Bukod sa nulla osta per lavoro stagionale ay mayroong prosesong dapat gawin sa Pilipinas bago tuluyang makapasok ng Italya, partikular sa POEA hanggang sa pagkakaroon ng exit pass o OEC.
Ang paglalathala ng Decreto Flussi sa Official Gazette ay naging hudyat ng opisyal na pagpapatupad ng Decreto Flussi 2018. At ang mga aplikasyon ay maaaring isumite hanggang Dec 31, 2018.
Narito ang nilalaman ng Decreto flussi 2018 at ang mga petsa ng pagre-register, pagpi-fill up ng mga forms at pagpapadala nito online.
Narito ang mga hakbang na dapat gawin ng employer at worker:
I. Ang employer, Italyano o anuman ang nasyunalidad (na mayroong EC long term residence permit), na nais mag-empleyo sa isang dayuhang manggagawa na residente sa ibang bansa at nais magbigay ng rapporto di lavoro ay kailangang mag-aplay, partikular ang mag-request ng nulla osta per lavoro stagionale online.
Sa pamamagitan ng website ng Ministry of Interior: https//:nullaostalavoro.dlci.interno.it ay gagawin ang buong proseso nito: registration, pag-fill-up ng application form at pagpapadala nito online.
Tandaan na ang pagbibigay ng nulla osta al lavoro stagionale ay nasasakop ng tinatawag na Decreto Flussi na nagtatalaga taun-taon ng ‘quota’ o bilang ng mga foreign workers na regular na makakapasok sa bansa. Sa ilalim ng nasabing dekreto ay itinatalaga ang uri ng trabaho ng manggagawa. Halimbawa, ang malaking bahagi ng decreto flussi 2018 ay nakalaan sa seasonal job at ang maliit na bahagi lamang nito ay nakalaan sa non-seasonal at self employment job at conversion ng iba’t ibang uri ng mga permit to stay.
II. Ang nulla osta ay direktang ipinapadala ng Sportello Unico sa Italian Embassy ngunit nakakatanggap din ng kopya nito ang worker at employer para sa mga prosesong susunod na gagawin sa Pilipinas at Italya.
Ang employer, o sa pamamagitan ng kanyang ‘delegato’ o authorized person ay sasailalim sa interview ng POLO sa Italya, sa pamamagitan ng Labor Attachè, para sa mga kinakailangang pagsusuri tulad ng employment agreement: kontrata, sahod at iba pa.
Ang worker naman, sa pamamagitan ng mga accredited agency ng POEA sa Pilipinas, ay ihahanda ang mga requirements bago ang deployment. Ang pagkakaroon ng mga accredited agency, ayon sa mga opisyal, ay mahalaga dahil ang mga ito ay nagsisilbing karagdagang proteksyon para sa kapakanan ng mga workers.
Pagkatapos, ay ang issuance ng POEA ng Overseas Employment Certificate, OEC o exit pass sa mga mangagawang sa unang pagkakataon ay lalabas ng bansang Pilipinas.
III. Sa puntong ito, sa pamamagitan ng entry visa mula sa Italian Embassy sa Pilipinas ay regular na pagpasok sa Italya ang filipino worker. Tandaan na sa loob ng walong araw, kasama ang employer, ay kailangang magtungo sa Sportello Unico per l’Immigrazione upang pirmahan at kumpirmahin ang contratto di soggiorno per lavoro, kung saan napapaloob ang contratto di lavoro, ang address kung saan magta-trabaho ang worker at ang availability ng employer na bayaran ang anumang gastusin sa pagbabalik ng dayuhan sa sariling bansa.
Kasabay nito, sa parehong tanggapan, ang worker ay maaaring mag-request ng first issuance ng permit to stay.
PGA