Ang paggamot sa artritis ay karaniwang kinapapalooban ng kombinasyon ng paggagamot, ehersisyo, at pagbabago sa istilo ng buhay.
Maaaring simulan ng isang physical therapist ang terapeutikong programa ng ehersisyo. Maaaring kasali rito ang mga ehersisyo sa pagkilos, isometric, aerobic, at isotonic o pagbubuhat ng mga pabigat.
Ang mga ito’y nakakatulong upang mapabuti ang maraming sintomas kasama na ang kirot at pamamaga sa kasukasuan, pagkapagod, pananamlay, at panlulumo. Ang mga pakinabang ng ehersisyo ay nakikita kahit sa matandang-matanda na. Maaari ring hadlangan ng ehersisyo ang pagnipis ng buto. Sinasabi ng ilan na nagkaroon din ng bahagyang ginhawa sa kirot dahil sa iba’t ibang anyo ng therapy na gumagamit ng init at lamig at acupuncture.
Dahil sa maaaring lubhang mabawasan ang kirot sa kasukasuan sa pamamagitan ng pagpapapayat, ang pagkain ay maaaring maging isang mahalagang bahagi upang makontrol ang artritis. Sinasabi rin ng ilan na ang pagkaing mayaman sa kalsiyum gaya ng matingkad na berde at madahong mga gulay, sariwang prutas, at isdang nabubuhay sa malamig na tubig na mayaman sa omega-3 fatty acid at ang pagbabawas sa mga pagkaing naproseso at mayaman sa taba ay hindi lamang nakatutulong upang mabawasan ang timbang kundi pati na rin ang kirot dahil hinahadlangan ang pamamaga. Ang pag-iwas sa karne, mga produktong galing sa gatas, trigo, at mga gulay na kabilang sa tinatawag na nightshade family, gaya ng kamatis, patatas, sili, at talong, ay naging mabisa rin sa ilan.
Sa ilang kaso naman ay inirerekomenda ang pag-opera na tinatawag na arthroscopy. Ito’y ang pagpapasok ng isang instrumento sa kasukasuan mismo, anupat pinapangyaring maalis ng siruhano ang synovial na himaymay na gumagawa ng mapanirang mga enzyme. Subalit, ang pamamaraang ito ay may limitadong bisa yamang kadalasan nang lumilitaw muli ang pamamaga. Mas matindi pa rito ang pamamaraang joint arthroplasty, na ang buong kasukasuan (karaniwang isang balakang o isang tuhod) ay pinapalitan ng isang artipisyal na kasukasuan. Ang bisa ng operasyong ito ay tumatagal nang 10 hanggang 15 taon at kadalasang napakabisa sa pag-alis ng kirot.
Kamakailan lamang, sinubok ng mga doktor ang paggagamot na walang gaanong pagtitistis, gaya ng viscosupplementation, kung saan tuwirang itinuturok sa kasukasuan ang likidong hyaluronic. Ito ay karaniwang ginagawa sa mga tuhod. Ang pagtuturok ng mga sangkap na nagpapasigla sa pagkukumpuni ng cartilage (mga chondroprotective agent) ay nagkaroon din ng tagumpay, ayon sa ilang pagsusuri dito sa Europa.
Bagaman wala pang gamot na natutuklasan upang gamutin ang artritis, maraming gamot ang nakababawas ng kirot at pamamaga, at ang ilan ay nakitang posibleng magpabagal sa pagsulong ng sakit. Ang mga analgesic, o pamatay-kirot, gayundin ang corticosteroid therapy, mga nonsteroid anti-inflammatory drug (NSAIDs),mga disease-modifying antirheumatic drug (DMARDs), immunosuppressant, mga biologic response modifier, at mga gamot na henetikong dinisenyo upang makialam sa pagtugon ng imyunidad ay pawang bahagi ng iba’t ibang paggamot na ginagamit upang maglaan ng ginhawa sa nakapanghihinang mga sintomas ng artritis.
Ang ilang terapeutikong gamot na may kaunting masasamang epekto, kaysa nakaugaliang mga paggamot ay ang oral type II collagen, na sinasabi ng ilang mananaliksik ay matagumpay sa pagbawas ng pamamaga sa mga kasukasuan at kirot sa rheumatoid arthritis (RA) sa pamamagitan ng paghadlang sa mga nagdudulot ng pamamaga at mapanirang mga cytokine, alalaong baga’y ang interleukin-1 at tumor necrosis factor α. Ang iilang likas na mga nutriyente ay iniulat na nagpakita rin ng mga kakayahan na pigilin ang mapanirang mga elemento ring ito tulad ng bitamina E, bitamina C, niacinamide, mga taba ng isda na maramingeicosapentaenoic acid at gammalinolenic acid, langis ng butong borage, at langis ng evening primrose. Sa Tsina, ang Tripterygium wilfordii Hook F, isang halamang-gamot, ay ginagamit na sa loob ng maraming taon. Iniuulat na nagtagumpay ito sa pagbawas sa mga epekto ng RA.