mga nakakasalamuha.

Gabay Kalusugan Hatid ng FNA Rome

ni: Loralaine R. 

Click to rate this post!
[Total: 2 Average: 5]

20 araw matapos maisumite ang aplikasyon ng Flussi 2019 at walang tugon ang SUI, ituturing na tanggap!

Wanted na Pinoy na nahaharap sa kasong pagpatay sa Batangas, arestado sa Roma