in

Nagdadalang-tao at walang permit to stay? Narito ang dapat gawin

Ako ay isang Pilipina, kasalukuyang buntis at walang permit to stay. Ano ang aking dapat gawin para magkaroon ng permit to stay? Pwede ba akong ma-deport?

Nasasaad sa batas ng Italya na ang isang nagdadalang-tao, kahit na hindi regular sa dokumento o walang permit to stay ay hindi maaaring mapa-deport o mapatalsik mula sa bansa hanggang sa anim na buwan matapos maipanganak ang sanggol at may karapatang magkaroon ng permit to stay “permesso di soggiorno per cure mediche” batay sa artikulo 19 talata 2 letra d ng D.Lgs 286/98 at5 artikulo 28 talata 1 letra c ng D.P.R. 394/99. Ito ay upang masiguradong maayos ang kalusugan ng Ina at ng sanggol sa sinapupunan at matugunan ang mga kinakailangang medical check-ups sa panahon ng pagbubuntis.

Ang request ng permit to stay ay maaaring isumite sa Ufficio Immigrazione ng Questura sa pamamagitan ng kit postale.

Sa aplikasyon ay ilalakip ang sumusnod:

– 1 revenue stamp na nagkakahalaga ng € 16.00;
– Kopya ng buong pasaporte;
– 4 na ID pasaport;
– Medical certificate na nagpapatunay ng pagbubuntis at ang petsa ng panganganak (valid medical certificate buhat sa A.S.L. o Ospital).

Matapos suriin ng Questura ang aplikasyon ay bibigyan ng initial permit to stay ‘per cure mediche’ na balido ng ilang buwan sa panahon ng pagbubuntis.

Ito ay renewable sa Ufficio Immigrazione ng Questura hanggang sa anim na buwan matapos makapanganak. Sa expiration ng pinakahuling renewal, ang Ina at sanggol ay hindi na maaaring manatili sa Italya at samakatwid ay kailangang umuwi sa Pilipinas.

Ang nabanggit na permit to stay ‘permesso per cure mediche’ ay hindi nagpapahintulot makapag-trabaho at hindi rin maaaring mai-convert sa ibang uri ng permit to stay maliban na lamang sa ilang kaso, partikular ang coesione familiare.

Paalala: Ang karapatang magkaroon ng permit to stay ay nakalaan rin sa asawang lalaki na walang permit to stay sa Italya sa panahon ng pagbubunti ng asawa.

Sa katunayan, ang Constitutional Court, sa hatol bilang 376 ng Hulyo 27, 2000, ay nilawakan ang pagbabawal sa deportasyon kahit sa asawa ng nagdadalang-tao hanggang anim na buwan matapos ipanganak ang sanggol. Magtungo sa Questura dala ang marriage certificate (translated, authenticated at legalized) sa pag-aaplay ng permit to stay para sa asawa.

ni: Atty Mascia Salvatore

isinalin sa tagalog ni: PGA

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

3 Pinoy, kabilang sa Kampeon ng Coppa Lazio 2018 Dart Tournament

Mga Dapat Malaman Tungkol sa Sakit na DIABETES – Unang bahagi